Indie actress Mercedes Cabral saddened by "bold star" tag in local showbiz; says foreign film festivals give her more appreciation and respect

"Nakakalungkot lang na dito sa Pilipinas, ang tingin sa akin bold star. Pero sa ibang bansa, lalo na sa mga international film festival, tinignan ka nila bilang magaling na aktres. Nakakalungkot kasi kung sino pa yung mga kadugo mo, kung sino pa yung mga kababayan mo, yun pa yung parang ang baba ng tingin sa iyo," says Mercedes Cabral.


Aminado si Mercedres Cabral na flattered siya kapag tinatawag siyang "Princess of Indie" films.

Sunud-sunod na indie movies na rin naman ang nagawa niya, at ang mga ito ay naipalabas hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.

Ilang beses nang nakadalo si Mercedes sa international film festivals, katulad ng prestihiyosong Cannes Film Festival sa France.

Iyon ay para sa kinabibilangan niyang indie movies ng mga obra ni Direk Brillante "Dante" Mendoza na Serbis at Kinatay.

Ayon kay Mercedes, "Napa-flatter ako na matawag na ganun.

"Pero ang sa akin kasi, hindi importante yung titulo.

"Ang sa akin kasi, gusto ko yung pag-arte.

"Pag nakatanggap ako ng script at nagustuhan ko ang istorya, tinatanggap ko.

"So, basta nag-e-enjoy ako sa ginagawa ko at nagagawa ko nang maayos ang trabaho ko.

"Pero, siyempre, nakakatuwa rin yung ibinibigay na pagkilala ng iba sa iyo."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mercedes sa presscon ng kinabibilangan niyang bagong indie movie, ang Crossroads, na ginanap sa Max’s restaurant sa Sct. Tuason, Quezon City, kahapon, Nobyembre 24.

COCO MARTIN. Bukod sa taguring "Princess of Indie," tinatawag din si Mercedes bilang female counterpart ni Coco Martin.

Nagkatrabaho na ang dalawa sa Serbis at Kinatay.

Nami-miss niya bang katrabaho si Coco?

Sagot ni Mercedes, "Oo, kasi isa siya sa pinakamasarap na nakatrabaho ko talaga.

"Masarap kasing katrabaho yung naghihilahan kayo pataas, e."

So, masasabi niyang nakatulong si Coco sa career niya?

"Oo, kasi ang dami kong natutunan sa kanya acting-wise.

"Parang siya rin yung tinitingnan ko, e, siya rin yung inaaral ko, kasi ang lalim niya umarte, ang galing niya."

Naging kontrobersiyal ang bed scene nina Mercedes at Coco sa Serbis dahil totally nude talaga sila doon.

Wala ba siyang restrictions sa pagtanggap ng sexy scenes?

Saad ni Mercedes, "Wala akong problema sa nudity, wala akong problema sa bed scenes, as long as kailangan siya sa story.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Like yung bed scene namin ni Coco sa Serbis, ano siya, e, may lalim pa siya, e.

"Kung titingnan mo yung buong picture ng istorya, yung character ko doon, mahal na mahal si Coco. Kaya niya nagawa yun.

"Pero yun nga, iniwan pa rin siya sa huli ni Coco."

Never ba siyang pinormahan ni Coco noon?

"Hindi e, wala talagang ganun. Magkaibigan lang talaga kami," nakangiting sagot ng aktres.

INDECENT PROPOSALS. Dahil sa madalas na sexy roles na ginagawa ni Mercedes, madalas din siyang tawaging "hubadera" o "bold star."

Nasasaktan ba siya pag sinasabi ito ng iba tungkol sa kanya?

"Oo naman," pag-amin niya.

"Parang nung nag-uumpisa ako, sinasabi nila starlet ako, bold star, ganun.

"Nakakalungkot lang na yung ibang audience natin, ganun mag-isip.

"Makakita lang ng bed scene, bastos na agad ang tingin.

"Sasabihin na nila na ’bold star ’yan, ganyan-ganyan.’

"Nakakalungkot lang na hindi nila nakikita yung lalim ng ginagawa ko, na seryoso akong artista, at ginagawa ko yung trabaho ko.

"Parte ng trabaho namin yun, e, di ba?"

REFUSING TO GO BOLD. Sa totoo raw ay may mga tinanggihan na siyang sexy roles na aniya ay "nonsense" ang paghuhubad na hinihingi sa kanya.

Ani Mercedes, "Nagkataon kasi na, after ng Serbis, na-peg ako sa ganung sexy role, e.

"Pero may mga tinanggihan na ako na offers kasi, nung binabasa ko yung script, sobrang wala akong sense na mahanap, na lalim, sa ipinapagawa nilang paghuhubad ko.

"So, pag ganun, tinatanggihan ko talaga."

Dahil nga sa paghuhubad niya sa pelikula, may natatanggap na ba siyang indecent proposals?

"Meron na," sagot niya.

"Ang daming nagme-message sa akin sa Facebook, pero mga hindi ko kilala.

"Like may nagme-message na ’P50,000 or more a night,’ yung ganun.

"Sa akin, sobrang nababastusan ako kasi hindi ako ganung klaseng tao.

"Hindi ako desperado sa pera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pinaghihirapan ko bawat sentimo na natatanggap ko.

"Kung nasaan ako ngayon, pinaghihirapan ko ito, e—para sa pangalan ko rin at para irespeto rin ako ng mga tao."

LOCAL VS. INTERNATIONAL AUDIENCE. Ayon kay Mercedes, nalulungkot siya na tila mas naa-appreciate at nirerespeto pa ng international audience ang kanyang value bilang isang aktres.

Bukod pa ito sa pagkilalang ibinigay sa kanya bilang Most Beautiful Actress sa Cannes Film Festival noong 2008.

Aniya, "Nakakalungkot lang na dito sa Pilipinas, ang tingin sa akin, bold star.

"Pero sa ibang bansa, lalo na sa mga international film festival, tinignan ka nila bilang magaling na aktres.

"Nakakalungkot, kasi kung sino pa yung mga kadugo mo, kung sino pa yung mga kababayan mo, yun pa yung parang ang baba ng tingin sa iyo.

"Hindi ko naman hinihingi yung recognition para sa akin lang.

"Sana lang makita rin nila na ang Philippine cinema ay mataas ang tingin ng mga taga-ibang bansa."

Kaya nga raw gusto niyang gumawa ulit ng pelikula na produced ng foreign producers.

"Gusto kong magkaroon ulit ng foreign film.

"Kasi yung na-experience ko na Korean film na hawak din ng Universal Pictures, yung Thirst, pinalabas siya sa Cannes nung 2009 kasabay ng Kinatay.

"Sa tingin ko, yung paggawa ko ng foreign film, nakakatulong din para maipakita sa iba na ito yung kayang gawin ng mga Pilipino sa larangan ng acting at filming.

"Maraming magagaling na artistang Pinoy.

"Maraming magaling na writers at directors ang Pilipinas."

GOING MAINSTREAM. Bukod sa paggawa ng indie projects, pangarap din ni Mercedes na maka-crossover sa mainstream, katulad ng nangyari sa career ni Coco.

Natutuwa nga raw siya sa tagumpay na tinatamasa ng kaibigan ngayon dahil matagal din daw itong hinintay ni Coco.

"Natutuwa talaga ako para kay Coco dahil nakatawid siya at naging successful pa.

"Sa ngayon, nagsisimula na rin akong mag-mainstream, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasama ako sa Hiyas, bago ng Precious Hearts Romances ng ABS-CBN.

"Pero alam ko next year pa siya ie-air.

"Parang kontrabida ang role ko doon dahil ka-love triangle ako nina Zanjoe Marudo at Megan Young," banggit ni Mercedes.

Nagpapasalamat siya sa ABS-CBN sa pagbigay sa kanya ng ganitong oportunidad.

Aniya, "Gusto ko rin kasing ma-try yung mainstream kasi iba rin siya, acting-wise.

"Gusto ko ring ma-explore lahat, as much as possible."

Gusto rin ni Mercedes makatrabaho ulit si Coco sa isang mainstream project.

Pero sino pa ang ibang aktor na gusto niyang makatrabaho?

"Gusto ko ring maka-work sina Sid Lucero, Jericho Rosales, John Lloyd Cruz...

"Yun ang mga aktor na sa tingin ko masarap katrabaho dahil alam mong hihilahin ka nila pataas, acting-wise."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN