Janelle Manahan out of hospital; recounts night of boyfriend Ramgen Revilla’s murder

"Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng mga nagdasal at saka sa lahat ng sumusuporta po para po sa justice [kay Ramgen]. Whatever po needed yung help ko, ibibigay ko po," says Janelle Manahan.


Ibinalita Martes ng gabi, Nobyembre 29, sa iba’t-ibang primetime news programs ng tatlong malalaking TV networks—ABS-CBN, TV5, at GMA-7—ang paglabas sa ospital ni Janelle Manahan, kasintahan ng napaslang na aktor na si Ramgen Revilla.

Matapos ang isang buwan sa Asian Hospital and Medical Center sa Alabang, lumabas na si Janelle pasado alas-dos ng hapon, Nobyembre 29.

Kasama ng kanyang mga abugado, naka-shades, maong, at sweater ang dalaga na guwardiyado ng mga pulis.

Dahil hindi pa tuluyang gumagaling ang kanyang balikat, naka-armsling pa rin siya.

JUSTICE FOR RAMGEN. Bagamat hirap pang magsalita si Janelle dahil sa nakakabit na braces sa ngipin niya, nagpaunlak pa rin siya ng interview pagsakay niya sa kotse.

Ayon kay Janelle, "Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng mga nagdasal at saka sa lahat ng sumusuporta po para po sa justice [kay Ramgen].

"Whatever po needed yung help ko, ibibigay ko po."

Saan siya humuhugot ng lakas sa hinaharap niyang trials?

"Kay God po at saka sa love ng family at saka sa lahat ng sumusuporta po."

Napaiyak din si Janelle sa pangalawang buhay na ibinigay sa kanya.

Nangako siyang hindi titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa pagkamatay ni Ramgen.

Sabi ni Janelle habang umiiyak, "Ngayon lang po nagsi-sink in lahat, e. Hindi ko po alam."

Nakahanda raw si Janelle na tumestigo sa kaso ng napatay na nobyo.

Nanawagan din siya sa pamilya Bautista-Revilla.

"Sana po tulungan po nila akong mahanap yung hustisya para kay Ramgen. Yun lang po."

Galit ba siya sa pamilya ni Ramgen?

Sagot ni Janelle, "Hindi ko po talaga alam yung nararamdaman ko ngayon, e.

"Ngayon lang po talaga nagsi-sink in lahat.

"Hindi ko po talaga alam kung ano yung napi-feel ko."

TRANSFERRED TO A SAFEHOUSE. Bagamat na-interview ng lahat si Janelle, tanging ang ABS-CBN News reporter na si Jay Ruiz ang nakasama sa sasakyang sumundo kay Janelle.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mula ospital, inihatid si Janelle sa isang safehouse kung saan siya mananatili ng ilang araw habang nag-a-apply siya para sa witness protection program.

Hindi kasi maiaalis na nasa panganib ang kanyang buhay dahil biktima, complainant, at testigo siya sa krimen.

Nakatakda siyang magbigay ng kanyang sinumpaang salaysay sa Biyernes, Disyembre 2.

Mula sa safehouse sa isang lugar sa Metro Manila ay nakausap ng ABS-CBN news anchor na si Ted Failon si Janelle, kasama si Jay Ruiz, para sa isang exclusive live phone-patch interview na napanood sa TV Patrol kanina.

Ayon kay Jay, tanging siya at ang pamilya lang ni Janelle ang kasama ng dalaga sa loob ng safehouse.

Katatapos lang daw magmeryenda ni Janelle ng vegetable soup.

Kararating lang daw doon ng nanay ni Janelle na si Rosario matapos ma-settle ang bill sa ospital.

Katabi nga ni Jay si Janelle para magbigay ng iba pang detalye tungkol sa kanyang naging karanasan.

Narito ang kabuuan ng usapan nina Ted at Janelle:

TED: "Kumusta ka na? Ikaw ba ay maaaring makapagsalita ngayong gabi?"

JANELLE: "Opo, pwede po. Nakakapagsalita naman po ako pero hindi lang po masyado understandable."

TED: "But so far, audible ka ngayon at klaro naman ang yung pagsasalita.

"Mga ilan pang linggo o buwan ang aabutin bago ka tuluyang maka-recover sa iyong naging problema, danyos sa iyong bibig at sa iyong mukha?"

JANELLE: "Sa pananalita ko po, yung braces po, matatanggal siya in five to seven more weeks pa po.

"Tapos yung [paralysis] sa side naman ng face ko, hindi pa po sure kung kailan.

"Wala pa pong definite time, pero ipagpapatuloy lang po yung therapy hanggang gumaling po."

TED: "Ito bang gagawin mong therapy ay kasabay sa iyong pag-testify sa kaso ni Ram?"

JANELLE: "Opo, opo."

RAMGEN’S RELATIONSHIP WITH HIS FAMILY. Napag-usapan din nina Ted at Janelle ang tungkol sa relasyon ni Ramgen sa pamilya nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

TED: "Janelle, kung mamarapatin mo lang. Ano ba ang naisalaysay sa iyo ni Ram, naikuwento sa iyo ni Ram tungkol sa relasyon niya sa kanyang mga kapatid na ngayon ay idinadawit na sa kaso?"

JANELLE: "Nasaksihan ko naman po yung relationship nila. Actually, po, close sila.

"So, medyo hindi ko po maintindihan kung bakit ganito yung lumalabas sa investigation.

"So, medyo confused pa po talaga ako."

WHAT HAPPENED ACCORDING TO JANELLE. Ang sumunod na mga tanong ni Ted kay Janelle ay may kinalaman na sa nangyaring krimen noong gabi ng Oktubre 28.

TED: "Pero nung gabing nangyari ang krimen, ano ba talaga ang nakita mo, Janelle?"

JANELLE: "Kasama po namin si Mara [Ramona Bautista] sa loob ng kuwarto. Pero isang lalaki lang po yung nakita ko na bumaril po sa akin."

TED: "Pupuwede mo ba sa aming isalarawan Janelle, ano ang hitsura ng lalaki? Ano ang kanyang suot? Ano ang tangkad niya? Pupuwede kaya?"

JANELLE: "Hindi ko po kasi nakita yung mukha niya kasi naka-Halloween mask po siya. Pero ang natatandaan ko lang po, yung color ng jacket niya, green po."

TED: "Ano ang ginagawa n’yo nung gabing yun na magkakasama kayo nina Ramona, ni Ram sa kuwarto?"

JANELLE: "Kumatok lang po si Mara. May hinihingi po siyang video, yung video message niya [Ramgen] po para sa kapatid nila na nasa PMA [Philippine Military Academy sa Baguio]."

TED: "Kayong dalawa lang ang nandun sa kuwarto nang kumatok itong si Ramona. Pagbukas n’yo ng pinto, kasabay bang pumasok yung lalaki?"

JANELLE: "Hindi po. Siguro po mga five minutes after, po."

WHERE IS RAMONA? WHAT DID SHE DO? Sumunod na napag-usapan nila ay kung nasaan si Ramona nang mangyari ang krimen at kung ano ang ginawa nito.

TED: "Noong nangyari ang barilan, nasaan si Ramona?"

JANELLE: "Nasa loob pa po ng kuwarto."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

TED: "Nung pagpasok ng may dala ng baril—sino ang kaagad na binaril?"

JANELLE: "Ako po. Pero hindi po siya pumasok ng kuwarto. Hanggang sa may pintuan lang po."

TED: "Pagkatapos, pakikuwento nga Janelle, ano ang nangyari?"

JANELLE: "Binaril po ako sa balikat, una. Tapos sumunod po yung baril sa mukha.

"Tapos po, hindi ko na po nakita yung pangyayari kasi po nakatungo lang ako kasi nagulat ako na nabaril ako.

"Naririnig ko na lang po yung commotion."

TED: "Nung nandoon ka sa loob ng kuwarto at ikaw ay duguan na, ikaw ba ay natumba? Ano ang narinig mo kung meron man? Meron bang salitang binitiwan yung gunman o maging si Ramona o si Ram?"

JANELLE: "Wala po, wala po. Si Ramgen lang po yung naririnig ko."

TED: "Ano ang sabi niya?"

JANELLE: "Tinatanong niya po kung sino yung lalaking nakamaskara.

"Tapos after po noon, sobrang tahimik lang po.

"Naririnig ko lang po na parang nanlalaban si Ramgen.

"The whole time po, nandun po si Ramona kasama ko po."

TED: "Ano ang sinasabi ni Ramona habang nangyayari ang mga bagay na yun?"

JANELLE: "Nung pagkabaril po sa akin, lumapit po siya sa akin nung nakalabas na si Ramgen.

"Tinatanong niya po kung saan po yung tama ko sa mukha.

"Tapos nahilo po ako. Tapos napahiga po ako sa may floor.

"Yun lang po yung natatandaan ko.

"Naririnig ko lang po talaga lahat. Hindi ko po nakikita."

TED: "Kamo nakalabas na si Ramgen sa kuwarto?"

JANELLE: "Opo."

TED: "Paano siya [Ramgen] nakalabas ng kuwarto?"

JANELLE: "Siya po yung lumabas."

TED: "Nakalakad pa si Ramgen?"

JANELLE: "A, sandali lang po..."

INCONSISTENCIES IN RAMONA’S STATEMENTS. Pagkasabi ni Janelle nito ay si Jay Ruiz na ang nakausap ni Ted.

Paliwanag ni Jay, "Bale si Janelle, Ted, medyo masakit na yung ngipin kaya ipinasa na sa akin yung telepono.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa pagkukuwentuhan namin kanina ay meron ngang maraming inconsistencies dito sa naging pahayag ni Ramona Bautista sa naikuwento nga ni Janelle Manahan.

"Yun nga ang pinagtatakahan niya kung bakit naging ganun ang naging mga pahayag ni Ramona.

"Parang iba sa kanyang nasaksihan. Tulad ng pagtatago.

"Sabi kasi ni Ramona ay nagtago raw siya sa may aircon.

"Pero sinasabi nitong si Janelle ay the whole time nandun daw si Ramona sa tabi niya.

"At ang pinagtatakahan pa niya lalo ay kung bakit hindi man lamang nakatawag ng tulong itong si Ramona.

"Dahil ang inaasahan niya ay makakatawag agad ng tulong dahil ilang beses niyang inulit kay Mara na nangangailangan sila ng tulong ni Ramgen.

"Ang mabigat pa nito, Ted, lumalabas na buhay pa pala si Ramgen nang dalhin nila sa ospital dahil ilang beses pa niyang... dalawang beses pa niyang tinawag ang pangalan ni Janelle."

RAMGEN COULD STILL BE ALIVE. Bigla namang sumingit si Janelle na maririnig sa background: "Ako po yung tumawag."

Bagay na inulit ni Jay, "Siya po ang tumawag... ang sinasabi kasi... Kasi Ted medyo mahina ang boses ni Janelle ngayon.

"Ang sinasabi, kung nadala lamang si Ramgen nang mas mabilis sa ospital, baka ngayon ay buhay pa rin si Ram.

"Dahil nga buhay pa siya... nag-aagaw-buhay pa siya nung nadala siya sa ospital at nakakausap pa ni Janelle that time.

"Kung kaya’t napakalaki ng naging resulta nung hindi kaagad pagtulong dito nga kay Ramgen.

"Kaya nakakapagtaka, ayon kay Janelle, kung bakit hindi agad tumulong yung kapatid ni Ramgen."

Sabi naman ni Ted, "Iyon nga rin ang aking parang unang pagkakataon na marinig iyan. Na nakatayo pa si Ramgen palabas ng kuwarto habang siya [Janelle] ay natumba at yun nga raw ang huli niyang pagkakarinig dito kay Ramgen.

"Anyway, sa mga oras na ito, Jay, nakapaghanda na ba... lahat ba nang ikinuwento sa atin ni Janelle ay nandun na sa kanyang affidavit?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tugon naman ni Jay, "Nandun na Ted sa affidavit. Bale sulat-kamay pa lang ang affidavit ni Janelle at medyo inaalagaan nga ng kanyang mga abugado itong mga statements niya dahil ito nga ang magiging bahagi ng kanyang testimonya.

"At malamang, para hindi masilip nung kabila kung ano ang sasabihin nitong si Janelle kaya’t sa ngayon ay parang ilalabas nila ito sa Biyernes, itong affidavit ni Janelle.

"At eto nga, Ted, talagang makikita mo na marami ngang inconsistencies dun sa naging pahayag ni Ramona at itong si Janelle.

"Sa katunayan, may bersyon pa roon sa ospital kung bakit nagmaang-maaangan at nagsinungaling itong mga iba pang kapatid ni Ramona na nagsasabing kunwari ay in-abduct din itong si Ramona ng killer.

"At ayon kay Janelle, nakapagtataka kung bakit yung iba pang kapatid ay nakisama dito nga sa moro-moro, o dito sa palabas na na-abduct itong si Ramona.

"Medyo nalulungkot nga itong si Janelle ngayon sa tabi ko dahil tuwing naaalala itong mga pangyayari ay napapaluha at medyo napapaiyak.

"Kaya nga dito, medyo lumuluha na naman si Janelle."

Sabi naman ni Ted, "Nauunawaan natin ’yan, Jay.

"Kaya siguro pinakamaganda nga na atin nang putulin ang ating panayam kay Janelle para hindi na makadagdag doon sa kanyang muling nararamdaman ngayon na sakit ng loob."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN