May lumabas na blind-item reports at kinalaunan ay pinangalan na rin na break na raw sina Jennica Garcia at Alwyn Uytingco.
Pero pinasubalian ng dalawa ang isyu nang sabay silang dumating sa 8th Golden Screen TV Awards ng Entertainment Press Society (Enpress) na ginanap sa Teatrino Promenade sa Greenhills, San Juan noong Martes ng gabi, November 29.
Magkasabay rin silang nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa backstage ng Teatrino.
Ramdam namin ang pagkailang nila, lalo na sa parte ni Jennica na hindi raw sanay na nai-interview na magkasama silang dalawa.
RUMORED BREAKUP. Tinanong ng PEP ang tungkol sa napabalitang breakup nila.
Nagsimula itong kumalat sa Twitter ilang linggo na ang nakararaan.
Marami kasi ang nakapansin sa followers nila sa Twitter na hindi na raw sila nagtu-tweet sa isa't isa.
Marami ang nagtaka rito dahil sanay ang followers nila na naghahayag ng sweetness para sa isa't isa sina Jennica at Alwyn maging sa Twitter.
"Hmmm...ano kaya ang totoo?" natatawang biro ni Alwyn nang hingan namin siya ng reaksiyon.
"Well, hindi ko rin nga po alam kung saan napulot yun.
"Pero siguro dahil marami na rin...may nagsisimula ng tsismis at nag-iiba na ang story.
"So, siguro, huwag na lang po nating paniwalaan."
Sagot naman ni Jennica sa isyu, "Ano, e, hindi ko nakikita ang need na mag-explain kung bakit hindi na kami ganyan, kung bakit hindi na kami ganito.
"Basta ako, masaya ako na kami pa rin ni Alwyn ngayon dahil wala pa rin naman akong pipiliing iba kung hindi siya lang."
SECRET TO A HAPPY RELATIONSHIP. Si Alwyn ang sumagot sa tanong kung ano ang sikreto nila at nananatiling matatag ang relasyon nila sa kabila ng balitang break na sila.
Bukod pa rito, magkaiba sila ng network na pinagtatrabahuhan —si Alwyn ay sa TV5 at si Jennica, GMA-7.
Saad ng young actor, "Siguro fate talaga, at saka faith na rin kasi kailangan n'yo talagang magtiwala sa isa't isa at maniwala na kaya n'yong tahakin kahit na ano."
Almost two years na raw ang relationship nina Jennica at Alwyn.
Halatang ilang pa si Jennica nang tanungin naman ito kung ano ang mga nakita niya kay Alwyn bilang isang boyfriend.
Nakangiting sabi niya, "Marami, e, sobrang dami.
"Sorry ha, hindi lang talaga ako sanay. Parang ngayon lang yata kami na-interview ng ganito.
"Pero, marami. Sobang marami.
"Isa na rin siguro yung sobrang mapagmahal niya sa pamilya niya.
"Isang bagay yun na hinahangaan kong talaga."
Gaano naman kamahal ni Alwyn si Jennica?
Sagot ng young actor, "Sobra. Actually, sobra po talaga.
"Walang word para i-describe yun.
"Kasi, hindi rin kami masyadong nagsasalita, pero alam ko sa sarili ko kung gaano ko kamahal ang isang tao."
DEALING WITH JEALOUSY. Selosa ba si Jennica?
Natatawang umamin ang dalaga at sinabing, "Opo. Selosa po, e. Iyakin kasi ako, e."
Pinapaiyak ba siyang palagi ni Alwyn?
Sagot ni Jennica, "Ay, hindi naman. Sinasabi ko lang na ako lang yun.
"Sa aming dalawa siguro, mas ako yun."
Napatili naman si Jennica at napatakip ng bibig si Alwyn nang may magtanong kung sino ang huling babaeng pinagselosan ng dalaga.
Sabi ni Jennica, "Ay! Huwag na kayong magtanong ng ganun!"
Biro naman ni Alywn, "Hindi naman babae. Ay!"
Dugtong pa ni Jennica, "Huwag na kayong magtanong ng ganyan. Basta ganoon lang, selosa lang talaga.
"Pero, hayaan n'yo na. Hindi naman yun actually ang pinakamalalaking isyu.
"Mga ano ko lang din yun, mga palambing ko lang yun. Lalo na kapag bisi-bisihan.
"Pero, ganoon lang yun."
Sabi pa ni Jennica ay hindi seloso si Alwyn bilang boyfriend.
Pero kontra ni Alwyn, "Hindi, seloso rin ako. Hindi ko lang pinapahalata.
"Minsan, hangga't maaari, dini-disregard ko talaga ang feelings."
