Noong Miyerkules, Nobyembre 30, nag-last taping day na si Mo Twister sa Juicy! Halos tatlong taong kabahagi ng daily entertainment show ng TV5 si Mo.
Dito rin nasaksihan ng publiko kung paano nabuo ang magandang pagkakaibigian nila ng mga kasama niyang sina Alex Gonzaga, IC Mendoza, Shalala, at Cristy Fermin.
Pero iba ang relasyong nabuo sa kanila ni Cristy dahil, sa ngayon, itinuturing na ni Mo ang beteranang TV host na "nanay-nanayan."
Matatandaang naging mortal na magkaaway ang dalawa noong nasa magkabilang bakod pa sila, si Cristy sa ABS-CBN at si Mo sa GMA-7.
Pero sa kuwento ni Cristy noon, "isang ngiti at sorry" mula kay Mo ang naging tulay upang maging magkaibigan sila nang magkita sila sa station ID shoot ng Kapatid network.
At habang nasa Juicy taping noong Miyerkules si Mo, nag-tweet ito ng "At Juicy taping. One of the great things about entertainment shows, u get all the latest info bout celebs including yourself."
SPECIAL FAREWELL EPISODE FOR MO. Sa kuwento na nakarating sa amin, binigyan ng mahabang panahon ng production staff ng show ang kanilang espesyal na pagbibigay-pugay sa papaalis na Juicy host.
Naging emosyonal daw ang buong studio pati na ang staff dahil hindi nila mapigilang makisimpatiya sa palabang DJ/TV host dahil "may lalim" daw talaga ang iyak nito.
Bago mag-alas tres ng hapon noong Miyerkules din, lumabas dito sa Pep Alerts ang tungkol sa diumano'y pagkasuntok ni Mo sa mesa ng Juicy set dahil daw sa sama ng loob kay Rhian Ramos.
Nakasaad pa sa Pep Alerts, "Napaiyak at napasuntok sa mesa si DJ Mo Twister sa huling taping niya para sa Juicy! Dahil sa matinding sama ng loob kay Rhian Ramos. Mapapanood ang nasabing episode ng Juicy! sa Biyernes, December 2."
CONTROVERSIAL JUICY EPISODE. Marami ang naging curious sa naturang episode ng Juicy! kagabi, December 2, 11:15 p.m. sa TV5.
Sa pagsisimula ng show, inumpisahan ni Cristy ang kanyang spiels sa pananalitang, "Biyernes ng gabi po mga kapatid, December 2, ito po ang gabing ayaw naming dumating sa Juicy.
"Magkakasama po kami nina IC Mendoza, DJ Mo Twister, Shalala at siyempre ang aming prinsesa, Alex Gonzaga."
Pagkatapos ng introduction, sumunod na ang normal na discussion muna ng show.
Una rito ang mga baon na tsika ng mga hosts. Sinundan ito ng mga regular segments ng show.
Halatang dedicated talaga kay Mo ang episode dahil kahit sa segment ng show na mga celebrity tweets ay patungkol kay Mo ang laman.
Sa pagtatapos ng unang bahagi ng show bago mag-commercial gap, nagbiro naman si Alex, "Can we do it, can we finish the show?"
"Sumagot naman si Shalala ng, "Ako hanggang second gap lang ako."
Sa pangalawang bahagi ng show, Facebook message naman ang binasa ni IC patungkol pa rin kay Mo.
Ito ay galing sa isang Juicy viewer na nagpost ng kanyang mensahe sa Fanpage ng show na nagsasabing mami-miss daw niya ang matapang na TV host.
Sa pangatlong bahagi ng show, nag-update muna si Cristy tungkol sa pagsasampa na ng demanda ng pamilya ni Cogie Domingo sa taong nambugbog sa kanya.
Sumunod naman ay in-intro ni Alex ang VTR (videotaped recording) ng mga taong nagpaabot ng mensahe kay Mo.
Umpisa ni Alex na parang pabirong umiiyak, "At ito naman Nanay [Cristy], ito na talaga ang inaabangan natin, ang nagawa nating VTR para kay DJ Mo, panoorin mo 'to."
Unang nagbigay ng mensahe si Gabby Eigenmann, kasunod si Ciara Sotto, Joey de Leon, at panghuli naman si Gary Valenciano.
Pagkatapos ng VTR, unang nagkomento si Cristy: "Ang pinakagusto ko dun ay yung kay Joey de Leon, sabi niya isa ka sa pinakamagaling.
"Coming from a Joey de Leon, ang tindi nun, ano?
"Isa ka sa pinakamagaling pero ewan daw niya kung bakit ang sarili mong problema, hindi mo naayos.
"Para kang doctor, kayang-kaya mong operahan ang ibang tao pero pagdating na sa sakit mo, nangangailangan ka ng ibang doctor."
"Totoo naman yun e, pag sariling problema mo na, hindi mo na kayang resolbahan."
Sinang-ayunan naman ito ni Mo at nagpaabot siya ng pasasalamat sa mga nagbigay ng mensahe para sa kanya.
MESSAGES FROM MO'S CO-HOSTS. Pagkatapos nito, sunud-sunod na ang pagbibigay ng mga mensahe ng Juicy hosts para sa kanilang co-host na nakatakda nang magpaalam sa show.
Nagpahayag muna si Cristy ng kanyang paunang pananalita tungkol sa kalungkutan niya sa pag-alis ng napamahal na co-host.
Aniya, "Ako, ito lang bentahe ko sa inyo, e, may columns ako.
"Sa mga columns ko nakapag-ventilate na ako ng lungkot, e. Nasusulat ko na.
"Siyempre, naiibsan yun, e. E kayo, sikil na sikil gaya nito [sabay turo kay Shalala], sa dressing room pa lang kanina, nag-e-emote na ang nanay. Paano yun?"
Dito na nagsalita si Shalala, aniya, "Itong kay Mo, sa GMA pa lang hindi naman talaga kami close niyan, e.
"Hi, hi lang, tapos nung pumunta ako dito sa Juicy, sabi nila kasama ko siya. 'Di ba salbahe ito?'" sabay tawa ni Shalala.
"Sabi ko, nung kinakusap ako, sabi ko, e parang sa 'yo [Alex] walang problema, pero ilag din ako ng kaunti, pero alam kong lukaret.
"Pero ito [Mo] e, kung makakatabi ko ba yan...sabi ko, baka puwedeng hindi ko siya katabi, kasi naalala ko yung sinabi niya kay Kuya Germs.
"Pero nung tumagal, sabi ko, sira ulo pala itong taong to, kapareho ko din.
"Sabi ko, may puso."
Dito na unti-unting naluluha si Shalala.
Dagdag pa niya, "Kulang siguro yung ilang taon lang, yung unbeatable 5 [palayaw sa kanilang lima ng mga Juicy viewers].
"Hindi naman makukumpleto yun kung wala ka.
"Walang makakapalit sa 'yo Mo, mami-miss ka namin."
Dito na rin parang unti-unting naiiyak si DJ Mo at si Cristy.
Dagdag naman ni Cristy, "One year-and-a-half, one year-and-seven months, ikaw?"
Si IC naman ang sumunod na nagsalita. "DJ Mo, ahm, ahm, actually never kong inakala na sobrang makakasundo kita kasi from what I heard, sobrang magkaiba tayo ng ugali.
"Ikaw yung kasagsagan ng pagka-straight, ako naman ang epitome ng kabaklaan."
"And alam mo yun, at first na-intimidate ako sa 'yo pero [it] turned out na napakabait mo palang tao.
"And I wish you sana mahanap mo yung sarili mo and yung inner peace na you truly deserve.
"And siyempre, hope you find the girl na susuklian [ka] kung anong pagmamahal na kaya mong ibigay, kasi you're tough pero sobra kang magmahal."
Si Alex naman ang sumunod. Pero pabiro pa rin ang panimula nito, marahil gusto lang niyang ikalma ang ma-emosyonal na environment sa set.
Sabi nito, "DJ Mo, look at me," sabay tawanan ng mga hosts.
"Look at me, when I say this to you...Alam mo naman DJ Mo na naging close tayo sa airplane.
"Tapos, nakakalungkot naman na kung kailan tayo nagiging close, kasi dati lagi tayong nagkakapikunan, kaya nga pinaglayo tayo ng dressing room.
"Alam ni Omar [Sortijas, Executive Producer ng Juicy], nagkakapikunan kami."
"Ang sa akin lang DJ MO, sayang, kasi konti pa lang yung time na pagkakasama natin, sana naging mas close pa tayo kaso aalis ka na."
Sabat ni Shalala, "E, di sumama ka."
Pabiro namang sinagot ni Alex na, "Ayaw niya kasing sabihin kung saan siya. I've been texting, e.
"So yun, mami-miss ka talaga namin, DJ Mo, at hanggang ngayon wala akong maisip kung sino ang papalit sa lugar mo."
TRIBUTE FROM 'SHREK.' Sumang-ayon naman ni Cristy, "Wala, wala. Walang para diyan sa upuan na 'yan.
"Ako naman, ang laging mali ko, kapag nagmahal ako at nagtiwala sa isang tao, masyadong malalim yung pundasyon.
"Kaya kapag nawawala, masasaktan ako masyado.
"Sa totoo lang ha, sa buong buhay ko sa showbiz, iisa lamang ang nakasalahula sa akin ng todo—si Mo Twister lang.
"Kung anu-anong pangalan ang itinawag niya sa akin, sabi ko nga may bentahe ako, may mga columns ako, kaya talagang nagagantihan ko siya.
"Tinawag niya akong 'Shrek.'
"Lahat ng tao na hindi ko kasundo, i-interview-hin niya para ako balikan. Banatan ako.
"Ang di ko malilimutan, dalawang bagay ito, yung anak ko involved.
"Yung anak kung panganay, pag nakikinig sa kanya at nilalait niya ako, tinatanong ni BM [anak ni Cristy] kung anong address mo.
"I told you that [kay Mo]. Gusto siyang upakan ng panganay kong anak dahil nanay niya yung sinasaktan ni Mo.
"Pero nung magkakilala na kami, magkasama dito sa Paparazzi, tsaka sa Juicy, si Rebo [anak pa rin ni Cristy] ang pambalanse.
"Si Rebo ay kanyang tagahanga, pananamit niya, sinasabi niya, radyo niya, lahat, sinusundan siya ni Rebo.
"So, gusto ko nga e, yung aming relasyon, una naging magka-away kami, kaysa naging magkaibigan.
"At ngayon na nandito na siya, mami-miss ko yung, 'Do you have candy, Nanay?'
"Sasabihin ko naman, 'Masakit ulo ko, may medicine ka?'
"Alam mo, sa totoo lang, kung ikaw man ang pinaka-nanakit na tao sa akin sa showbiz, ikaw din ang isa sa mga rumespeto sa akin, maraming salamat. Thank you, thank you."
Dagdag ni Alex, "Mami-miss ko talaga. Si DJ Mo lang ang laging tumatawa sa jokes ko. Mami-miss ko talaga."
MO SAYS SORRY. Nagpalitan ng mga jokes at nagkatawanan ang limang Juicy hosts. Dito na rin nagpahayag si Mo ng kanyang mensahe para sa kanila.
Aniya, "Well, alam mo naman ako, I'm rather [an] emotional person pagdating sa mga ganitong mahahalagang things in my life.
"I'm very much also the type of person na maiiyak na.
"You know, this time, I'm all cried-out.
"I'm just a little bit angry sa mga nangyari sa buhay ko dito this year.
"So I just wanna ask na lang for your forgiveness more than anything that I'm very difficult to work with.
"Not because of my personality na sinasabi mo [Shalala] na nakakatakot naman 'to or yung mga pinagdaanan namin [ni Cristy], ahm, it was more that I was very difficult to work with because I was very quiet, and that I've been hurting for a very long time."
Dito ay may itinanong naman si Cristy sa kanya, "Nung mga panahon ba na sinasabi mong you're so difficult to work with, nagsisimula na ba yung problema mong personal nun?"
Sagot ni Mo, "Yeah, of course, of course. And I wanna ask the staff, for forgiveness also.
"This is not me.
"You saw that, past year and three months, is not me, I'm a friendlier person, it's just that I lost something very..."
Itinaas ni Mo ang dalawang kamay niya, pinag-akmang parang magsi-shake hands at halos may bigat na gustong isambulat na hindi niya kayang dalhin.
At pagkatapos nito, isinuntok niya ang kanyang kanang kamay sa mesa ng Juicy nang makailang ulit.
Dito na rin humulagpos ang luha ni Mo.
Patuloy pa niya, "I lost something, very important...and I got very angry at you guys..."
Hindi na nakapag-patuloy pa si Mo ng pagsasalita dahil tuloy-tuloy na ang kanyang luha.
Dito na siya nilapitan, niyakap, at hinaplos ang likod ng kanyang mga kasamahan.
Pagkatapos nilang pakamalhin si Mo, tsaka ito nagpatuloy ng kanyang mensahe:
"No, no, no, I just wanna apologize.
"No, no, really...I wanna apologize to Jana [Manalaysay, Business Unit Head ng Juicy at Executive Producer ng Paparazzi], our bossing, to Omar, for, yung lumabas sa tabloid na sinigawan ko sila, nagagalit ako sa inyo, that's true."
Sabat ni Cristy, "And that's because..."
Dugtong ni Mo, "Something happened to me and ah..."
Tugon ni Cristy: "Pero hindi ba sa sobrang proteksiyon na ibinagay mo, ikaw ang nadiin, ikaw ang ganyan ngayon?
"Pero alam mo isang araw, babalik ka dito, malinis na ang puso mo, wala na yung hurt, wala na yung kahit ano, basta mahal ka namin, mahal na mahal ka namin.
"Kasing talino, kasing professional na katulad niya, laging may babalikan."
Dugtong ni IC: "Kasing balasubas..."
Sabi naman ni Cristy, "Kasing salbahe, kasing makulit, kasing sutil, basta everything na negatibong sabihin natin, isa lang ang katapat nun, mahal ka namin.
"Sobrang mahal ka namin. Maraming salamat."
Dugtong ni Alex, "May you find happiness."
Sabi naman ni IC, "At sana makaalis ka dun sa dark place na sinasabi mo."
Singit naman ni Mo, "Sorry guys."
Pahabol naman ni Shalala, "At sana Mo, mabuo pa rin ang unbeatable 5."
Pabiro namang sagot ni Mo, "Next week."
Dito na ulit nagkatawanan ang lahat.
FAMILY AND FRIENDS. Kinamusta naman ni Cristy si Mo tungkol sa mommy nito.
Kuwento ni Mo, "My mom, ah, yung parents ko, dito kami. I mean for all the misconceptions, actually dito ako lumaki, dito sa Pilipinas."
"Sa Bulacan ako lumaki. I mean you know, I spent 24 years of my life here sa Philippines and, ah, kasama ko yung buong family ko.
"Just the other...[a] few weeks ago, sinabi ko na sa kanila [kung] anong nangyari sa amin.
"At sabi niya, 'Kaya pala I have not seen you smile in a year.' So they closed their business [and] they moved away also.
"Ang kapatid ko pumunta dito, lola ko, kasi medyo na-shock lang sila sa mga nangyari.
"Yung family ko, they're all gonna live abroad.
"We'll all be together and it's nice to see them support [me].
"Kasi ako, very distant ako sa family ko, e."
"And my friends, I'm also very distant sa mga friends ko.
"I'm not the type naman na nagbabarkada, di ako umiinom, di ako lumalabas, di ako naglalakwatsa, so wala akong barkada ever since."
"I'm always just a student. I love to read a lot, so wala talaga akong oras to socialize."
Dito ikinuwento ni Mo na nitong mga nakaraang buwan napansin niyang andami pala niyang mga kaibigang nagpapaabot sa kanya ng suporta at pagmamahal na hindi niya inakala.
Dagdag pa niya, "Before anything else, I'm really sorry, I'm sorry for being so different."
Dito na nagpasalamat ang lahat ng mga co-hosts ni Mo dahil sa loob ng ilang araw ng kanyang pamamalagi sa show ay nakilala daw nila nang lubusan si Mo.
Dito na nagkaroon ng "toast" sina Cristy, Mo, IC, Shalala, at Alex.
Bago magtapos ang programa, ipinahiwatig ni Mo na baka dito raw siya sa bansa magpapasko.
Si Mo ang nagsara ng show at sa kanyang closing spiels, sinabi niya: "Ito ang huling hagupit ng tsikang nag-iinit, todo-todo ang hirit sa..."
Sabay na silang limang nagsabi ng: "Juicy!"
