Sa presscon ng Ang Panday 2 last Thursday, December 1, sa Annabel's restaurant, inamin ni Kris Bernal na magkaibigan na lang sila ngayon ng male balladeer na si Jay Perillo.
Dati kasi ay balitang may special relationship ang dalawa bilang mag-MU or "mutual understanding."
"Wala na yung sa amin ni Jay. Kumbaga, parang sa totoo lang, medyo nag-lie low kami, e.
"Medyo nag-lie low na yung ano niya, kumbaga yung relationship namin, yung panliligaw niya parang medyo tumamlay na.
"Hindi na kami nagkikita, hindi na kami masyadong nagkikita," seryosong pahayag ni Kris sa media kasama na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Sa Party Pilipinas na lamang daw sila nagkikita, kung saan pareho silang regular performers, hindi tulad ng dati na madalas silang magkasama.
MUTUAL DECISION. "Siguro desisyon na rin namin na ano na, 'Huwag na nating ituloy!' or i-pursue or 'Try na lang natin next time.'
"Desisyon naming pareho."
Kailan nila ito napagdesisyunan?
"Mga last week lang."
Bakit nila iyon napagdesisyunan?
"E wala rin, e. Parang kasi yung mga time na nanligaw siya, siyempre kinikilala ko siya, tinitingnan ko kung ano siya.
"Okay naman siya, as in wala akong maireklamo sa kanya.
"Kaya lang ayoko kasi yung parang minsan na, parang, alam mo yun?
"Pag sa trabaho, iniisip ko na yung oras ko at yung dapat oras na [may] manliligaw, yung sa mga bisita...sa mga bumibisita, ganun.
"So parang sabi ko, 'Ano, friends na lang tayo.' Okay naman.
"Siguro mas priority rin kasi namin yung career namin kaya, parang, ano na lang, iyon."
Nalungkot ba si Kris?
"Malungkot in a way pero hindi...parang inaaliw ko na lang din yung sarili ko.
"I mean, alam ko namang marami ring dumadating na opportunities sa kanya, tsaka mga blessings.
"Tsaka sa akin din, so parang sabi ko, 'Enjoy na lang muna natin yung ganun.'"
Isang taon at kalahati rin ang itinagal ng kanilang special relationship.
Ayaw muna ni Kris na magpaligaw kahit kanino ngayon.
"Hindi pa. Ayoko naman kasing...ayoko naman yung parang yung nag-let go ako, tapos tatanggap agad ako.
"E, kaya nga parang tumigil na yung sa amin ni Jay dahil nga, di ba, gusto naming mag-focus sa mga bagay-bagay na dapat priority namin.
"So bakit ako tatanggap ng manliligaw?"
Kapag nanligaw si Jay sa iba, masasaktan ba si Kris?
"Tingin ko, tingin ko masasaktan ako," prangkang sagot ni Kris.
Pero sa ngayon daw, sa career muna talaga ang focus ni Kris.
WORKING WITH MARIAN RIVERA. Sa Ang Panday 2 (na pinagbibidahan ni Senator Ramon "Bong" Revilla Jr.) ng GMA Films at Imus Productions, gumaganap si Kris bilang si Alira.
Si Alira ang nakababatang kapatid ni Ariana, na ginagampanan ni Marian Rivera.
What's it like working with Marian?
"Ano kasi, siyempre nung una na-i-intimidate ako ka,si ang ganda-ganda niya, alam mo yun?
"Yung parang tititigan mo lang siya at tsaka kasama ko siya sa tent at nakakasama ko siya sa mga eksena.
"Ang bait niya, ang sweet-sweet niya, binibigyan niya kami ng mga pagkain.
"Mga ganun, tapos open naman siyang makipagkuwentuhan, open siya na, alam mo yun?
"Kumbaga dun ko nga naramdaman na 'Ay, hindi pala totoo yung mga balita sa kanya!'
"Kumbaga ang bait niya, ang bait niya pala talaga pag nakilala mo siya."
Napatunayan ni Kris na hindi totoo ang mga tsismis tungkol kay Marian, na maldita at suplada daw ang Amaya lead star.
"Hindi siya ganun. Siyempre nung una, natatakot ako, di ba?
"Sabi ko, 'Naku, kakausapin kaya ako ni Marian?'
"Pero kinausap niya ako at nagse-share siya sa akin, ako din nagse-share ako sa kanya.
"Mabait siya tapos, iyon, parang pag nagkikita kami, okay na kami.
"Kumbaga parang 'Hello! Uy, kumusta?' Ganun na kami.
"Naging magaan na din ang loob ko sa kanya and siya din naging magaan ang loob niya sa akin.
"Natuwa naman ako dahil okay naman yung working relationship namin pati off-cam."
ANG PANDAY 2. Entry sa nalalapit na Metro Manila Film Festival o MMFF sa December 25 ang Ang Panday 2 at ito ay sa direksyon ni Mac Alejandre.
Star-studded ang nabanggit na pelikula.
Bukod kina Senator Bong, Kris at Marian, nasa movie rin sina Phillip Salvador bilang si Lizardo; Iza Calzado bilang si Maria Makiling.
May special roles naman sina Eddie Garcia bilang si Daluyong; Lucy Torres bilang Ina Encantadia; at si Alice Dixson bilang si Ibira.
Nasa pelikula rin si Rhian Ramos bilang Emelita, at ang tween stars na sina Barbie Forteza, Joshua Dioniso, Alden Richards, Jhake Vargas at Bea Binene.
Kasama rin sina Benjie Paras, Joonee Gamboa, Robert "Buboy" Villar, Yogo Singh, Isabel Frial.
AT may napakahalagang papel ang mahusay na aktres na si Lorna Tolentino.
