Kaninang umaga, Disyembre 6, ay bahagyang nagkagulo sa Quezon City Prosecutor's Office nang magalit at magsisigaw si Annabelle Rama sa isang clarificatory hearing para sa mga kasong isinampa ni Nadia Montenegro laban sa kanya.
Kaugnay nito, nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press si Nadia ng dalawang beses— bago mangyari ang gulo, at matapos mangyari ito.
Sinabi ni Nadia na kaya raw umiyak ang kanyang mga anak na sina Alyanna at Anykka ay umakma umano si Annabelle na sasapakin sila nito.
Ito ay bukod pa sa sunud-sunod na murang pinaulan nito sa kanya sa loob ng fiscal's office.
Saad pa ni Nadia, "Puwede niya namang ilaban sa korte.
"'Wag ganun, yung nagwawala ka.
"Hindi naman lahat ng lugar puwede kang magwala, hindi naman lahat ng tao puwede mong tapak-tapakan nang ganun."
Nang tanungin kung bakit nagsisigaw si Annabelle, "Hindi ko alam" ang agad na isinagot ni Nadia.
"Basta bigla na lang siyang nagwala, na hindi ko na na-keep track kung ano'ng pinagsasabi niya."
Dagdag pa ni Nadia, ang akto ni Annabelle ang patunay na dapat na ngang pakawalan ng talent manager ang kanyang mga anak sa management contract nila rito.
PURPOSE OF COURT VISIT. Bago magsimula ang hearing ay nakausap na ng PEP si Nadia.
Dito ay malumanay niyang ipinaliwanag ang pakay nila sa korte sa araw na ito.
Ayon kay Nadia, magdadagdag sila ng ebidensiya sa kasong child abuse at defamation na isinampa nila laban kay Annabelle.
Hanggang ngayon daw kasi ay patuloy ang paninira ni Annabelle sa Twitter.
Maghahain din sila ng motion para magbigay si Annabelle ng orihinal na kopya ng mga kontrata ng kanyang dalawang anak, para masuri ng NBI.
Ito ay para naman sa kasong falsification of public documents.
Bukod pa rito ay ihahain din daw nilang ebidensiya ang ilan sa mga text messages na ipinapadala diumano ni Annabelle at ng kanyang mga anak kay Nadia.
Isa na raw rito ang text message na ipinadala ng aktor na si Richard Gutierrez kay Nadia.
Pag-aakusa ni Nadia, puro mura raw ang laman ng text ng aktor kaya hindi puwedeng i-print sa media.
"Basahin n'yo, dahil hindi n'yo naman mapi-print," saad nito.
Maging mga anak niya raw ay itini-text ni Annabelle.
Saad ni Nadia, "Tinext niya si Alyanna noong Sunday.
"Hindi mabura sa isip ko ang mukha ni Alyanna nang ma-receive niya ang text.
"Nasa korte na tayo, e, pero ayaw pa ring tumigil."
COURT BATTLE. Hiling ni Nadia, sana raw ay tumigil na ang paninira ni Annabelle sa kanya sa publiko dahil nasa korte na ang kaso.
"Ang akin lang naman, sagutin niya yung nasa korte.
"Kasi wala pa siyang sinasagot kahit isa, e," saad ni Nadia.
Dagdag pa ng dating aktres, alam niyang gulo ang kanyang pinasok sa pagsasampa ng kaso, ngunit itutuloy niya raw ito para sa kanyang mga anak.
Hindi na raw niya kasi gusto ang itatakbo ng mga career nito sa kamay ni Annabelle.
"Hindi na biro ito kasi hindi ko naman gagawin ito, ang ganitong kalaking gulo...Hindi ganito ang gusto ko, e.
"Kaya lang, hinihiling ko lang naman, pakawalan niya ang anak ko, e. Dahil alam ko kung saan na papunta.
"Alam naman natin lahat, hindi naman tayo tanga."
Hindi raw niya uurungan ang matapang na talent manager.
"Alam mo, ang akin lang, I'm here dahil gusto ko lang sabihin na hindi ako duwag.
"I'm here, haharapin ko lahat hanggang sa dulo.
"Hindi madali yung mga pingadadadanan namin.
"Sobra nang sakit, pero gusto ko, pag nawala man kami bukas ni Boy [Asistio, her husband] sa mundong ito, mga anak ko, matututong lumaban.
"Hindi magpapaapi kahit kanino.
"Ang gusto ko lang sabihin kay Annabelle, hindi ako duwag, at lalong hindi ako takot sa iyo.
"Kung lahat ng tao kaya mong takutin, ako, hindi ako puwedeng matakot.
"At, punung-punong-puno na ako. Dun nanggagaling ang lakas ng loob ko."
Aminado rin si Nadia na mayroon siyang mga pagkakamali, at ito ang mga nais niyang maayos.
"Meron din akong...alam kong pagkakamali, na gusto kong ayusin ngayon.
"Nagtiwala lang naman ako, at para sa mga bata, kailangan kong ayusin.
"At hindi ako papayag na isang katulad lang niya ang sisira sa pangalan namin."