Sa walong taon ni Martin Escudero sa showbiz—mula nang magsimula siya sa ABS-CBN, manalo sa StarStruck ng GMA-7, hanggang sa lumipat sa TV5—ang 2011 ang maituturing niyang "most fruitful year" sa kanyang career.
Ayon kay Martin, "Siyempre, ito yung umpisa ng kumbaga malaking pangyayari sa career ko.
"Ngayong taon kasi ipinalabas ang launching movie ko na Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington na marami ang pumuri.
"Tapos nakagawa rin ako ng dalawang bigating teleserye sa TV5, yung Babaeng Hampaslupa at ngayon yung Glamorosa.
"Sobra akong nagpapasalamat. Sana mas maging maganda pa ang career ko next year."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Martin sa Christmas party ng Luminary Talents para sa entertainment press kahapon, December 8, sa Annabel's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.
Kabilang si Martin sa talents ni Popoy Caritativo sa ilalim ng Luminary; kasama rin dito sina Marian Rivera, Dennis Trillo, Jestoni Alarcon, AJ Dee, at Janice de Belen.
GLAMOROSA. Proud nga si Martin sa Glamorosa dahil bukod sa magandang ratings ay nagkaroon pa siya ng pagkakataon na makatrabaho ang magagaling na artista gaya nina Lorna Tolentino, Alice Dixson, Tonton Gutierrez, at Zoren Legaspi.
Aniya, "Sobrang saya ko na nakasama ko sila dahil bawat eksena, ginagabayan talaga nila ako, e.
"Sinasabi nila sa akin...kung may makikita silang mas magandang atake, sinasabi nila sa akin para mas mapaganda yung eksena."
ADMIRING RITZ. Kumusta namang katrabaho ang leading lady niya sa Glamorosa na si Ritz Azul?
Sagot ni Martin, "Okay siyang katrabaho, sobrang sarap.
"Hindi ako nahihirapan at saka magaling siya.
"Nabibilib ako sa kanya.
"Bukod sa maganda siya, magaling pa."
Kung nagagandahan siya kay Ritz, ibig sabihin ba nito ay tipo niyang ligawan ang young actress?
"Siyempre sa ganda niya, kahit sino gusto siyang ligawan.
"Pero siyempre, may kunsiderasyon tayo kasi medyo bata pa.
"At saka alam ko hindi pa siya ready sa mga ganun.
"Kaya concentrate muna kami sa career namin," saad ng 21-year-old actor.
Ano ba ang mga nagustuhan niya kay Ritz?
"Sobrang mabait, magaling, at saka madaling lapitan at makausap. At saka talagang seryoso siya sa trabaho."
HOLIDAY WISHES. Ngayong nalalapit na ang Pasko, ano ang personal wish niya?
"Ang hiling ko sa katawan ko, sana gumaling [yung] pilay ko para makapagpaganda na ako ng katawan.
"May pilay ako sa left shoulder ko. Sa gym ko rin nakuha.
"Sana gumaling na ako para next year mas mapaganda ko na yung katawan ko.
"Wish ko rin sa darating na Pasko na kumpleto kaming pamilya at walang sakit para masaya ang buong pamilya."
Ano naman ang wish niya para sa showbiz industry sa 2012?
"Wish ko lang sa showbiz ay maging open tulad sa U.S.
"Kasi maraming bina-block pa, e.
"Kunwari yung mga eksena, medyo conservative pa sila, e.
"Sana yung disiplina ng indie movies, sana maging...
"Open kasi sa mga indie, e. Nagagawa naming mga artista yung mga gusto namin.
"Sana bigyan pa ng mas malaking pansin ng mga tao ang indie," asam niya.
Ang Zombadings na pinagbidahan ni Martin ay isang indie movie pero umani ng mga papuri lalo na sa acting niya. Maganda rin ang kinita nito sa takilya.
Pagkatapos ba ng Zombadings ay gagawa ulit siya ng indie movie?
"Oo. Sa totoo lang, gusto kong gumawa ng [maraming] indie...
"Next year abangan n'yo, sana makagawa pa ako ng marami.
"Gusto kong gumawa para sa Cinemalaya. Sana matuloy," pahayag ni Martin.