By January next year, muli na namang mapapanood sa primetime si Katrina Halili.
Ito ay sa initial offering ng GMA-7 na The Beloved.
Bida rito si Dingdong Dantes at isang aktres na papalit sa role ni Rhian Ramos.
May pagka-kontrabida na naman ang role ni Katrina rito.
Mukhang nata-typecast na yata siya sa mga ganitong klase ng papel?
"Hindi ko nga po alam, e. Bakit kaya?" natawang biro ni Katrina nang makakuwetuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa bahay niya mismo sa may New Manila, Quezon City kahapon, December 12.
Okey lang ba sa kanya na puro kontrabida ang roles na natotoka sa kanya?
"Wala naman po yata akong choice, e. Di ba?" sabay tawa ni Katrina.
Pero kung may choice siya, gugustuhin niyang magbida ulit?
"Bakit naman hindi? Sino ba ang ayaw magbida, di ba?" sagot niya.
Unang nagbida si Katrina sa afternoon soap na Magdusa Ka noong 2008.
Bago ang The Beloved, ang huling seryeng nagawa ni Katrina ay ang Munting Heredera kunsaan kontrabida rin ang kanyang papel.
Pero masaya na rin daw siya na kahit papano, hindi naman masasabing nababakante siya sa trabaho.
CHRISTMAS PLANS. Ano naman ang plano niya ngayong Kapaskuhan?
"Dito lang po ako sa bahay.
"Tapos baka by January or February po, uuwi ako sa Palawan.
"Tingin ko, magiging masaya naman ang Pasko ko.
"Wala naman po akong dapat na ikalungkot, di ba?" nangiti niyang sabi.
Speaking of Palawan, kumusta na ang malawak na beach lot niya doon. Itutuloy ba niya ang pangarap niyang patayuan ito ng resort?
"Hindi ko pa po siya napapatayuan ng resort.
"Pero may bahay na. May malaking bahay na po akong naipatayo doon.
"Napakalaking budget ang kailangan kung magpapatayo doon ng resort.
"Pero may kausap na po ang mama ko na investor para sa pagpapatayo ng resort.
"Sana matuloy po.
"Kung matuloy, goodbye! Milyonarya na ako! Joke lang!" natatawang sabi niya.
May plano ba siyang mag-quit ng showbiz kapag yumaman na siya nang husto?
"Hindi naman.
"Magla-lie low lang siguro. Na parang magiging part-time job ko na lang ang showbiz.
"Talagang part-time job na lang daw ang showbiz?" tawa niya.
PROCESSED MEAT. Ayon pa kay Katrina, ginagawa raw niya ngayon ang mga bagay na gusto niyang gawin.
"Nag-aaral ako ngayon...nag-aaral ako ng meat processing.
"Wala lang, gusto ko lang.
"Kasi kapag nasa bahay ako, luto ako nang luto ng kung anu-ano.
"E, nagugustuhan naman ng mga kasambahay ko.
"Kaya naisip ko, mag-aral nga kaya ako ng meat processing kasi gusto kong gumawa ng mga processed meat."
At pagkatapos ay magtatayo siya ng processed meat business?
"Puwede rin po. Para makatulong naman ako sa mga pinsan ko. Etchos!" natawa na naman si Katrina.
Hindi kaya mag-Culinary Arts din siya?
Sagot niya, "Parang masyadong matagal 'yon.
"Ang gusto ko lang, crash course. Para mabilis. Para maraming maaral."
LOVELIFE. May lovelife ba siya ngayon?
"Wala. Matagal na pong wala," sabi ni Katrina.
Anong nakakapigil para ma-in love siyang muli?
"Wala po. Busy lang po.
"Wala talaga akong time sa lovelife ngayon, e.
"Kailangan ko ng time sa sarili ko sa ngayon!" natawa ulit siya.
Pero may mga manliligaw naman sigurong umaali-aligid sa kanya ngayon?
"Wala rin.
"E, wala naman po kasi akong time lumabas at mag-entertain.
"Hindi po ako gumigimik. Sa bahay lang talaga."
INVESTOR. May wish ba siya this Christmas?
"Wish ko, sana matuloy 'yong investor na kausap ng nanay ko," sagot ni Katrina.
Sino ba itong investor na ito, businessman?
"Opo.
"May plano na po para doon sa farm," sabi ng aktres, na ang tinutukoy ay ang lupa niya sa El Nido.
Patuloy niya, "Actually, uuwi nga po ako this January para kausapin po.
"Foreigner po yata 'yong investor na iyon."
Baka naman matsismis na boyfriend niya ang investor na sinasabi niyang 'yon?
"E, so? Care!" sabay tawa ng aktres.
"Wala na akong pakialam, 'no!
"Wala na akong pakialam sa mga tsismis na 'yan!" pagkikibit-balikat na lang ni Katrina.
Paano kung mabihag ang foreigner ng kanyang ganda at ligawan siya? Puwede?
"Hindi ko po alam. Hindi ko pa siya nami-meet," sagot ni Katrina.
LIPATAN. Maraming mga artista ngayon ang lumilipat na sa ibang network. Sa kaso ni Katrina, hindi ba pumapasok sa isip niya na lumipat din?
"Next year po, matatapos na ang kontrata ko sa GMA by March.
"So, kung ano po 'yong magandang mapupuntahan, e, di doon po ako.
"Kung saan 'yong mas may mag-aalaga sa akin," saad ng sexy actress.
May ibang network na bang nagpaparamdam na interesadong kunin siya kung sakali?
"Wala pa po sa ngayon.
"Kasi hindi pa rin po ako puwedeng makipag-negotiate kasi nga, under GMA-7 ako.
"Pero siyempre, pagdating ng March [2012], kung ano po 'yong magandang offer na aalagaan ako, doon po ako."
Ang manager ni Katrina na si Direk Rommel Gacho ay pinaniniwalaang very loyal sa GMA-7.
So, paano siya hahayaan nito na lumipat sa ibang network pagkatapos mag-expire ng kontrata niya sa Kapuso network?
Hindi kaya papirmahin siya muli ng kanyang manager sa Kapuso network?
"Sorry!" ngumingiti-ngiting reaksiyon ni Katrina.
"No comment!
"No comment muna po ako.
"Sa March na lang natin pag-usapan 'yan.
"Mahirap naman nating hulaan.
"Wala pa po, di ba?"
MOVING ON. Mukhang naka-recover na nga si Katrina sa masalimuot na pinagdaanan niya bunga ng kontrobersiyang idinulot ng sex video scandal nila noon ni Hayden Kho.
"Oo naman po," pagsang-ayon niya.
Nakapagpatawad na ba siya sa mga nangyari?
"Ayoko pong mag-ano...kasi kung ang Diyos nga marunong magpatawad.
"At saka hindi ako nagtatanim ng galit.
"May mga nangyayari sa buhay natin na pangit na hindi natin puwedeng iwasan," sabi niya.
Natapos na ba 'yong mga kasong isinampa niya kay Hayden at sa ina nitong si Irene Kho?
"Hindi pa.
"Uhm...'yong kay Irene Kho, bukas [December 13] po may hearing kami.
"Actually, kaka-start lang po no'n, e."
Libel case ang isinampang kaso ni Katrina laban kay Mrs. Kho.
Hindi ba magastos ang mag-pursue ng legal cases?
"Actually, iyon nga ang akala ng mga tao. Dahil ano...meron daw akong pinagkukunan ng pera dahil ang gastos nga kapag ganyang mga kaso.
"Wala naman po akong binabayaran sa kaso. Sa papa ko po," saad ni Katrina.
Ang ama raw ng Kapuso actress ang nag-aasikaso ng tungkol sa kanyang legal battles.
Patuloy niya, "Akala lang ng iba, 'Ang yaman-yaman mo, saan ka kumukuha ng pera na ginagastos para sa kaso?'
"Wala po akong binabayaran."
Kahit tumagal nang husto ang pagdinig sa mga kasong isinampa niya, hindi na talaga siya aatras pa?
"Uhm...sabi ko nga po, hindi naman ako sira ulo na para i-wish na makulong 'yong mama ni Hayden.
"Siguro kung hihingi siya ng apology. Bakit naman, hindi, di ba?
"Pero ayoko naman 'yong biglang tama na, tapos wala namang nangyari."
Paano naman yung kaso niya laban kay Hayden na Violation of R.A. 9262?
"Ayoko muna pong mag-comment.
"Kasi tatay ko po ang magdi-decide do'n," pahayag ni Katrina.