Successful ang premiere showing ng Metro Manila Film Festival 2011 entry na Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story sa SM Manila Cinema kagabi, December 17.
Kahit na umuulan ay dinagsa pa rin ng mga tao ang premiere. Umani rin ng papuri ang pelikula.
Hindi maalis ang ngiti sa mukha ni Laguna Governor ER Ejercito, na siyang bida sa Manila Kingpin, dahil sa mga bumabati sa kanya at sa pelikula.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Governor ER matapos ng premiere night, nagpasalamat muna ito sa mga nanood at sumuporta sa premiere showing.
Aniya, "Natutuwa ako dahil sulit ang P75 million...plus promotion yun, ha, na nagastos ng aming producer.
"At talagang all-star cast at overwhelming ang response."
THE SUPERSTAR. Binanggit din ni ER ang pagdalo sa premiere night ng Superstar na si Nora Aunor.
Aniya, "Katunayan niyan, si Ms. Nora Aunor katabi ko.
"Prangka niyang sinabi na kinikilabutan siya sa eksena, ramdam na ramdam niya ang tension ng bawat scene.
"Tuwang-tuwa si Ms. Nora Aunor sa pelikula, ang ganda-ganda raw.
"Tama yung ginawa naming paggastos—dugo at pawis ang pinuhunan.
"Tama lang na pinaulit ko yung editing."
ISSUE WITH DIREK TIKOY. Dahil sa kanyang tinuran, nakumpirma ang usap-usapang hindi nagustuhan ni ER ang unang pagkaka-edit ng kanyang pelikula.
"Hindi namin nagustuhan yung unang editing," sabi niya.
"Hindi namin nagustuhan dahil mabagal ang pacing.
"Binayaran namin yung unang editor...
"Nag-imbita ako ng maraming kaibigan para panoorin.
"Hindi kami natuwa sa editing, so we have to get a new set of editors, mga bata, magagaling—sina Jason Cajapay and company.
"We got four editors na bata at in-edit ang buong pelikula kaya doble-gastos kami sa editing.
"Ni-reedit ang buong pelikula kaya doble-gastos kami, pati music."
Pero ayon kay ER, bago pa nangyari ang reediting ng Manila Kingpin ay sinabihan niya ang direktor ng pelikula na si Tikoy Aguiluz.
Sabi ng actor-politician: "Sinabi ko sa kanya, 'Direk Tikoy, hindi ako natuwa sa unang editing.'
"Pati yung producer, hindi natuwa. Hindi rin natuwa yung mga kamag-anak ko nung napanood nila.
"Hindi nila nagustuhan yung unang editing.
"So, we have to get a new set of editors na magagaling...mga bata, magagaling."
Inamin ni ER na sumama ang loob ni Tikoy sa kanilang desisyon.
"Masama ang loob niya. Masama ang loob niya," pagkumpirma nito sa balitang hindi naibigan ng direktor ang pagre-reedit ng kanyang pelikula.
Pero rason ni ER, "Well, prerogative ng producers yun.
"'Pag producers' decision, sila ang may last say.
"Kahit si Boss Vic [del Rosario, Viva Films] nakausap ko. Si Mother Lily [Monteverde, Regal Films] nakausap ko.
"'Gov, ang mga producers ang may last say sa pelikula kung ano ang gusto nila sa editing, music, at color grading.'
"So, dapat respetuhin ni Direk Tikoy ang desisyon ng producer na hindi maganda yung unang editing, at mas maganda ang editing na ginawa ngayon, ang bilis!"
Ang nakalistang producer ng Manila Kingpin ay si Leonard Villalon, samantalang ang distributor ay ang Scenama Concept International at Viva Films.
Ang second editing na siyang ipalalabas sa mga sinehan simula sa December 25 ang siya ring isinumite sa Cinema Evaluation Board (CEB).
Binigyan ng CEB ang Manila Kingpin ng Grade A.
Pagtatanggol ni ER: "Kailangang gumanda ang pelikula dahil sa editing.
"Pero I give the credit sa visuals to Direk Tikoy.
"Magaling na director si Direk Tikoy sa mga visuals, ganda! Sa cinematography, maganda.
"Pero sa editing, trabaho ng iba 'yan.
"Ang editing, kailangang kumuha tayo ng espesyalista.
"Kaya kumuha kami ng Tito Jessie Ejercito ko ng mga editors na magagaling."
ANOTHER MOVIE WITH DIREK TIKOY. Incidentally, si Tikoy rin ang direktor ni Governor ER sa historical movie na El Presidente, kunsaan kasama si Nora Aunor.
Pansamanatalang natigil ang shooting ng pelikulang ito.
Maapektuhan kaya ang estado ng pelikula dahil sa samaan ng loob nila ni Direk Tikoy?
Ayon kay ER, "E, gusto ko pa rin si Direk Tikoy ang gumawa ng El Presidente dahil magaling siya sa visuals.
"Pero ang editing, hindi niya linya ang editing. Ang music, hindi niya linya.
"Pero bilang director sa visuals, ang galing ni Direk Tikoy!"
Anim na shooting days pa lang daw ang natatapos nila sa El Presidente, mula sa tinatayang 65 working shooting days na gugugulin nila sa paggawa ng nasabing pelikula.
Ilan sa mga pelikulang naidirek ni Tikoy Aguiluz ay ang mga sumusunod: Boatman (1984), Balweg (1986), Bagong Bayani (1995), Segurista (1996), Rizal Sa Dapitan (1997), Tatarin (2001), at www.XXX.com (2003).
DIREK TIKOY'S NAME WILL STAY. Malaki ang sama ng loob ni Direk Tikoy, dahil gusto na raw nitong ipatanggal ang pangalan niya sa Manila Kingpin.
Ngunit mananatili raw ang pangalan nito sa pelikula, ayon kay ER.
Saad ni ER: "Ang tinanggap na budget dito ni Direk Tikoy ay doble ng budget niya.
"May advance rin siya sa El Presidente, kaya hindi puwedeng tanggalin ang pangalan niya. Saka ayaw niyang pumirma sa kontrata."
May sagot naman si ER sa nalamang balita na nagpaplano raw si Direk Tikoy na dalhin sa korte ang kanyang reklamo kaugnay ng pagkaka-reedit ng Manila Kingpin.
Ayon kasi sa demand letter na isinulat ng abugado ni Direk Tikoy, na si Atty. Angel Enrico Mira, Jr., gustong ipatanggal ng direktor ang kanyang pangalan sa billboards, posters, at iba pang promotional material ng pelikula.
Ipinaliwanag ni Direk Tikoy sa sulat na ang final version ng Manila Kingpin ay hindi na masasabing pelikula niya dahil sa mga pagbabagong ginawa rito.
Bukod daw kasi sa reediting ay may mga kinunan din daw na mga eksena sa pelikula nang hindi niya nalalaman at nang wala siya.
Kung hindi raw tutuparin ang kanilang mga kahilingan, ayon kay Atty. Mira, magpa-file si Direk Tikoy ng "criminal and civil charges."
"E, di pagalingan kami ng abugado!" buwelta naman ng actor-politician.
Paano kung tanggihan na ni Direk Tikoy na ipagpatuloy pa ang pagdidirehe ng El Presidente?
Sagot ni Governor ER: "Alam n'yo, matagal nang walang kumukuha kay Tikoy.
"Ako na lang nga ang nagtitiwala sa kanya, actually. Lahat halos niyan nakaaway niya.
"Pati si Congresswoman Imee Marcos, di ba? Sa ECP [Experimental Cinema of the Philippines], noong araw.
"Sinasabi ni Imee Marcos, 'You got Tikoy?'
"'Yeah! Why? I like him, he's a good director.'
"'Ang daming problemang ibinigay niyan sa akin sa ECP.'
"Sabi ko, 'Lahat naman ng nakasama niyan, puro problemado!'" pabirong sabi pa ni ER.
Si Tikoy ang nagdirek ng Boatman, na iprinodyus ng ECP, na pinamahalaan ni Imee.
Pero sa kabila nito, ayaw raw palitan ni ER si Tikoy.
"Hindi, gusto ko pa rin si Direk Tikoy, kahit madami siyang 'binigay na problema sa akin.
"Gusto ko pa rin, siya ang director ko.
"Kung ayaw niya, siya ang mawawalan, hindi ako!
"Ako na lang ang nagtiwala sa kanya, e. Ako lang ang nagbigay sa kanya ng malaking chance na makabalik.
"Saka ipinaglaban ko si Direk Tikoy sa mga producers ko.
"Ipinaglaban ko si Direk Tikoy," diin niya.
Sinabihan raw ni ER si Direk Tikoy na pumunta sa premiere showing ng Manila Kingpin.
"Hindi sumasagot," banggit niya.
"Gano'n talaga ang mga mahuhusay na director, suplado!
"Lahat ng mga magagaling na direktor, may ego trip."
INTERNATIONAL SCREENING. Ayon pa rin kay Governor ER, ang bagong edited version ng Manila Kingpin ang ipapadala niya sa mga international film festivals para hindi raw antukin ang mga manonood nito sa haba.
Hindi rin daw papayag si ER na magkaroon pa ng director's cut, na isa rin sa hinihiling ni Direk Tikoy sa kanyang demand letter.
Aniya, "Hindi na puwede, e.
"Kahit sino ang manonood, lahat ipinakita ko ang director's cut, hindi maganda...sad to say."
Naniniwala rin ang actor-politician na ang latest edited version ng pelikula niya ang rason kung bakit sila binigyan ng "A" ng CEB.
"Pag sinabi mong A, maganda ang cinematography, maganda ang editing, music, sound—holistic.
"Pag sumablay ka sa editing, sound, music, patay ka na!
"Holistic, team effort, e, concerted effort, yung mga magagaling, pinagsama-sama ko.
"Kaya hindi puwedeng Tikoy lang, e.
"Meron tayong Carlo Mendoza na cinematographer.
"Yung sa sound, si Mike Idioma.
"Meron tayo sa music, si Jessie Lasaten.
"Editor si Jason Cahapay.
"Lahat 'yan, magagaling. Team effort.
"Production design si Fritz Silorio at Joel Bilbao.
"Nag-create kami ng Tondo sa Laguna.
"Kasi ang Tondo nasunog, e.
"Ang Tondo lang doon, mga eskinita at saka simbahan."
Kahit may tampuhan sa pagitan nila ni Direk Tikoy, hindi pa rin matapos-tapos ang pambibida ni ER sa kanyang director.
"Hindi, basta ako, ang comment ko, Direk Tikoy, magaling si Direk Tikoy.
"I think he will win as best director."
Pero dagdag uli niya, "Pero yung editing and music, hindi niya linya yun.
"Huwag niyang pakialaman yung area na yun sa movie."
SANIB. Masaya si Governor ER sa mga nagsasabing nagampanan niya nang tama ang karakter ni Asiong Salonga sa movie nila.
"Parang sumanib sa akin si Asiong Salonga!" sabay tawa niya.
Dagdag pa niya, "This is the second time na ginawa ko ang Asiong Salonga, 1988 at saka ngayon."
Mas nakuntento raw si ER sa latest version ng Asiong Salonga franchise kaysa noon.
Aniya, "Dahil malaki ang budget ng producer at hindi nagtitipid, kaya quality film talaga.
"Kasi ang sabi ko, tatanggapin ko ang pelikulang 'yan, pero dapat Hollywood style.
"Hindi ako nagkamali sa pagkuha kay Tikoy dahil ginawa niyang Hollywood style ang pelikula.
"Pati budget ginawa niyang Hollywood style!"
Hindi na itinanggi ni Governor ER na umaasam siya ng best actor award para sa pagganap niya sa karekter ni Asiong Salonga.
"Sana makatsamba. Sa mga nadidinig ko, sana makatsamba.
"Base sa mga comment kanina, sana manalo ng acting award."
CARLA ABELLANA. Si Carla Abellana ang leading lady ni ER sa Manila Kingpin, pero hindi nakarating ang aktres sa premiere night.
Ayon kay ER, "Dapat darating si Carla ngayon, pero may taping.
"Actually, si Carla nagpu-promote siya. Kapag nakausap ng media, nagpu-promote siya."
Tungkol naman sa isyung pinigilan umano ni Mother Lily Monteverde na mag-promote ng Manila Kingpin si Carla, tila hindi mapaniwalaan nang ganap ni ER ang mga pahayag ni Carla.
Sinabi kasi ng aktres na kaya ito hindi nakakapag-promote ng movie nila ay dahil abala siya sa iba pa niyang showbiz commitments.
Matapos mag-hand gesture si Gov. ER na "echos" lang, sinabi nitong "Sige na nga. Pero okey na kami, okey na."
Isa sa controversial scenes ni ER sa Manila Kingpin ay ang kissing scenes nila ni Carla.
"Maraming nabawas dun.
"Suwerte niya nahalikan niya ang isang gobernador.
"Sa buong buhay niya, hindi na siya makakahalik ng gobernador!" nasa himig ng pagbibirong sabi ni Governor ER.
Aniya pa, magaling na aktres at napaka-professional ng kanyang kapareha.
Ilan naman sa mga hindi naisamang mga eksena sa Manila Kingpin ay ang mga exposure ng sexy star na si Paloma.
Sabi ni ER, "Grabe rin yung mga kissing scenes namin. Kaya lang, kailangan nang putulin, e.
"Saka sa haba rin ng pelikula, we have 1 hour and 54 minutes.
"Ang pelikula talaga, 2 hour and 30 minutes.
"Kailangan, para hindi malugi ang pelikula, ang isang screening, 6 reel, 6 parts, 1 hour and 55 minutes."
Wala naman daw naging problema sa kanila ng kanyang misis na si Pagsanjan Mayor Maita Ejercito dahil sa mga kissing scene niya sa pelikula.
Aniya, "A, hindi, sanay na.
"Artista rin si Mayor, e. Noong una siya ang leading lady ko."
PHILLIP SALVADOR. Sorpresa naman kay ER ang pagdating ni Phillip Salvador, na kasama rin sa movie, sa premiere.
Maaga nga lang daw itong umalis kaya hindi sila nagkita ng award-winning actor.
Pero natuwa naman si ER sa pagdalo ni Phillip at sa positive feedback sa ipinamalas nitong acting sa movie.
Maging ang billing ni Phillip ay nasa tamang puwesto, kung saan unang ipinakita sa opening credit titles ang kanyang pangalan, sumunod ang kay Carla, at ikatlo ay kay ER bilang bida sa pelikula.
Sabi ng gobernador, "Acting coach ko si Kuya Ipe dito, si Bro Ipe.
"Pag nakatsamba ako dito [ng best actor award], it's because of Kuya Ipe and Direk Tikoy Aguiluz."
Ipinagdiinan naman ni ER na hindi naging issue sa kanila ni Ipe ang billing nito.
"Yun nga ang sinasabi ko dito, e. Walang naagrabyado dito.
"Ang ganda ng billing nila. Ang ganda ng talent fee nila. Billing at talent fee.
"Kasi ang objective ng pelikulang ito, para makatulong sa mga artistang walang trabaho.
"Kaya pansinin ninyo, yung mga artista rito, matagal nang walang trabaho.
"Yung mga action stars na nagbida noong araw, ibinabalik natin."
Makikita nga sa pelikula sina John Regala at Roi Vinzon bilang mga kalaban ni Asiong Salonga.
Gumastos man daw sila sa Manila Kingpin, ayon pa rin kay ER, hindi naman napupunta sa wala ang kanilang budget.
"Pero hindi kami nagsasayang ng pera sa wala.
"Sinisiguro namin na maganda ang proyekto.
"Sinusulit namin ang pondo," saad ng gobernador.
