Krizza Neri is first Protégé grand winner; wants to share condo prize with co-finalist Lovely Embuscado

Ang nanguna at nanalo ng one million pesos, two-bedroom condominium unit, five-year contract sa GMA Artist Center at iba pang premyo ay si "RnB Sistah" Krizza Neri ng Cagayan de Oro.


Ang tinaguriang "RnB Sistah" na si Krizza Neri ang itinanghal na grand winner sa final battle ng pinakamalaking singing talent search ng GMA-7—ang Protégé: The Battle for the Big Break.

Ginanap ang grand finals sa Center Stage ng SM Mall of Asia kagabi, December 18.

Si Krizza ang protégé ng mentor na si Aiza Seguerra.

Kabilang sa mga premyong napanalunan ni Krizza ang mga sumusunod: one million pesos, two-bedroom condominium unit sa Adriatico Gardens, five-year contract sa GMA Artist Center, at two-year scholarship sa STI.

THREE ROUNDS. Tinalo ni Krizza ng Cagayan de Oro sa grand finale ang kapwa niya protégés na sina Lovely Embuscado ng Davao at Lirah Bermudez ng Iloilo.

Si Lovely, na tinaguriang "Singing Cinderella," ang protégé ni Jaya; samantalang si Lirah, na tinaguriang "Pop Sweetheart," ang protégé ni Janno Gibbs.

Tatlong rounds ang pinagdaanan nina Krizza, Lovely, at Lirah para sa boto ng mga manonood at ng limang judges.

Kabilang dito sina Joey de Leon, Bert de Leon, Louie Ocampo, Eula Valdes, at Cherie Gil.

Ang first round ay "Mentor + Protégé" kung saan nag-duet ang mentors at protégés.

Unang sumabak sa stage sina Aiza at Krizza, na kumanta ng medley ng "I’ll Be There" at "There You’ll Be."

Sumunod sa kanila sina Jaya at Lovely na kumanta naman ng mash-up ng "Handog" at "Minsan ang Minahal ay Ako."

Panghuling nag-perform ay sina Janno at Lirah, at kinanta nila ang "I’m With You" at "Iris."

Sa unang round ay ibinigay ni judge Cherie ang boto niya kay Krizza dahil ang performance daw nito, kasama ang mentor niyang si Aiza, ang nakaantig sa kanya nang husto.

Ang Round 2 ay "Greatest Performance of My Life," kung saan mismong ang mga protégé ang namili ng kanilang kakantahin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang kinanta ni Krizza, kasama ang Mandaluyong Children’s Choir, ay ang "My Grown Up Christmas List."

Inalay ni Krizza ang kanyang awitin sa mga kababayan niya sa Cagayan de Oro na nasalanta ng bagyong Sendong.

Si Lovely ay kumanta ng medley ng "Nais Ko" at "Kay Ganda ng Ating Musika."

At si Lirah naman ay napiling kantahin ang "Bakit Pa" at "Nakapagtataka."

Para naman kay judge Eula, halos pantay para sa kanya ang naging performance nina Krizza at Lirah, pero sa huli ay ibinigay niya ang second round kay Krizza.

Ang huling round ay "Triple Showdown" kunsaan nagtagisan ng galing ang tatlo nang magkakasama nilang kinanta ang "Perfect" ni Pink.

THE RESULT. Bago ianunsiyo ang winner ng kauna-unahang Protégé ay dalawang special awards muna ang iginawad—Texter’s Choice at Biggest Break Award.

Parehong napanalunan ni Lovely ang dalawang awards, kung saan tumanggap siya ng kabuuang P150,000 na premyo.

Pero sa huli, ang nanguna sa mga hurado at sa mga bumoto ay si Krizza.

Marami naman ang naantig ang mga puso sa pagkapanalo ni Krizza.

Pagkatapos kasing i-announce ang kanyang pangalan bilang nanalo ay sinabi ni Krizza na ang gusto niya talagang manalo ay si Lovely.

Mas kailangan daw kasi ni Lovely ang mga papremyo dahil mas malaki ang hirap nito para makarating sa finals.

Willing nga raw si Krizza na i-share ang kanyang napanalunang condo unit kay Lovely.

Ang gusto lang daw kasi ni Krizza ay maging isang magaling na singer.

Samantala, nag-trending sa Twitter ang finale ng Protégé, hindi lamang sa Pilipinas kundi worldwide.

Magkakatulong na nag-host ng Final Battle ng Protégé sina Dingdong Dantes, Jennylyn Mercado, at Ogie Alcasid.

Nag-perform naman ang mentors at protégés na na-eliminate, pati na ang guest mentor na si Arnel Pineda.

Kabilang naman sa mga nanood nang live ang girlfriend ni Dingdong na si Marian Rivera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN