Hindi masama ang loob ni Tikoy Aguiluz, direktor ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story, tungkol sa alitan na namamagitan sa kanya at sa mga producer ng pelikula.
Panauhin si Direk Tikoy sa ABS-CBN late night newscast na Bandila, Biyernes ng gabi, December 30, at nakapanayam siya ni Boy Abunda tungkol sa saloobin niya tungkol sa pelikula.
"Malungkot ako dahil wala ako doon. Lalo pa na hindi ako nakasakay ng float. Gusto ko talagang sumakay sa float," pabirong sabi ng direktor.
Dumiretso na si Boy sa kanyang pagtatanong sa direktor. "How did you feel that Darryl dela Cruz was mentioned as Best Director?"
"Noong una ang sabi ko, 'Sino ba yung nanalo na 'yun?' Gary Dela Cruz kasi ang unang narinig.
"Yun pala si Darryl dela Cruz, yung taga-sigaw ng 'cut' at 'action' sa megaphone. Ganun na pala ang trabaho ng direktor ngayon, sabi ko."
Pinunto naman ni Boy na pinatanggal ni Direk Tikoy ang pangalan niya sa credits ng pelikula at kailangan magbigay ng ibang pangalan ang mga producers.
Kinuwento ni Direk Tikoy ang ginagawa sa U.S. sa mga kasong katulad ng sa kanya. Ang ginagamit daw na pangalan ng mga award-giving bodies ay "Alan Smithee."
"If a director decides or advises the director's guild and the producers na tanggalin ang pangalan niya, 'Alan Smithee' ang ginagamit na pangalan.
"Twelve na yung cases na ganun sa America. Sa atin wala pa.
"So nung tinawag si Darryl, parang sino ba 'yun?" paliwanag ng batikang direktor.
Tinanong muli ni Boy kung ano ba ang dahilan at ni-request ng direktor na tanggalin ang kanyang pangalan mula sa pelikula na pinapalabas ngayon sa MMFF.
"Alam mo Boy, hindi na dapat umabot sa ganun. Marami na akong nagawa na pelikula with other producers. Never akong nagkaroon ng problema.
"Ang problema dito is I tried to communicate with them. Nawalan siguro ng communication with the producers."
PRODUCER'S CUT vs DIRECTOR'S CUT. Inalala ni Direk Tikoy ang mga nangyari.
"I finished my director's cut, matagal na, before the deadline for Berlin, noong October 20.
"Sabi ko, lalapatan ng music ito. Naghanap na ako ng scorer. Ginawa na rin kasi nila [producers] yung application.
"All of a sudden nawala na ng communication. They stopped communicating with me," ayon sa direktor.
Nalaman na lang ni Direk Tikoy na may mga pagbabago nang ginawa sa pelikula mula sa Bangkok post-production house.
"Natural lang naman iyon. Alam mo, Boy, matagal na ako sa industriya. From the beginning, I was ready to make a compromise.
Klinaro ni Boy, "Hindi ba nila sinabi na 'Direk, halika nga umupo nga tayo. Pwede ba natin dagdagan ito. Pwede ba natin putulin ito.' Wala bang pag-uusap na ganun?"
Sagot ni Direk Tikoy, "Nung una, ang compromise mayroong director's cut vs producer's cut.
"Yung director's cut namin was one hour and 55 minutes. Tapos na yun.
"Two hours naman yung producer's cut.
"Nung nilagyan nila ng music. Siguro hindi nila nagustuhan. Yun yung sinasabi nilang mabagal.
"But not the director's cut. The director's cut was only one hour and 55 minutes.
"Ang nangyari nawalan lang ng communication," punto ni Direk Tikoy na puno't dulo ng naging problema.
Tinanong ng host, "Ito bang bagay ay hindi na mapag-uusapan?"
"Pwede," mabilis na sagot ng direktor. "One week before the awards night nasa mga abugado na.
"As far as I know, hindi ko na alam ang nangyayari. Sinabi ng abugado, until Thursday or Friday, ayusin natin."
"Sinabi ko, 'Sige, gamitin niyo na ang pangalan ko. Payag na ako.'
TWO REQUESTS. "Dalawa lang naman ang hinihiling ko. Unang-una, tanggalin yung pangalan ko. Nag-shoot sila, nag-edit sila. Yun ang hindi ko alam," ang sabi ni Direk Tikoy.
"Pangalawa, ibigay niyo yung director's cut na pinangako ninyo. Para mapalabas ito sa mga non-commercial screenings and foreign festivals."
"You didn't care na ang producer's cut ang inilabas sa Metro Manila Film Festival?" tanong ni Boy.
"Oo. I just want to show to them, the public, [yung director's cut]," sagot ng direktor.
"The cut that I saw sa Metro Manila Film Festival... two-and-a-half minutes ay hindi sa akin, which is the gun fight."
"And you minded that?" tanong ni Boy.
"Well, they ruined the story. Nawala kasi yung kwento. Parang naging MTV. Nawala yung impact kasi naging music video.
Sabi naman ng direktor na wala siyang galit kay ER Ejercito sa nangyayari.
"Tuloy naman ang El Presidente?" tanong ni Boy. Ang El Presidente ang isa pang pelikula na ginagawa ni Direk Tikoy at ni ER kasama si Nora Aunor.
"I hope so. Hindi pa namin napag-uusapan. Aayusin muna namin itong Asiong Salonga.
"Ang sabi ko naman sa kampo ng mga producers noon na ang Christmas wish ko ay magka-ayos na kami."