Nagkaroon kami ng pagkakataon na makausap si Darryl dela Cruz, ang tinawag na Best Director noong nakaraang Metro Manila Film Festival para sa pelikulang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.
Kung matatandaan, naging kontrobersyal ito dahil pinatanggal ni Direk Tikoy Aguiluz ang kanyang pangalan sa nasabing pelikula.
Diumano’y hindi na ito ang pelikulang ginawa niya at pinakialaman na ng iba na humantong na sa pagde-demanda niya sa producer na si Ms. Maylyn Enriquez ng Scenema Concept International.
Sinadya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Darryl sa opisina ng Scenema Concept nuong Sabado ng hapon, December 31, para hingan siya ng reaksiyon sa komento ni Direk Tikoy sa programang Bandila na ipinalabas kagabi, December 30, 2011.
Tinanong namin si Darryl kung paano inilagay ang pangalan niya bilang direktor ng nasabing pelikula at nanalo.
Aniya, “Tinawagan po ako ng producer, kung pwede raw ilagay ang pangalan ko dahil ayaw raw ni Direk Tikoy na ipalagay ang kanyang pangalan sa lahat pati na sa mga posters at trailer.
"Sino ba naman po ako para humindi sa isang magandang proyekto na kahit sino ay magiging proud.”
Pero ano talaga ang papel mo sa Asiong Salonga?
“Noong una po, Assistant Production Manager, naging 2nd Assistant Director. Kami naman po sa Asiong, nagtutulungan, hindi kami nakakulong sa kung ano ang label namin.”
Nabanggit ni Direk Tikoy sa kanyang interview na taga-sigaw ka lang daw ng "Cut" at "Action" sa megaphone at biglang naging direktor ka na.
“Tama naman po siya. Siya po talaga ang direktor pero pinatanggal niya ang lahat ng pangalan niya at ipina-TRO [temporary restraining order] pa.
"Tinutulungan ko po siya sa trabaho niya at hindi naman masamang trabaho ang taga-sigaw ng 'Cut' at taga-hawak ng megaphone," ayon kay Darryl.
Na-offend ka ba sa naging comment sa ‘yo ni Direk Tikoy?
“Opo, nasaktan po ako. Nainsulto. At hindi lang po ako ang ginanyan niya. Marami pa," ayon kay Darryl.
"Magaling po siya pero sana, tulad ng hinihingi niyang respeto, ibigay niya rin ito sa ibang tao ng Asiong tulad ko.
"Marami siyang pinintasang tao na involve sa pelikulang ito, sana nirespeto niya rin kami."
Dugtong pa ni Darryl, "Pati nga po producer namin, hindi niya rin nire-respeto."
Paano mo nasabi na hindi nire-respeto ni Direk Tikoy ang producer na si Ms. Maylyn?
“Yung pagpapa-TRO niya ay kawalan na po ng respeto. Siguro, hindi ko na kailangang sabihin pa ang iba.”
Sa huli, tinanong namin si Darryl kung may mensahe siya para kay Direk Tikoy.
“Sana po ay tigilan na ni Direk Tikoy ang pang-iinsulto sa mga taong involved sa pelikula na mina-maliit niya.
"Sa totoo lang po, malaki po ang pasasalamat ng Asiong Salonga sa lahat ng involved sa pelikula na nagmalasakit at gumawa ng paraan para lalong mapaganda ang Asiong...
"Kung hindi rin naman dahil sa kanila, hindi rin po tayo nakakasigurado na maiiuwi ng Asiong ang maraming award sa nakaraang MMFF.”
