Jhake Vargas wishes for mature roles in 2012; reunites with Bea Binene in upcoming afternoon telefantasya

"Lahat naman tayo gustong makaranas na gumawa ng mature roles, di ba? Para maiba lang at maranasan ko naman ang ibang roles. Gusto kong sumubok ng heavy drama para maiba lang. Kaya nga parati kaming nagwu-workshop para mapaghandaan namin ang mga gano’ng klaseng roles," says Jhake Vargas.


Kung naging malungkot ang pagtatapos ng 2011 para kay Jhake Vargas, maganda naman ang pagpasok ng 2012 para sa kanya.

Matatandaang namatay ang ina ni Jhake na si Magdalena Vargas noong November 26, 2011, dahil sa colon cancer.

Pero sa pagsisimula ng 2012 ay may bago siyang show sa GMA-7 kunsaan makakatambal niya ulit si Bea Binene—ang afternoon telefantasya na Alice Bungisngis And Her Wonder Walis.

Makakasama rin nila dito sina Derrick Monasterio at Lexi Fernandez.

Masaya si Jhake dahil muli silang pinagkatiwalaan ni Bea ng Kapuso network na magsama sa isang bagong show.

Huli silang nagkasama sa top-rater afternoon drama series na Pahiram ng Isang Ina.

Magkasama rin sila sa weekly teen-oriented show na Reel Love Presents Tween Hearts, na patuloy ang pagiging number one tuwing Linggo.

Ayon kay Jhake, "Pinaka-natutuwa ay ang mga JaBea fans namin kasi matagal na silang nagre-request na magkaroon kami ulit ng show ni Bea after Pahiram Ng Isang Ina."

NEW YEAR, NEW BLESSINGS. Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jhake sa story conference ng Alice Bungisngis and Her Wonder Walis sa 17th floor ng GMA Network Center.

Bukod sa mga show na pinagsasamahan nila ni Bea, napapanood din si Jhake sa musical-variety show na Walang Tulugan with the Master Showman at sa comedy program na Pepito Manaloto.

Kaya maraming pagkakaabalahan na trabaho ngayong bagong taon si Jhake.

"Nagpapasalamat nga po ako sa maraming blessings," sambit ng 18-year-old actor-singer.

"Parati ko naman po ’pinagdarasal na maging maganda ulit ang takbo ng career ko sa showbiz.

"Mahal ko ang trabahong ito kaya pinagbubutihan ko parati."

HOLIDAYS WITHOUT HIS MOM. Medyo naging malungkot nga lang ang Christmas at New Year ni Jhake dahil sa pagkawala ng kanyang ina.

Ang ina kasi ni Jhake ang punong-abala sa mga nagiging handa nila tuwing Noche Buena at Media Noche.

Ngayon at wala na ang ina niya, sila-sila na lang daw magkakapatid ang nagtutulung-tulong para maging masaya ang pagpasok ng 2012.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Iba talaga, kasi wala na si Mama," sabi ni Jhake.

"Nami-miss naming lahat ang luto niya.

"Magaling kasi magluto si Mama at siya talaga ang nag-aasikaso ng lahat kapag Christmas at New Year.

"Kaya kaming magkakapatid na lang at si Papa ang nag-asikaso.

"Gusto namin na kahit wala si Mama, maayos kami at masaya pa rin kami.

"Yun ang isa sa hiling ni Mama bago siya namaalam—yung maging masaya kami kahit wala na siya."

MATURE ROLES. Isa sa mga wish ni Jake sa 2012 ay ang mabigyan na siya ng mature roles at unti-unti nang makawala sa tween image.

Aniya, "Lahat naman tayo gustong makaranas na gumawa ng mature roles, di ba?

"Para maiba lang at maranasan ko naman ang ibang roles.

"Gusto kong sumubok ng heavy drama para maiba lang.

"Kaya nga parati kaming nagwu-workshop para mapaghandaan namin ang mga gano’ng klaseng roles.

"Pero siyempre, gusto ko ay kasama ko pa rin si Bea. Siya pa rin naman ang gusto kong maka-partner."

LOVE TRIANGLE. Makaka-love triangle nina Jhake at Bea sa Alice Bungisngis and Her Wonder Walis si Derrick Monasterio, na balitang masugid na nanliligaw kay Bea.

Okey lang ba kay Jhake na maka-love triangle nila si Derrick?

Aniya, "Okey lang naman kasi nag-work naman ang love triangle naming tatlo sa Tween Hearts.

"Kaya siguro naisipan nilang lagyan din dito sa bagong show namin.

"Okey naman kami ni Derrick. Wala kaming problema sa isa’t isa.

"Trabaho lang naman lahat, e.

"Alam naman niya na ako ang ka-loveteam ni Bea at nirerespeto niya ’yon.

"Whatever na personal na bagay na meron sila ni Bea, nirerespeto ko rin ’yon.

"Basta pagdating sana sa trabaho ay hindi kami magkaroon ng problema dahil mas maganda na professional kami sa mga ginagawa naming lahat," saad pa ni Jhake.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN