Actor-turned-concert producer Joed Serrano wants to resurrect That’s Entertainment

"Ang gusto ko sana, yung new generation ng That’s Entertainment stars, yung mga anak na nung mga members dati ng That’s," says former That’s Entertainment member and now concert producer Joed Serrano.


Sa unang pagkakataon ay papasukin na rin ng dating That’s Entertainment star na si Joed Serrano ang pagpo-produce ng concert ng foreign acts.

At ang una ngang foreign artist na dadalhin ng kanyang bagong-tatag na That’s Ntertainment Productions ay ang Grammy Award-winner na si James Ingram.

Gaganapin ang concert ng American Grammy awardee at hit balladeer sa Smart Araneta Coliseum sa February 17.

Bukod sa pagiging Valentine concert, espesyal daw ang concert na ito ni James, ayon kay Joed.

"Mas espesyal pa, dahil birthday niya," sabi ng 35-year-old na concert producer nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nung Miyerkules, Enero 11 sa Cyma Restaurant.

"Actually, sa February 16 [ang birthday ni Ingram], pero ise-celebrate dito ng 17.

"Darating siya rito, mga bandang 14 or 15, ’tapos magpo-promote siya sa Bandila, sa KrisTV..."

"I think first time niya yata yun gagawin dito. Na dito siya magse-celebrate."

Nung umpisa raw ay nakadama rin siya ng kaba at pag-aalala sa pagpo-produce ng show ni Ingram sa Pilipinas.

"Kasi nagulat ako. Yung buong linggo ng Valentine’s, pukpukan pala."

"Parang filmfest ng Valentine shows!" bulalas ng actor-turned-producer.

Paano nga naman, puro malalaking acts ang magsu-show.

May Once In A Lifetime nina Sharon Cuneta-Martin Nievera sa February 11.

Mr. And Mrs. A nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid sa February 14.

At may mga foreign acts pa, tulad nina Engelbert Humperdinck na magko-concert sa February 15 at Avril Lavigne naman sa February 16.

"So, kung Valentine’s Day at gusto mong manood ng concert, at ang budget mo para sa isang show lang, mamimili ka talaga."

LEA SALONGA AS GUEST ARTIST. Pero nawala raw ang kaba at pag-aalala niya at napalitan ng kumpiyansa nang pumayag na mag-guest ang isang singer na sa tingin niya ay tiyak na makakahatak pa nang husto ng audience.

"Kasama sa concert ni James si Lea Salonga!" balita ni Joed.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Actually, parang nagkataon nga.

"Pareho nilang gusto ang isa’t isa," saad pa ng dating teen actor, at gumawa rin ng pagganap bilang Atty. Paul Parco sa ABS-CBN adaptation ng Mexican telenovela na Maria la del Barrio.

Nag-pitch daw ang production niya kay James Ingram ng mga puwede nilang gawing guest artists sa concert nito.

At nang mabanggit ang pangalang Lea Salonga, ang Filipina broadway and movie actress daw agad ang pinili ng American hit balladeer.

"’Tapos si Lea, gusto rin niyang makatrabaho si James. So, pumayag siya na mag-guest sa concert ni James."

Ngayon pa nga lang daw ay nae-excite na siya sa magiging show ng "Just Once" singer at unang-unang Miss Saigon actress.

"Siyempre, merong duet ’yan. Yung "How Do You Keep The Music Playing" ni James with Patti Austin, si Lea na ang makaka-duet niya. Nakaka-excite!" bulalas pa ni Joed.

"At saka ito kasing si James, lahat naman tayo kilala natin ’yan, e. Lahat tayo alam natin ang mga kanta niya.

"Yung mga matatanda na, yung mga kaedad natin, [alam ang] ’Just Once,’ ’There’s No Easy Way.’"

"Pati nga mga bata, kinakanta yung mga kanta niya, e. Lahat ng nagbi-videoke," pahayag ni Joed.

CONTENT BEING A PRODUCER. At dahil tuluy-tuloy na nga raw ang pagdadala niya ng foreign acts sa Pilipinas para mag-concert, binanggit na rin ni Joed na nag-quit na siya sa pagganap niya sa Maria la del Barrio.

"Nanghihinayang kasi ako sa oras," katuwiran ni Joed.

"Yung tagal ng oras ng paghihintay mo sa set, yung biyahe para sa taping sa Tagaytay, dapat na-i-spend ko yun sa mga negosyo ko sa Manila."

Matapos kasi na "maka-graduate" sa That’s Entertainment, ang pagdadala ng mga Pilipinong artista para mag-show abroad ang naging trabaho ni Joed.

Nung 2010, kasama siya sa mga nag-produce ng unang Araneta Coliseum show ni Vice Ganda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yung una, with Showtime, imbitado ako.

"Then nitong huli ni Vice sa Araneta, kasama ko ang Viva.

"Tapos itong darating niya sa July, with ABS-CBN naman," kuwento ni Joed.

Hindi lang pagpo-produce ng shows ang negosyo ni Joed, pag-aari rin niya ang Kaldereta King na may walo nang outlets sa Metro Manila.

At ngayon nga’y nag-set up na siya ng sarili niyang concert production outfit, kasama ang partner na si Cora Rodrigo.

Tinanong naman ng PEP kung parang tribute ba ni Joed sa kanyang pinagmulang show ang pangalan ng kaniyang concert production outfit.

"A, ’yan? Oo, parang. Kasi ako, gusto ko rin talaga na ipakita kung saan ako nanggaling. Kay Kuya Germs [German Moreno].

"May plano ’ko, o-offer-an ko si Kuya Germs, kung gusto niya, magkaroon ng malaking-malaking grand reunion.

"Araneta din. For free na sa lahat ng manonood. Para na rin doon sa mga fans namin noon sa That’s," saad ng Monday Group member sa That’s Entertainment noon.

Tumakbo mula 1986 hanggang 1996 ang youth-oriented show na pinangungunahan noon ng Master Showman sa GMA-7.

Nag-produce ng naglalakihan na ngayong artista ang show na ito— tulad nga nina Lea Salonga, Piolo Pascual (na PJ Pascual pa noon ang gamit na pangalan), Ruffa Gutierrez, Billy Crawford (dating Billy Joe Crawford), Isabel Granda, Chuckie Dreyfuss, Manila Vice Mayor Isko Moreno, at marami pang iba.

RESURRECTING THAT’S. Pinlano niya rin daw noon na muling ibalik sa ere ang That’s Entertainment.

"Kasi, di ba, nakita ko yung anak nina Lotlot de Leon at Ramon Christopher, ang ganda!" tukoy nito kay Janine Gutierrez.

"Yung anak din nina Jigo Garcia at Jean Garcia, maganda rin!" banggit din niya kay Jennica Garcia.

"Ang gusto ko sana, yung new generation ng That’s Entertainment stars, yung mga anak na nung mga members dati ng That’s.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaso, ayaw na ng GMA, e, nung sinabi ko sa kanila.

"So, naisip ko, dalhin na lang sa ibang istasyon. Kaya lang, kailangan nandun pa rin si Kuya Germs. Kasi kanya yun, e.

"Ang kaso lang, ayaw naman ibigay ng GMA si Kuya Germs. Hindi puwede. At ayoko rin naman na ako ang parang Kuya Germs.

"So, nanghihinayang lang ako sa potensyal ng show," may panghihinayang pang sabi ni Joed.

"Kasi yung sa Showtime, kung mapapansin n’yo, ganung-ganun din yung mga ginagawa namin noon, e. Mga hindi nga lang artista yung gumagawa ngayon at contestants talaga.

"So, kung may gagawa lang uli ng mga ginagawa namin noon, at ilalagay pa sa timeslot na tanghali na puwedeng tapatan ang Eat... Bulaga! at Happy Yipee Yehey, maghi-hit yun!" sabi ni Joed.

Sa pananalita niya, tila gusto niyang magparating ng mensahe sa TV5 na wala namang variety show na pantapat sa mga nabanggit nang TV shows ng GMA-7 at ABS-CBN 2.

"Kasi, puwede naman talaga. A new generation of stars? Lalo na kung anak pa ng mga dating That’s... maghi-hit yun," paniniguro pa ni Joed.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN