Beth Tamayo’s mom wants daughter to stay in the U.S. because of alleged death threats

Mrs. Zeny Tamayo on daugther Beth (in photo): "Sa ngayon, talagang naghihirap yung anak ko. Hindi ko nga alam...kung meron lang talaga akong maitutulong pa na talagang... Nahihirapan nga raw siya roon. E, wala naman akong magawa. Katunayan, itong Paskong ito, wala siyang ipinadala sa akin. Nag-New Year, wala. Nagtiis ako, pumunta lang ako sa mga kapatid niya."


Matapos magsalita ni Beth Tamayo noong January 8 sa showbiz talk show ng TV5 na Paparazzi, ang kanya namang inang si Zeny Tamayo ang humarap sa kamera nitong nakaraang Linggo, January 15.

Ito ay para sa iba pang paglilinaw sa mga samu’t saring kuwento ng biglaang pag-alis sa bansa ng kanyang anak.

Nagsalita muna si Mommy Zeny tungkol sa napanood niyang interview ni Beth sa show.

Ayon sa ina ni Beth, "Nasa Meycauyan ako. Lahat ng kamag-anak niya, nandoon kami. Pinanood namin siya talaga.

"Natuwa kami dahil sa pagkakataong iyon...unang pagkakataong iyon, na-interview siya talaga.

"At natuwa naman kami sa sinabi niya dahil pawang mga katotohanan naman yung mga sinabi niya."

(CLICK HERE to read related story.)

IT’S ABOUT MONEY. Inamin ni Mommy Zeny na "pera" talaga ang pinag-ugatan ng eskandalo at problema sa buhay ni Beth at ng mister nito.

Lahad niya, "Noong nandito pa sila, napansin ko na lang, dahil naglagay ako ng pera sa kanila noon, pati yung brother ko, para sa lending [business].

"E, milyon din yun. Kung four million, meron.

"Yung pinakatubo nun, ibinibigay niya [Beth] sa akin monthly.

"Isang taon yun na tumagal na gano’n.

"Pagdating ng mga one year na mahigit na, parang wala na.

"Hindi na naibibigay, nadi-delay na."

Nagkaroon daw ng problema noong mga panahong iyon ang lending business nina Beth at Johnny.

Nadamay na nga raw si Beth dahil, bukod kay Johnny, pirmado rin ng aktres ang mga dokumento ng mga pagkakautang nila sa kung sino.

May kuwento pa nga raw na ilang ulit nang naisanla ang isang property o bahay ng mister ni Beth.

"Nabalitaan ko rin yun," sambit ni Mommy Zeny.

"E, siyempre, lahat ng mga ari-arian dito, puro pangalan ni Beth.

"E, may pirma rin naman siya.

"Pero sa katotohanan no’n, lahat ng mga pinagbilihan no’n, hindi niya nahawakan yun."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DEATH THREATS. Kinumpirma rin ni Mommy Zeny na may death threats ngang natatanggap si Beth.

May mga banta nga raw na hindi na magdedemanda ang iba kundi itutumba na lang ang mag-asawang Beth at Johnny.

Sabi ni Mommy Zeny, "Delikado kung pupunta rito si Beth kasi mahirap na, may death threat ’yan.

"E, baka kung anuman ang mangyari.

"Kasi si Johnny, may mga kakilala ’yan dito. Puwedeng ipatumba ’yan si Beth.

"Bayaran lang ng ganito-ganyan ’yan, talagang itutumba.

"Sabi ko, dapat kung ako ang masusunod, huwag na sana siyang umuwi, doon na lang siya.

"Hintayin na lang niya yung citizenship niya."

BETH’S SECRET VISIT. Noong September 4, 2011, ay dumating daw sa Pilipinas si Beth.

Ayon kay Mommy Zeny, "Wala akong nararamdamang uuwi siya.

"Pero yung mga kapatid niya, parang may alam.

"Sabi niya, ’Mommy, ano bang gusto mong pagkain sa birthday mo?’

"’Hindi,’ sabi ko, ’magsisimba lang ako sa birthday ko, sa bahay lang ako.’

"Pinilit nila ako, hinawakan nila akong dalawa sa itaas.

"Ngayon, pagpunta ko doon, lahat ng mga kamag-anak ko, pati na yung mga ninong at ninang niya [Beth], nasa taas.

"Siyempre, napaiyak ako, ’Naku, sinorpresa ninyo pala ako.’ May mga pagkain talagang inihanda.

"May humawak sa mukha ko.

"Hinawakan ko ang kamay niya. Parang payat na malambot.

"E, halik nang halik. Kabisado kong humalik yun, sabi ko.

"Nung inano ko...kasi ang tawag ko sa kanya [Beth], Che, ’Che!’

"Paggano’n ko, ’Oo, Mommy, ako nga.’

"Maya-maya, nag-iyakan na kaming mag-ina, naghagulgulan na kami.

"’Mommy, talagang sinorpresa kita. Gusto talaga kitang makita ’etong birthday mo.’

"Sabi ko, ’Okey na kahit mamatay ako itong araw na ito dahil dumating ka. Ngayon lang tayo nagkita nang personal talaga.’

"Kaya ito ang pinakamaligaya kong birthday nung nakaraang taon."

Sa puntong ito ay umiyak na si Mommy Zeny sa interview sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dalawang linggo lang daw nanatili ng Pilipinas si Beth at pagkatapos ay bumalik na ito sa Amerika.

LIFE IN THE STATES. Ayon kay Mommy Zeny, hindi nabubuhay nang matiwasay si Beth sa Amerika.

"Sa ngayon, talagang naghihirap yung anak ko.

"Hindi ko nga alam...kung meron lang talaga akong maitutulong pa na talagang...

"Nahihirapan nga raw siya roon," umiiyak na sabi ng ina ni Beth.

"E, wala naman akong magawa.

"Katunayan, itong Paskong ito, wala siyang ipinadala sa akin. Nag-New Year, wala.

"Nagtiis ako, pumunta lang ako sa mga kapatid niya."

SON-IN-LAW. Samantala, nananatiling galit ang puso ni Mommy Zeny sa manugang na si Johnny Wong.

Hindi niya raw alam kung maglulubag pa ang loob niya kapag nakapag-move on na ang anak.

"Hindi ko lang masabi. Pero ngayon, nandito pa yung galit na umaano pa sa akin.

"Kasi, hindi niya naisip na naghihirap yung anak ko doon [U.S.], pati ako na magulang, naghihirap din."

Hindi raw mga simpleng tao ang humahabol kay Beth at sa mister nito.

"Napakarami at mataas na tao ang humahabol sa kanila," sabi ni Mommy Zeny.

Walang magawa si Mommy Zen sa kalagayan ng kanyang anak at sa pinagdadaanan nito kundi ang manawagan at magbigay ng mensahe para kay Beth.

"Bunso, kung sakali mang umuwi ka ngayong April na ito, sana maging maganda ang katayuan mo dito.

"At matapos na sana ang problema natin.

"Hirap na hirap na ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko, anak.

"Maintindihan sana ng lahat ang nangyayari sa iyo.

"At matanggap ka rin sana nila na ganito ka, kung sakali mang bumalik sa showbiz na gusto mo.

"Matanggap ka sana ng mga dati mga kasama mo," panaghoy ng ina ni Beth.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN