Neil Ryan Sese happy about his role in successful series, Munting Heredera: "Nagu-Google na nila ang name ko sa Internet."

After years of working in theater and acting in indie films, Neil Ryan Sese took on the role of Simeon in the teleserye, Munting Heredera, and became a household name.

"It’s very overwhelming. Kasi ang tagal ko na sa pag-arte pero only a few people know who I am... Natutuwa ako kapag may nakakakita sa akin kapag nasa mataong lugar ako. They call me either by my character’s name Simeon or by my real name. Nakakatuwa kasi pa


Sa lahat nga raw ng mga television series na ginawa ng theater-TV-movie actor na si Neil Ryan Sese, ang role niya bilang Simeon sa Munting Heredera ng GMA-7 ang pinaka-memorable sa kanya.

Dito kasi siya mas nakilala ng maraming manonood.

Kung noon nga raw ay "one of those" character actors lang si Neil, dahil sa magandang role niya sa serye, nagkainteres ang marami na kilalanin kung sino siya at bakit siya mahusay umarte.

"Biglang gusto na nila akong makilala," ngiti pa ni Neil nang makapanayam namin siya sa Thanksgiving Mass ng buong cast ng Munting Heredera sa 17th floor ng GMA Network Center.

"Okey na sa akin yung hindi tayo masyadong napapansin. Hindi naman tayo malaking artista.

"Nasanay na tayo na after ng take, sa isang sulok ka lang ng set at naghihintay ka ng next take mo.

"Pero ngayon, marami nang gustong ma-interview ako. May mga nagpapa-picture pa.

"Parang, teka, hindi nangyayari sa akin ito sa ibang mga shows na nagawa ko.

"Kaya sobra ang pasasalamat ko. Abot-langit ang kasiyahan ko dahil napasama ako sa napakagandang show na ito."

Nagsimula nga bilang theater actor si Neil Ryan Sese. Nakatapos siya ng kursong Bachelor of Arts in Theater Arts sa University of the Philippines.

Lumabas siya sa maraming stage plays sa Dulaang UP, UP Shakespearean Company, Tanghalang Pilipino at Bulwagang Gantimpala.

Kabilang sa mga Shakespearean plays na ginawa niya ay ang Othello, Merchant of Venice at Taming of the Shrew.

Gumanap din siya sa mga Greek plays na Oedipus Rex at Troyanas at sa mga local theater productions ng Kanser, at Laro.

Gumanap din siya sa mga Asian dramas na St. Louis Loves Dem Filipinos, Hudhud, Kanjicho, Sepharad: Voces de Exilio, Basilia Ng Malolos, Orpheus Descending at Sa Ngalan Ng Anak.

Lumabas na rin si Neil sa mga short films at independent films tulad ng Ang Pagdadalaga Ni Maximo Oliveros, Kubrador, Seroks, Huling Pasada, Mangatyanan, Buenavista, Sanglaan, Hawang, Graveyard Shift. Layang Bilanggo, Tsardyer, Colorum, Kamoteng Kahoy, Haw-Ang at Mark, Matthew, Luke and John.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hanggang sa ma-penetrate niya ang mainstream cinema. Ilan nga sa mga nagawa niyang mainstream films ay Caregiver, Aishete Masu, Beautiful Life, Here Comes The Bride, Gatas Sa Dibdib Ng Kaaway, Noy, Paano Na Kaya?, Shake, Rattle & Roll XI, Kutob, Malikmata, at Filipinas.

Napasok din niya ang TV at lumabas sa ilang series ng ABS-CBN 2 tulad ng Pieta, Prinsesa ng Banyera, Maria Flordeluna, Krystala, Spirits, Darating Ang Umaga, Kaytagal Kang Hinintay, Basta’t Kasama Kita, Sa Dulo Ng Walang Hanggan, Buttercup, Noah, The Wedding, iDOL, Kim, Nasaan Ka Elisa?, Tiagong Akyat, Your Song, SCQ Reload, Tayong Dalawa at May Bukas Pa.

Sa bakuran naman ng GMA-7, ginawa niya ang Sugo, Lupin, Etheria: Ang Ikalimang Kaharian Ng Encantadia, Obra. Mahiwagang Baul at ito ngang Munting Heredera.

THEATER VS FILM AND TV. Para sa isang lehitimong theater actor, malaking adjustment nga ang ginawa ni Neil nang pasukin na niya ang pag-arte sa pelikula at telebisyon.

Malaki nga raw ang diperensya kaya kailangang niyang makisabay at makibagay sa pinasukan niyang trabaho.

"Kapag nasanay ka na kasi sa teatro, mabilis lahat, e. Walang take two at kailangan mabilis ang pag-isip at pagkilos mo. Or else magugulo lahat.

"Sa TV at movies naman, uso naman dito maghintay kung kelan ka kukunan, yung blocking ng kapwa artista mo, hindi mo dapat sapawan ang mga kaeksena mo at control sa pagbitiw ng dialogue at pagkilos.

"Sa teatro kasi, bigger ang mga movements namin at kailangan malakas ang boses mo.

"Kaya sa TV, kino-control ko na ang lakas ng boses ko. Minsan hindi mo mapigilan kasi kusang lalabas.

"Ngayon I can keep it under control. Iniisip ko na wala ako sa entablado. TV camera itong kaharap ko kaya hinay-hinay lang," ngiti niya.

Tumatanggap pa rin nga raw ng trabaho sa teatro si Neil kapag may free time siya.

Pero kapag sagad siya sa trabaho sa TV, pass muna siya sa teatro at babawi na lang siya kapag natapos na ang isang series.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Seasonal din ang theater, e. May time na magkakasunod.

"Ngayon kasi, mas naging busy ako sa TV. Inabot ng nine months itong Munting Heredera. Akala ko kasi, saglit lang ako.

"Pero bumalik ang character kong si Simeon kaya nagtuluy-tuloy na.

"I will never leave theater. Kahit na sabihin pa nilang wala tayong kinikita diyan.

"Yung pagmamahal ko sa sining ang importante sa akin. Tsaka diyan ako nag-start kaya babalik-balikan mo parati ang unang minahal mo."

MAKING A NAME FOR HIMSELF. Sa estado nga ni Neil ngayon bilang isang actor, walang hindi na nakakaalam ng tunay niyang pangalan.

"It’s very overwhelming. Kasi ang tagal ko na sa pag-arte pero only a few people know who I am. Kung ano ang name ko.

"Others, they don’t mind kung ano ang tunay kong pangalan.

"Pero dito nga sa Munting Heredera, inaalam nila kung sino talaga ako kasi either nagugustuhan nila ang performance ko or galit sila sa character ko.

"Natutuwa ako kapag may nakakakita sa akin kapag nasa mataong lugar ako. They call me either by my character’s name Simeon or by my real name.

"Nakakatuwa kasi parang recognized ka na as a real actor. May pangalan na yung pinapanood nila gabi-gabi sa TV.

"Nagu-Google na nila ang name ko sa Internet.

"I like to thank Direk Maryo J. delos Reyes for giving me this wonderful yet insane character.

"Akala ko isang pangkaraniwan na role ang binigay sa akin, pero ito pala ang makakapagbago sa pagtingin sa akin ng maraming tao," pagmamalaki pa ni Neil.

Malaki nga raw ang nagawa sa kanya ng serye kaya isa siya sa mga naging emotional nang magtatapos ang show after ng 9-month run nito sa GMA-7.

"I gained a new family with the cast of Munting Heredera. Lahat sila naging very close sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noong una, naiilang ako kasi nga, mga sikat silang celebrities at small actor lang ako.

"But I felt the genuine love mula kina Tita Gloria Romero, Tita Luz Valdez, Camille Prats, Gabby Eigenmann, Kuya Roderick Paulate, Mark Anthony Fernandez and the rest.

"Before kapag breaktime, sa ibang lugar ako pupuwesto at nahihiya akong makisabay sa mga malalaking artista.

"Pero dito sa show namin, sabay-sabay kaming kumain. Hindi puwede yung hindi ka sasabay sa lahat.

"Kahit sa kuwentuhan, magkakasama kami sa iisang lugar. Walang malaki at maliit na tao sa show namin.

"Pantay-pantay kaming lahat.

"Kaya naramdaman ko na part ako ng show na ito. Na part ako ng pamilya... at nakakalungkot nga na magkakahiwalay na kami."

Marami nga raw na nakalinyang indie films na gagawin si Neil kaya hindi siya mababakante kapag nagtapos na ang serye.

"Wala pa naman tayong sisimulan na bagong TV series kaya trabaho muna tayo sa pelikula.

"Matagal din akong hindi nakagawa ng indie film kaya iyon muna ang gagawin natin," pagtatapos pa ni Neil Ryan Sese.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN