Leo Martinez disappointed by actor-senators’ lack of support for the Film Academy of the Philippines

"These actors in government, hindi naman sila kailangan pagsabihan pa, e. Alam naman nila ang nagiging problema ng industriya. Yet still, they don’t even mind it at all. It’s a big disappointment, really," says Leo Martinez.


Bihirang tumanggap ng TV series ang TV/movie/stage actor na si Leo Martinez.

Pero hindi raw niya mapalagpas ang offer para gumanap bilang si Lolo Jupiter sa kauna-unahang drama series ng Net-25, ang 5 Girls And A Dad.

Huling napanood si Leo sa afternoon drama series ng GMA-7 na Sisid.

Kontrabida ang naging papel niya roon, kaya gusto naman daw niyang maging mabait sa susunod niyang gagawin.

Kuwento niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "When Net-25 offered me the role of Lolo Jupiter, naka-relate ako sa role because, in real life, I am already a lolo.

"I also have five grandchildren from my son with my former wife, Enchang.

"Kaya it’s a role na kayang-kaya ko, because I will have five grandchildren in this series.

"At ako ang tutulong sa father nila, played by Richard Quan, on how to raise his children.

"Maganda ang naramdaman kong vibes noong mag-taping na kami for the series.

"Para sa akin, this series is good for the soul, kaya they have to watch it kung gusto lang nilang maiba ang panonoorin nila."

Si Lualhati Bautista ang may-akda ng 5 Girls And A Dad.

Siya rin ang may-akda ng mga nobelang Dekada ’70 at Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?, na pareho nang nagawang pelikula.

Dati ay hindi sumusulat si Lualhati ng TV series kahit na marami siyang naging offer.

Tanging itong sa Net-25 lang daw ang tinanggap niya dahil hanap ng TV network na hindi sumunod sa formula ng mga drama series ngayon.

Sabi pa ni Leo, "This series is full of positive values kaya tinanggap ko rin siya.

"Ang mga drama series kasi ngayon, pare-pareho na ang formula.

"Kung hindi may nawawalang anak, may kidnapan naman, or may inaapi parati.

"Maganda na gumawa tayo ng isang show na naka-focus lang sa pamilya at sa mga puwede nating maibahaging good family values sa mga manonood."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

REPERTORY PHILIPPINES. Isa si Leo Martinez na matatawag na reliable character actor.

Kahit na anong role kasi ang ibigay sa kanya ay nagagawa niya. Puwede siyang lumabas sa comedy at drama.

Ang unang acting exposure ni Leo ay sa teatro kaya naman naia-apply niya ang kanyang mga natutunan sa kanyang pag-arte sa TV at pelikula.

Sa mga hindi nakakaalam, isa si Leo sa naging founder ng Repertory Philippines noong 1967.

"Kami nina Zenaida Amador, Baby Barredo, at ang mag-asawang Tony and Monina Mercado.

"Lima kaming founders ng Repertory Philippine, na 45 years na this year.

"Everyone knows that Repertory Philippines honed so many talented Filipino performers.

"And I am honored to be part of this theater group.

"Patuloy pa rin naman na nagde-develop ng maraming talents ang Rep.

"Thank God na yung itinatag namin ay buhay pa rin," saad ni Leo.

Kabilang sa produkto ng Repertory Philippines ay sina Lea Salonga, Monique Wilson, Pinky Amador, Menchu Lauchengco-Yulo, Raymond Lauchengco, Joy Virata, Cecille Diaz-Laurel, Cocoy Laurel.

Lumabas din sa Rep—ang magiliw na tawag sa institusyong ito—sina Jonas Sebastian, Bart Guingona, Nieves Campa, Tess Dumpit, Cita Astals, Sheilu Bharwani, Jamie Wilson, Carla Guevarra, JM Rodriguez, Michael Williams, Alma Lerma, Audie Gemora, Paolo Fabregas, at Miren Alvarez.

BACK TO THEATER. Ngayon nga ay balik-teatro si Leo sa pamamagitan ng The Sound Of Music, kunsaan gumaganap siya bilang Max, ang kaibigan ni Captain Von Trapp (played by Ariel Rivera).

Itinatanghal ang The Sound of Music sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila.

Ayon kay Leo, "The last time I acted on theater was in 1998. It was a production of Amadeus.

"So you can just imagine yung adjustment ko, kasi it’s been 14 years na since I acted on stage.

"At first, medyo nandoon yung feeling na naiilang ka because nasanay ka na sa TV at sa movies na umarte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"But during rehearsals, I was able to get a feel of it again."

Inamin ni Leo na wala talagang kinikita sa teatro.

Ani Leo, "In terms of talent fee, it cannot be compared sa ibinabayad sa iyo sa TV at movies. Malayung-malayo.

"It’s really for the love of it. You do it because you just love to perform.

"For me, magandang balikan ang teatro para mahasa pa nang husto ang utak ko.

"I’m already 66 years old and doing theater again helps me memorize a lot.

"Malaking tulong sa ibang trabaho natin.

"Kaya habang kaya ko pang mag-memorize, I will still be doing theater."

Sa totoo lang, masyadong mapagpakumbaba itong si Leo.

Minsa’y nagkausap ang PEP editor-in-chief na si Jo-Ann Maglipon at ang veteran TV director na si Johnny Manahan tungkol kay Leo. At ang sinabi ni Manahan, na kilala sa industriya bilang matipid sa pagpuri at medyo aloof pa nga sa pagbitiw ng anumang bagay sa media:

"Not many know it, but Leo Martinez is the best damn Shakespearian actor in the Philippines!"

CROSSING OVER. Mula sa teatro ay pinasok ni Leo ang mundo ng telebisyon at pelikula.

Nakilala siya sa kanyang comedic role as Don Robert Dinero sa GMA-7 sitcom na Ober Da Bakod, at bilang si Congressman Manhik Manaog sa IBC-13 show na Mongolian Barbecue ni Jun Urbano.

Sa mga TV shows naman ay lumabas na si Leo sa Sugo, Marimar, Zorro, Love To Love, Idol Ko Si Kap, Hokus Pokus, Gagambino, Kaputol Ng Isang Awit, Fantastic Man, at Sisid sa GMA-7.

Ginawa naman nito ang Tanging Yaman para sa ABS-CBN.

Sa pelikula ay nakita ang husay ni Leo bilang isang komedyante sa pelikulang Juan Tamad and Mr. Shooli: Mongolian Barbecue, kunsaan nanalo siyang Best Supporting Actor sa 1991 Metro Manila Film Festival.

Nagkasunud-sunod din ang mga pelikula ni Leo noong ’90s at naging bida pa siya sa ilang comedy films tulad ng Batanguenong Kabitenyo, Dr. X on Air, SPO1 Don Juan: The Dancing Policeman, A.E.I.O.U., Ala-Eh Con Bisoy: Hale-Hale Hoy: Sinong Matalo Siyang Unggoy, at Mana-Mana Tiba-Tiba.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakasama rin si Leo sa critically-acclaimed films tulad ng Minsa’y Isang Gamu-Gamo, Kakabakaba Ka Ba?, Unfaithful Wife, Virgin Forest, Kailangan Kita, Dugo Ng Panday, Aswang, at Baler.

Saad ni Leo, "Nakaka-miss din ang mga panahon na iyon.

"Sunud-sunod ang mga movies natin and they were all making money.

"Ngayon kasi, mas nasa TV na ngayon ang mga artista.

"It’s a good thing na paminsan-minsan ay nabibigyan tayo ng magandang role sa mga TV shows, ’tulad nga nitong sa 5 Girls And A Dad.

"Thank you to these people who still give importance to actors like me na nasa ganitong edad na!" tawa pa ni Leo.

FAP. Samantala, naglabas naman ng sama ng loob si Leo sa ilang celebrities na may posisyon ngayon sa gobyerno.

Hindi raw kasi nabibigyan ng pansin ng mga ito ang problema ng Film Academy of the Philippines (FAP).

Si Leo pa rin ang umuupong director-general ng FAP.

Idinadaing niya ang problemang pinansiyal ng naturang organisasyon.

"Nakakalungkot mang isipin, pero iyon ang katotohanan," sabi ni Leo.

"Malaki ang problema financially ng FAP.

"Umaasa lang kami talaga sa kikitain ng Metro Manila Film Festival [MMFF] every year.

"But as it is, kahit na malaki ang kinita ng MMFF, papaliit naman parati ang naibibigay na percent sa FAP.

"Yung different guilds ng FAP ay hindi rin makakilos because wala rin silang funding.

"Gustuhin man namin na magkaroon ng fundraising event para lang makakilos kami, pero we don’t have enough people to sit down and plan it.

"In order to put up a fundraising event, you still need money, which the organization does not have.


"It’s sad kasi nga industry award ang FAP.

"But it seems that most of the people from the industry do not even lift a finger to support FAP.

"Ito ang Philippine equivalent ng Oscar Awards sa Hollywood.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"But you don’t feel the support of these actors who are now in government.

"Ilan ang taga-showbiz industry na nasa senado ngayon? Apat sila, di ba?

"But not one of them had even mentioned the dilemma of the Film Academy of the Philippines."

Ang apat na artista na tinutukoy ni Leo ay sina Senators Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Lito Lapid, at Tito Sotto.

Patuloy pa ni Leo, "Kaya may dahilan kung bakit wala kaming malaking awards night, or delayed ang pagbigay namin ng recognition.

"Kasi nga, depende sa makukuha naming funds.

"Like what I said, nakakalungkot, pero ito ang katotohanan."

Dasal ni Leo ay bigyan naman ng pansin ang film industry, partikular ang FAP dahil binuo ito para magkaroon ng unity ang mga artista.

"These actors in government, hindi naman sila kailangan pagsabihan pa, e.

"Alam naman nila ang nagiging problema ng industriya.

"Yet still, they don’t even mind it at all.

"It’s a big disappointment, really.

"But I am still praying na magkaroon ng panibagong sigla ang FAP.

"Hindi pa rin naman kami nawawalan ng pag-asa," saad ni Leo.

BOOTS PLATA. Isa si Leo sa nalungkot nang sumakabilang-buhay ang kanyang matalik na kaibigang si Boots Plata.

Sumakabilang-buhay si Direk Boots noong November 2, 2011 dahil sa sakit na pneumonia, matapos na ilang taong pakikipaglaban sa diabetes at cancer.

Ilang pelikula ang pinagsamahan nina Leo at Direk Boots.

Kabilang dito ang Sex Object, Unang Tibok Ng Puso, Buddy En Sol (Sine Ito), Buddy En Sol: Praybeyt Depektibs, Muling Ibalik Ang Tamis Ng Pag-ibig, Si Lucio at Si Miguel, at Weder-Weder Lang ’Yan.

Ikinuwento nga ni Leo sa PEP ang huling pag-uusap nila ni Direk Boots.

"Magkikita sana kaming dalawa sa isang event.

"Matagal na rin kasi kaming hindi nagkita since he got sick.

"We always talk on the phone lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tumawag nga siya sa akin saying na hindi na siya makakapunta dahil pagod na pagod na raw siya.

"Gusto na lang daw niyang magpahinga.

"I said na it’s okay and he needs to rest. Bisitahin ko na lang siya soon.

"Then a week after, I received a call na wala na si Butse [palayaw ni Direk Boots].

"I was, of course, shocked kasi nga a week before ay magkausap pa kami.

"Hindi ko alam na that would be the last time na makakusap ko si Butse. Para na pala siyang nagpapaalam na sa akin.

"I felt sad kasi nga isa si Butse sa close na kaibigan natin.

"He’s a very good director at malaking kawalan siya sa industriya," sabi ni Leo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN