Jillian Ward turns 7 on February 23 with a Rock Star-themed party

Child wonder Jillian Ward lists her wishes for her 7th birthday: "Masaya po kaming pamilya. Always be happy. Humble sina Mama. Ayokong palagi silang nagagalit. Ayokong palagi silang nasasaktan. Sana, ilayo kami sa mga sakit."


Mami-miss daw ng child wonder na si Jillian Ward ang lahat ng mga kasama niya sa Daldalita ngayong malapit nang magwakas ang kanilang teleserye sa GMA-7.

Kuwento pa ni Jillian sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng Daldalita sa Antipolo noong January 21, kahit off-cam ay "daddy" pa rin ang tawag niya kay Ogie Alcasid, ang kanyang ama sa serye.

Niregaluhan nga raw siya ni Daddy Ogie ng manyika at Hello Kitty items.

Hanggang ngayon kasi ay favorite pa rin niya ang Hello Kitty.

"Gusto ko lahat ng Hello Kitty—crayons, bags, raincoat... Marami po."

Pero mahilig pa rin daw siyang maglaro ng Barbie at games sa iPad.

Ayon pa kay Jillian, sa bahay ay hindi naman siya makulit.

Isa sa hiling niya ang magkaroon na sila ng sariling bahay.

Katuwiran niya kung bakit gusto niya ng sariling bahay: "Para sa amin po. Para mas presko. Mas masaya. May sariling bahay."

Malapit na ba silang magkaroon ng sariling bahay?

"Malapit na. Malapit nang magpagawa si Mommy," sagot ng child actress.

Nang tanungin kung ano ang gusto niyang kasunod na proyekto pagkatapos ng Daldalita, tila comedy lamang ang gusto niya kahit napakagaling din niyang mag-drama.

Panay kasi ang hirit ni Jillian sa kanyang co-stars na sina Ogie at Rufa Mae Quinto sa Daldalita, na gusto niyang mag-Bubble Gang.

"Gusto ko nga po ng comedy. Pero gusto ko rin po ng drama," sabi niya.

Saan siya mas hirap—magpatawa o magpaiyak?

"Parehas lang po na hindi ako nahihirapan," sagot ni Jillian.

Nang tanungin naman namin kung sino ang mga artistang gusto niyang makasama sa kanyang next project, imbes na sumagot, kinuha nito ang notebook ng isang entertainment writer at saka itinuro ang nasulat niyang sagot.

Biro tuloy namin, ang tamad niyang sumagot.

Sabay pagsabi niyang, "Si Daddy Ogie nga po, si Michael V, si Jose [Manalo] at Wally [Bayola], at saka si Ate Rufa Mae."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SEVENTH BIRTHDAY. Sa February 23 ay magdiriwang na ng kanyang 7th birthday si Jillian.

Pero gaganapin daw ang party niya sa February 26 sa Tektite Bldg. sa Ortigas.

Gusto raw talaga niyang magkaroon ng party at gusto niyang dumating ang mga nakasama niyang artista at direktor sa lahat ng naging shows niya.

Kahit mahilig sa Hello Kitty, ang theme raw ng party ni Jillian ay "Rock Star" na gusto rin daw niya.

In fact, magpe-perform daw siya na rock star.

Ano ang birthday wish niya ?

"Masaya po kaming pamilya. Always be happy.

"Humble sina Mama—ayokong palagi silang nagagalit... ayokong palagi silang nasasaktan.

"Sana, ilayo kami sa mga sakit," sagot ni Jillian.

Sa career niya, ano naman ang gusto niyang mangyari?

"Meron akong wish... sana marami pa pong movies.

"Para lahat ng tao, puwedeng mapanood ang iba-ibang movies at iba-iba sa TV shows.

"Gusto ko comedy, drama... Basta lahat po, gusto ko."

Hindi ba siya nakakaramdam ng kaba o pressure kapag may ibang child stars na bini-buildup ang GMA-7.

"Hindi po. Happy din ako kasi nararamdaman nila ang nararamdaman ko," sagot ni Jillian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN