Anne Curtis on her ’first and last’ major solo concert: "Dreams do really come true."

Actress Anne Curtis filled the Araneta Coliseum with tens of thousands of fans for her major solo concert, Annebisyosa: No Other Concert, last Saturday night, January 28.


"Dreams do really come true."

Ito ang paulit-ulit na sinabi ni Anne Curtis sa kanyang "first and last" major solo concert noong Sabado ng gabi, January 28, sa Araneta Coliseum—ang Annebisyosa: No Other Concert.

Ayon kay Anne, pangarap talaga niyang magkaroon ng isang solo concert sa isang malaking venue gaya ng Big Dome.

At natupad ito sa kabila ng katotohanang hindi naman siya isang singer.

Noong isang taon ay marami ang nagulat nang magkaroon ng kanyang solo album si Anne sa ilalim ng Viva Records—ang Annebisyosa.

Mas marami ang nagulat nang maging Platinum ang album niya, patunay na marami ang sumasakay sa "ilusyon" ni Anne na maging isang recording artist.

At base sa dami ng taong nagpunta sa Araneta Coliseum noong Sabado ng gabi, sinakyan din nila ang isa pang "ilusyon" ni Anne—ang isang maging concert performer.

Maging si Anne ay sinabing walang mai-expect sa concert niya kundi isang gabi lamang ng katuwaan at "biritan."

Pero hindi alintana ng mga nanood ng concert ni Anne ang kakayahan niya sa pagkanta dahil pinatunayan ng aktres na isa siyang tunay na performer.

Kapansin-pansin sa concert ang kakaibang ganda ni Anne nooong gabing iyon at ang magagarbo niyang kasuotan, courtesy ng kanyang stylist na si Liz Uy.

FOR NON-SINGERS. Eksaktong alas-nuebe ng gabi nagsimula ang tatlong oras na concert ni Anne.

Isang dumadagundong na hiyawan at palakpakan ang sumalubong kay Anne paglabas niya sa isang higanteng mikropono bilang hudyat ng pagsisimula ng kanyang concert.

Sa kanyang opening number ay binanatan agad ni Anne ang mga awitin ni Rihanna na "Only Girl" at "We Found Love" kasama ng G-Force.

Isa uling umaatikabong hiyawan at palakpakan ang ibinigay ng audience pagkatapos ng number ni Anne.

"Good evening, Araneta!" pasigaw na bati ni Anne.

Pero biro ng voiceover announcer, doon na raw nagtatapos ang concert ni Anne, at pagkatapos nito ay namatay lahat ng ilaw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tili ni Anne, "Ano ba kayo, ang tagal-tagal kong hinintay ’to, ’no. Ibalik n’yo ang mga ilaw!"

Pagkabalik ng ilaw, sinabi ng aktres na, "Walang puwedeng magsabotahe ng evening na ’to para sa akin."

Tila hindi makapaniwala si Anne nang makita niya ang dami ng tao na nasa loob ng Araneta para panoorin ang concert niya.

Kaya sambit niya, habang kinikilig, "Oh, my goodness!

"Hindi ko alam ang sasabihin ko, but dreams really do come true.

"This is my first major solo concert, sabe, dito sa Araneta and I’m so happy to share all of these with you."

Babala pa niya, "Sana nagdala kayo ng earplugs ninyo kasi I promise you it’s gonna be a night of biritan. It’s gonna be a night of fun.

"Pag nagkamali man ako o mawala man ako sa tono, sabayan n’yo na lang ako, ha.

"Thank you so much, guys.

"This is for you, para sa lahat ng mga non-singers diyan, this is for you."

Sinundan ito ni Anne ng magarbo niyang production number na "Run The World (Girls)" ni Beyonce.

JASMINE CURTIS SMITH. Ang unang guest ni Anne ay ang kanyang "baby little sister" na si Jasmine Curtis Smith.

Sa isang Rio carnival-inspired number ay kinanta ng magkapatid ang ilan sa mga awitin ni Katy Perry, na incidentally ay nag-concert sa Manila kamakailan lang.

Ilan sa mga kinanta nina Anne at Jasmine ay "Friday Night," "Teenage Dream," at "Firework."

Pagkatapos ng number ng magkapatid ay naiyak si Jasmine, at nang tanungin ni Anne kung bakit, sinabi ng TV5 star na, "I’m just proud of you, Ate."

LUIS MANZANO & VHONG NAVARRO. Habang nasa stage ang magkapatid ay lumabas naman ang mga "taga-lait" ni Anne na sina Luis Manzano at Vhong Navarro.

Si Luis ay malapit na kaibigan ni Anne, samantalang si Vhong naman ay co-host ng aktres sa Showtime.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Napuno ng tawanan ang loob ng Big Dome nang "lait-laitin" ng dalawang Kapamilya male stars si Anne.

Pinuri nina Luis at Vhong ang lahat ng may kinalaman sa concert—ang banda, ang G-Force, ang director na si Rico Gutierrez—maliban kay Anne.

Sabi pa ng dalawa, mula sa Araneta ay masusundan pa ang concert ni Anne. Pero paliit na raw nang paliit ang magiging venue nito: "sa Music Museum, sa Zirkoh, at sa Adoration Chapel."

Hirit pa ni Luis, ito lang daw ang concert na mas pagod ang back-up singers kesa sa mismong nagku-concert.

Nagbigay rin ng kanilang mensahe, sa pamamagitan ng VTR, ang mga kasamahan nina Luis at Vhong sa Kanto Boys na sina Billy Crawford at John Lloyd Cruz.

Simpleng hirit ni John Lloyd, nagbunga ang "lakas ng loob" ni Anne at natupad ang pangarap nitong mag-concert sa Araneta.

Sinundan ito ng OPM medley ni Anne kasama nina Luis at Vhong. Kahit nawawala sa tiyempo ang tatlo ay idinaan na lang nila ito sa pagpapakuwela.

Ilan sa mga kinanta nila ay ang mga sumusunod: "Tukso," Minsan Lang Kita Iibigin," "Halik," "Macho Gwapito," "Paano Kaya," at "Kung Liligaya Ka Sa Piling ng Iba."

Pagkatapos nito ay nagkaroon ng kuwelang sexy dance number sina Luis at Vhong sa saliw ng awiting "I’m Sexy And I Know It."

Habang hinihintay na magbihis si Anne sa kanyang susunod na production number, tinawag nina Luis at Vhong ang ilang celebrities na nasa audience para gayahin ang kanilang dance steps.

Ang mga pinaakyat nila ay sina Solenn Heussaff, Isabelle Daza, Georgina Wilson, Karylle, Ryan Bang, at Jhong Hilario.

VICE GANDA. Pagkatapos nito ay bumaba si Anne lulan ng malaking kama mula sa itaas para sa kanyang signature song na "Alone."

Nagpasiruku-sirko si Anne para sa panibagong version na ito ng kanyang pagbirit.

Sumunod nito ay ang paglabas ng isa pang special guest ni Anne na si Vice Ganda, na kasamahan ni Anne sa Showtime.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sumakit ang tiyan at panga ng mga tao sa Big Dome dahil sa mga banat ni Vice bago ang kanyang nakamamanghang rendition ng kantang "Get Here."

Nang bumalik sa stage si Anne ay nag-showdown naman sila ni Vice para sa kantang "Telephone" ni Lady Gaga.

Nagmistulang striptease showdown ang kanilang musical number dahil isa-isa silang nagtanggal ng kanilang mga kasuotan.

Sa huli ay naka-tanga na lang si Anne.

Nang inakala ng lahat na hindi na tatapatan ni Vice ang suot ng aktres, biglang tinanggal ng comedian ang kanyang pang-ibaba at tumambad ang kanyang suot ding tanga.

RICO BLANCO & IRA CRUZ. Sa sumunod na musical number ay ipinakita naman ni Anne ang kanyang pagiging rakista.

Binanatan ni Anne ang "Ironic" ni Alanis Morisette habang naggigitara.

Sinamahan siya ni Rico Blanco sa stage, na kinanta ang "Champagne Supernova" ng Oasis.

Pagkatapos nito ay nakipag-jamming si Anne kina Rico at Ira Cruz sa pagtugtog ng gitara.

Tinapos ni Anne ang rock segment sa pamamagitan ng "Zombie" ng Cranberries.

SAM MILBY. Muling dumagundong ang Araneta nang tawagin ni Anne ang kanyang susunod na special guest—ang kanyang ex-boyfriend na si Sam Milby.

Ayon kay Anne, dumiretso sa concert niya si Sam mula sa airport dahil galing pa ang Acoustic Heartthrob sa Dubai para sa isang show roon.

Kinilig ang marami, lalo na ang kanilang fans, nang mag-duet sina Anne at Sam ng acoustic version ng "Always Be My Baby," na pinasikat ni David Cook.

Pagkatapos nito ay iniwan na ni Anne si Sam sa stage para sa solo number ng actor-singer. Kinanta ni Sam ang kanyang hit single na "Hindi Kita Iiwan."

DEREK RAMSAY & CRISTINE REYES. Nag-init na naman ang stage sa sexy dance number ng co-stars ni Anne sa blockbuster movie na No Other Woman na sina Derek Ramsay at Cristine Reyes.

Lalo pang naging mas mainit sa loob ng Araneta nang bumaba si Anne na naka-swimsuit lamang. Kapareho nito ang swimsuit na ginamit ng aktres sa isang eksena ng No Other Woman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sumunod dito ang neon-inspired solo number ni Anne na "Super Bass" ni Nicki Minaj.

SARAH GERONIMO. Ang huling guest ni Anne noong gabing ’yon ay ang kasamahan niya sa ASAP at sa Viva na si Sarah Geronimo.

Nakipagsabayan si Anne kay Sarah, na kilalang biritera, sa pagbirit ng "I Don’t Wanna Miss A Thing" ng Aerosmith.

Ipinaubaya ng Pop Princess sa aktres ang huli at pinakamataas na nota ng kanta, na talagang pilit na inabot ni Anne.

Sumunod naman dito ang song-and-dance number ni Sarah kunsaan inawit niya ang "Never Let Me Go"-"Let’s Dance" mash-up.

CONCERT SWEETHEART. Hindi talaga nagpaawat si Anne sa kanyang concert dahil ang sumunod naman niyang kinanta ay ang sikat na sikat na "Someone Like You" ni Adele.

At tinapos ni Anne ang kanyang concert sa pamamagitan ng "Born This Way" ni Lady Gaga.

Sa kanyang pasasalamat sa huli, sinabi ni Anne: "Napaka-surreal nito para sa akin. Nandito ako sa Araneta, nag-concert ang isang hindi marunong kumanta."

Noon nga raw ay sinabihan siya ni Boss Vic del Rosario na magiging "star siya."

Pero ngayon daw, ayon kay Anne, "I’m not only an actress, I’m a singer. Not only a singer, I’m a concert sweetheart."

Dagdag pa niya, "Remember to dream big because dreams really do come true."

CELEBRITY GUESTS. Bukod sa mga tinawag nina Luis at Vhong sa stage, ang iba pang celebrities na nanood ng concert ni Anne ay sina KC Concepcion, Jessy Mendiola, Jed Madela, Megan Young, Danica Sotto, at Chesca Garcia.

Namataan din ng PEP sina talent manager Annabelle Rama, dancer Gab Valenciano, hosts Tim Yap, Joanne Quintas, at Divine Lee, actor Victor Basa, directors Mac Alejandre at Ruel Bayani, designer Rajo Laurel, at photographer Raymund Isaac.

Nandoon din ang executives ng ABS-CBN na sina Charo Santos-Concio at Cory Vidanes, ang Viva big boss na si Vic del Rosario, kasama ang mga anak nitong sina Vincent at Veronique del Rosario, na kasama sa pagpapatakbo ng Viva.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinagkaguluhan naman ng mga tao si Kris Aquino at ang kanyang escorts noong gabing iyon na sina Richard at Raymond Gutierrez. Sa harapan ng Lower Box section sila nakaupo. Nagkamabutihan ang tatlo nang magkita sa New York kamakailan.

Siyempre pa, hindi mawawala ang boyfriend ni Anne na si Erwan Heussaff at ang kanyang pamilya.

Nakakatuwa na makita sa iisang lugar ang mga lalaking naugnay kay Anne bago naging sila ni Erwan.

Bukod kina Sam at Luis na nagsilbing special guests ni Anne sa concert, naroon din ang ex-boyfriend niyang si Richard Gutierrez sa audience.

Maging ang kapatid ng isa pa niyang ex-boyfriend na si Oyo Sotto—si Danica Sotto-Pingris—ay nagbigay ng suporta kay Anne.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN