Betong eyes Sole Survivor title and cash prize in Survivor Philippines finals

Betong on the P3-million prize if he emerges as the Celebrity Sole Survivor: "Hindi naman tayo pinanganak na mayaman kaya itong premyo sa Survivor Philippines ay malaking tulong sa aking pamilya. Unang-una, marami tayong binabayaran buwan-buwan."


Hindi inaasahan ng Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown castaway na si Albert "Betong" Sumaya, Jr. na makakasama siya bilang isa sa Top 3 finalists ng reality competition show ng GMA-7.

Sa huling Tribal Council nga ay inaasahan na ni Betong na siya ang iboboto na paalisin at handa na siyang makasama sa Tribal Jury.

Pero sa isang upset result, si KC Montero ang napaalis. Naiwan si Betong kasama sina Stef Prescott at Mara Lopez Yokohama sa Top 3 ng Survivor Philippines.

Ayon kay Betong, "Biggest upset nga iyon sa buong season ng show.

"Alam ko na sobrang masama ang loob ni KC dahil alam niya ay kakampi niya sina Stef at Mara.

"At alam niya na ako ang maaalis. Hindi niya in-expect na siya pala ang matatanggal.

"Hindi ko alam na may plano na pala ang dalawa na si KC ang ibo-vote out nila.

"Natuwa naman ako na mas pinili nila ako over KC. Parang ang laking desisyon ’yon para sa kanila na mas piliin nila ako.

"Deserving si KC to be in the Top 3.

"Simula pa lang ng competition na ito, isa siya sa mga nasabi ko na tatagal at baka siya pa ang manalo, e.

"Pero dahil sa pagkakataong ito, feeling ko na baka nga mas deserving ako sa kinalalagyan ko ngayon.

"Thank you Lord sa chance na ito."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Betong noong Lunes, February 6, sa 17th floor ng GMA Network Center.

P3 MILLION RICHER? Kung sakaling matanghal na Celebrity Sole Survivor si Betong, malaking tulong daw ang premyong P3 million sa kanya at sa kanyang mga mahal sa buhay.

Mababayaran na raw niya ang lahat ng utang nila at giginhawa na ng kahit konti ang buhay ng kanyang pamilya.

Saad niya, "Hindi naman tayo ipinanganak na mayaman kaya itong premyo sa Survivor Philippines ay malaking tulong sa aking pamilya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Unang-una, marami tayong binabayaran buwan-buwan.

"Nandiyan ang bahay namin, yung kotse na hinuhulugan ko, at mga monthly na babayaran sa credit card.

"Kasama na rin yung araw-araw na panggastos mo at ng mga kasama mo sa bahay.

"Para sa iba, hindi kalakihan ang tatlong milyong piso. Pero para sa tulad ko, it’s a big blessing.

"Hindi pa ako nakakahawak ng ganyang kalaking pera sa buong buhay ko.

"At ang manalo niyan, isang malaking biyaya mula sa Panginoon.

"Lagi ko ngang sinasabi, amazing ang makasali sa Survivor Philippines.

"Ngayon, amazing ang makasama sa Top 3 at mas amazing ang manalo ka bilang Celebrity Sole Survivor!"

BREADWINNER. Laki sa simpleng buhay si Albert Sumaya, Jr.

Simula noong sumakabilang-buhay na ang kanyang ama, siya na ang tumayong padre de pamilya sa kanilang tahanan.

"Naging breadwinner na ako para sa family ko. Kaya lahat ng mga kinikita ko, diretso ’yan sa pamilya ko.

"May dalawa pa akong mga kapatid at tulung-tulong kami para mairaos namin ang araw-araw na pamumuhay namin.

"Nagpapasalamat ako kay Lord kasi hindi niya kami pinababayaan.

"Lalo sa akin, hindi ako nawawalan ng trabaho. Patuloy ang pagdating ng blessing sa amin kaya kahit papa’no, okay ang buhay namin.

"Kaya kahit anong trabaho ay pinapasok ko. Kahit na magmukha akong katatawanan, okey lang.


"Pinagkakakitaan ko naman iyon, e!" sabay tawa niya.

Dagdag pa niya, "Kapag natatawa na sila sa mga ginagawa ko o sa mukha ko, ibig sabihin ay successful ako sa raket na iyon.

"Kaya tanggap lang ako nang tanggap habang kinatutuwaan pa ako."

THE GRADUATE. Nagtapos si Betong ng kursong AB Filipino at minor in Mass Communication sa Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa, Manila noong 1996.

Sa telebisyon kaagad nagtrabaho si Betong at kung anu-ano ngang production work ang kanyang naranasang gawin.

Pero dahil sa kanyang natural comedic personality, nabigyan siya ng tsansa na maging isang on-cam talent sa GMA-7, QTV 11, at GMA News TV.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kabilang sa shows na naging segment host si Betong ay Lakas Magsasaka, Sapulso, Lovely Day, Sunnyville, Happyland, Kay Susan Tayo, Eateria, Full Time Moms, Day-Off, Ang Pinaka..., May Tamang Balita, at Unang Hirit.

MAEY BAUTISTA. Paminsan-minsan naman daw ay may hosting jobs siya sa mga corporate events, mall shows, at Christmas parties.

Kadalasan raw ay lagi niyang kasama ang kanyang partner na si Maey Bautista.

Maganda raw kasi ang chemistry nila at kahit na maglaitan daw sila ay walang napipikon sa kanilang dalawa.

Marami tuloy ang nagtatanong kung may mas malalim ba silang relasyon ni Maey bukod sa pagiging magkaibigan at kasama sa trabaho?

"Naku, kami ni Maey, best friend forever kami niyan," mabilis na sagot ni Betong.

"Kahit na ano ang mangyari sa akin, maaasahan ko na parating nandiyan si Maey sa tabi ko. Ako rin naman ay gano’n sa kanya.

"Kaya nga sobrang lungkot ako noong ma-vote out siya. Kasi iyon ang first time na magkakahiwalay kami sa isla.

"Parang tunay na kapatid ko na kasi ’yang si Maey. Hingahan ko siya ng sama ng loob ko parati.

"Kaya nga gustung-gusto siya ng pamilya ko. Part na siya ng pamilya namin.

"Kung magkatuluyan kami? Bahala na si Lord.

"Kung si Maey ang nakatakda na maging babae sa buhay ko, okey lang kasi nga kilalang-kilala na namin ang isa’t isa."

PATRICIA JAVIER. Naitanong namin kay Betong ang tungkol sa naikuwento niya sa isang episode ng Survivor Philippines na naging girlfriend niya noong high school ang dating sexy star na si Patricia Javier.

"Kaka-break lang kasi ni Genesis [Canlapan, real name of Patricia Javier] sa boyfriend niya.

"Kaya sinamantala kong ligawan siya kasi nga medyo malungkot siya.

"Marami nga ang nagulat kasi marami ang nanliligaw sa kanya noon.

"’Tapos ako ang sinagot niya. Ewan ko rin kung bakit?" sabay tawa ni Betong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagbiro nga si Betong na baka raw lasing si Patricia noong ligawan niya kaya guwapo ang tingin niya rito.

"Matindi siguro ang ininom niyang alak kaya nag-iba ang pagmumukha ko!" malakas na tawa niya.

"Kaya pagkatapos ng one week, bumaba na ang lasing niya, nakita na ang tunay kong hitsura, nag-break na kami!

"Uy, joke lang ’yon, ha! Nasa katinuan si Genesis noong ligawan ko.

"Siguro naawa lang siya sa akin. Gusto niyang ma-challenge na makipagrelasyon sa akin kahit one week!" patuloy na pagtawa niya.

Bukas, February 10, magaganap ang Grand Finale ng Survivor Philippines.

Magkakaroon ng live voting ang Tribal Jury para malaman kung sino kina Betong, Stef, at Mara ang tatanghaling Celebrity Sole Survivor.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN