Final 3 castaways castigated by jury members in last Tribal Council of Survivor Philippines

The three remaining castaways of Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown: (from left) Mara Lopez Yokohama, Betong Sumaya, and Stef Prescott. One of them will be named the Sole Survivor and will win P3 million.


Kagabi, February 8, ay ipinalabas ang Part 1 ng huling Tribal Council sa reality-competition show ng GMA-7 na Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown.

Ang final Tribal Council ay ang parte ng Survivor Philippines kung saan kinukumpronta ng jury, o mga natanggal na contestants, ang mga natirang players para malaman kung sino sa kanila ang nararapat na manalo ng top prize.

Pang-apat na season na ito ng Survivor sa GMA-7.

Ang Survivor Philippines ay franchise ng popular na reality show sa Amerika na Survivor.

Ito ay laro kung saan ang mga contestants ay kailangan manirahan sa isang secluded na lugar ng 36 days. Isa-isang nabu-vote out ang mga contestants hanggang sa final tribal council, kung saan Jury ang boboto kung sino ang makakakuha ng top prize.

Sa Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown ay tumataginting na P3 million ang top prize, kaya naman talagang nagpagalingan ang mga contestants sa bawat challenge na ipinagawa sa kanila.

Sa huli ay tatlo na lang nga ang natira:

Si Mara Yokohama, na naging close alliance ng Volcanoes player na si Arnold Aninion.

Si Betong Sumaya, na tumagal sa laro dahil sa close alliance niya kay Maey Bautista. Wala man siyang napanalunan kahit isang challenge ay siya ang pinaka-likable sa tatlo.

At si Stef Prescott, na naging outcast ng buong tribo at ginawa ang lahat para tumagal hanggang sa huli.

Pito naman ang mga tao sa Jury: sina Chuckie Dreyfus, Arthur Solinap, John Odulio, Gino dela Peña, Arnold Aninion, Maey Bautista, at ang huling na-vote off na si KC Montero.

MARA SPEAKS. Sa final Tribal Council, bago kinausap ng jury ang top three ay isa-isa munang nagbigay ng speech ang Top 3.

Nauna si Mara na magsalita, at agad niyang ipinaalala ang una niyang alliance sa simula pa lamang ng laro.

"Unang-una, nandito ako sa top three dahil sa aking orihinal na alyansa. Ang power five na nabuo noong nasa Bulan pa ako. Kasama dun si Arnie, si Gino, si Johnny, at si KC.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaming lima ang naging power five. Naging loyal ako dun hanggang sa nagpapatunay na maging Survivor," sabi niya.

Isa-isang kinausap ni Mara ng kanyang mga dating ka-alliance para hingin ang mga boto nila.

Ayon sa kanya, si Gino ang una niyang pinagkatiwalaan sa apat.

Pinasalamatan niya si John dahil itinuring siyang "little sister" nito.

Nagpasalamat naman siya kay Arnold, na nakapalagayan niya na ng loob.

"Nalaman ko na puwede ka palang maghanap ng something real sa loob ng larong Survivor," dagdag pa ni Mara tungkol kay Arnold.

Maingat namang kinausap ni Mara si KC, dahil alam nitong galit pa rin ito sa kanila.

Parte kasi si KC ng top four, at hindi nito inasahang ibu-vote out siya nina Mara, Stef, at Betong.

Pahayag ni Mara, siya lang daw ang "hindi sumira ng promise" kay KC. Hinahangaan niya rin daw ang radio at TV host.

"I am your female version, nakikita ko sa challenges sa pagka-competitive mo, nakikita ko sarili ko," saad ng anak ni Maria Isabel Lopez tungkol kay KC.

BETONG PLEADS. Iba naman ang taktikang ginamit ni Betong sa kanyang speech.

Dahil si Betong ang itinuturing na pinakamahinang lalaki sa castaways, agad niyang sinabing ang puwesto niya sa top three ay pruweba na deserving din siyang castaway.

"Sa pagdaan ng panahon, napatunayan ko na deserving ako sapagkat nandito ako sa top three," sabi niya.

Isa rin sa mga ginamit ni Betong ang pagsasabi ng kanyang katayuan sa buhay, habang lumuluha.

"Kaya gusto kong manalo dahil mahal ko ang pamilya ko. Alam kong lahat tayo, mahal natin ang pamilya [natin], pero gusto kong mabigyan sila ng magandang buhay.

"Sana nabigyan ko ng magandang libing ang tatay ko. Kung may pera lang kami di kami mamomroblema kung pano siya ililibing."

Unang pinasalamatan ni Betong ang mga dating ka-alyansa na sina Chuckie at Arthur.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinasalamatan din niya sina John, Gino, at Arnold dahil sa "kinilala" siya nang mabuti.

Guilty naman daw si Betong dahil sa pag-vote out kay KC.

Sabi ni Betong kay KC, "Handa na akong maging jury, e, alam mo yun? Kung naging jury ako, ang boto ko sa ’yo. Hayaan mong matulungan sila [pamilya niya] sa pamamagitan ng boto mo."

Sa huli, pinasalamatan niya ang pinaka-close niyang si Maey.

"Hindi ko magagawa ito nang wala ka," sabi ni Betong.

STEF ADMITS. Huling nagbigay ng speech si Stef. Dito ay inamin niya ang kanyang mga pagkukulang.

Saad niya, "Pumasok ako dito sa Survivor na gusto kong mag-isa. Sinabi ko sa partner ko [Gino], hindi siya puwedeng magtiwala sa akin.

"Alam ko, sa Bulan, ako ang ayaw ng lahat.

"Everyone knows na naging outcast ako, hindi ko na kailangang sabihin yun.

"Ang sa akin, alam ko lahat tayo may pinagdaanan dito sa Survivor.

"Sa akin, start pa lang ng laro, ako yung pinaka-plastic, pinaka-hindi deserving, pinaka-hindi naging castaway, pinaka-nakakairita.

"Tinanggap ko yun."

Pinasalamatan naman niya si Arnold dahil sa mga payo nito, kahit na lagi silang nag-aaway.

"Lahat ng payo mo sa akin, totoo. I’m stubborn. Matigas ang ulo ko. Hanggang sa dulo I was selfish.

"That’s what Survivor is."

Nag-sorry naman si Stef kay KC.

Aniya, "Wala sa pagkatao ko yung ginawa ko kay KC. Kinakahiya ko man, I had to play the game."

Na-inspire naman daw siya kay Chuckie dahil naglalaro ito para sa kanyang pamilya.

Samantala, ipinaalala ni Stef kay Arthur ang matagal na nilang pagkakaibigan.

"Fifteen pa lang ako, Kuya Art ko ’yan. Kasama siya sa 18 roses ko, at kahit dito sa Survivor, ang dami kong natutunan sa kanya."

Inamin ni Stef na naging "selfish" siya sa pag-vote out niya kay Maey.

"Nung gabing binoto kita, ginawa ko yun dahil selfish ulit ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I did it for the game, at alam kong maiintindihan mo yun."

At kahit hindi siya close kay John, hinangaan niya naman daw ito dahil ibinibigay nito ang 100 percent sa bawat laban.

Malaki naman ang pasalamat ni Stef kay Gino dahil sa suporta nito.

JOHN ACCUSES. Kagabi ay dalawa pa lamang sa pitong jury members ang kumausap sa Top 3—sina John at KC.

Si John ang unang nagsalita.

Agad niyang sinabing hindi deserving sa top three sina Mara, Stef, at Betong.

"Lahat ng deserving, nandun nakaupo, at alam n’yo yun lahat. Alam n’yo sa sarili niyo yan," sabi ni John.

Sentro ng mga tanong ni John sina Stef, na tinawag niyang "ahas," at si Betong, na inakusahan niyang nagpapaawa lamang.

Sabi niya kay Stef: "Alam mo kung bakit ka natuklaw ng ahas? Kasi ahas ka rin. Ang bilis mo magpalit ng balat. Alam mo yun?"

Mabigat naman ang paratang niya kay Betong. Ang kanyang mga tanong pa nga ay may halong pagmumura.

Sabi ni John kay Betong: "Paano mo binebenta yung sarili mo sa kanila? Awa?

"Lahat tayo nangangailangan ng pera. Kung kailangan mo ng pera, tumaya ka ng lotto!

"’Wag mong sayanging yung slot mo sa Survivor.

"Sige sabihin natin, sige, manalo ka ng Celebrity Sole Survivor? Kaya mong pangatawanan na ikaw ang Sole Survivor?

"E, pagkakalaki mo pa nga lang hindi mo kayang pangtawanan, e.

"Hindi lang ikaw ang nangangailangan ng pera, Betong.

"’Wag mong daanin dahil sa awa! Survivor ito! Magpakalalaki ka."

Sa huli ay ipinahiwatig naman ni John na itinuturing pa rin niyang kapatid si Mara.

KC BLOWS UP. Samantala, halata namang galit na galit pa rin si KC nang siya na ang nagtatanong.

Hindi kasi makapaniwala si KC na siya ang ibinoto nina Mara, Stef, at Betong para matanggal.

Pag-aakusa niya, ang jury ang sumenyas sa tatlo para siya ang iboto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Did you change your vote here in the Tribal Council? When did you plan all of this? With some genius mental telepathy you voted for me!" mariing sabi ni KC sa natitirang castaways.

Ipinahayag din ni KC ang kanyang frustration na kahit sa Jury house ay tila naglalaro pa rin ang mga natanggal na players.

"I can’t believe that there’s so much politicking still at the Jury house. I wanna commit suicide, if there’s a knife or gun there," sabi niya.

Sa huli ay hindi napigilan ni KC ang sarili at ibinulalas ang hindi magandang balita kay Stef: "Stef, condolences, yung aso mong si Taco boy, namatay na siya three weeks ago."

Agad napaiyak si Stef sa balitang ito.

Sa pahayag ni Stef kagabi sa Twitter, kinumpirma niyang namatay nga ang aso niya habang naglalaro siya ng Survivor.

"Separation anxiety" raw ang ikinamatay ng kanyang alagang aso.

Bukas, February 10, magaganap ang live finale ng Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown.

Dito malalaman kung sino kina Mara, Betong, at Stef ang tatanghaling Celebrity Sole Survivor at kung sino ang mananalo ng P3 million.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN