Former child actress Miles Ocampo finally introduced as teen star

Young Miles Ocampo, one of the lead stars of ABS-CBN newest show LUV U, is determined to stay humble: "Tinatanggap ko pero hindi ko po nilalagay dito [sa utak], sa puso lang talaga siya dapat. Kapag may narating ka, hindi dapat sa utak dumidiretso, dapat sa puso. Dapat mahalin mo pa rin ’yong ikaw pa rin po, kung sino ka," she says.


Sa kanyang bagong show na LUV U, ikinatuwa ni Miles Ocampo na ipinakikilala na siya bilang isang teen star.

Matatandaan na sa loob ng halos limang taon, nakilala si Miles bilang isa sa mga makukulit at cute na bata sa children’s gag show na Goin’ Bulilit.

Para kay Miles, timing din ang pagiging parte niya sa bagong youth-oriented show ng ABS-CBN dahil ngayon ang ika-10 anibersaryo niya sa show business.

"Noong una, siyempre, hindi pa rin po ako makapaniwala.

"Hindi ako makapaniwala na may ganito na akong presscon.

"Parang, ’Hay, nagka-presscon na kami.’

"Siyempre po, masaya na nakaka-pressure.

"Masaya po ako na nabigyan na po ako na maipakita kung ano’ng meron sa amin," sabi ni Miles sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media matapos ang press conference ng LUV U kahapon, Pebrero 10, sa loob ng ABS-CBN compound sa Quezon City.

Wala naman daw kay Miles kung bahagyang natagalan bago siya mabigyan ng pagkakataong maging isa sa mga lead star ng isang show. Sa halip, pinagpapasalamat pa niya ito.

Sabi niya, "Siyempre, hindi naman po natin kailangang madaliin lahat. May time po ’yan para sa ating lahat.

"Masaya po ako dahil ’yong time na po ito, naibigay na po sa akin ’yong opportunity."

Bagamat isa siya sa itinuturing na lead star ng programa, hindi naman daw ito masyadong naiisip ni Miles.

Bagkus, sabi niya, "Nahihiya nga po ako kapag sinasabi nila na sa LUV U, ako ang bida."

Lagi rin daw niyang pinaalalahanan ang sarili na huwag pumasok sa utak niya ang nararating niya ngayon.

Ani Miles, "Tinatanggap ko pero hindi ko po nilalagay dito [sa utak], sa puso lang talaga siya dapat.

"Kapag may narating ka, hindi dapat sa utak dumidiretso, dapat sa puso.

"Dapat mahalin mo pa rin ’yong ikaw pa rin po, kung sino ka."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Makakasama rin ni Miles sa LUV U ang mga kapwa Goin’ Bulilit alumni na sina Kiray Celis, CJ Navato, at Igi Boy Flores.

Ito ay magsisimula sa susunod na Linggo, Pebrero 19, pagkatapos ng ASAP 2012.

ADMIRING ATE BEA’S TALENT. Sa kanyang mga nakasama sa industriya, lubos ang paghanga ni Miles sa kapwa Star Magic talent at aktres na si Bea Alonzo. Nagsama sina Miles at Bea sa heavy drama movie Sa’Yo Lamang noong 2010.

Ayon kay Miles, nagustuhan niya ang pagiging seryoso ni Bea sa kanyang trabaho bilang aktres.

"Makikita n’yo po talaga ang passion niya sa pag-arte dito, ’yong parang bigla na lang siyang nagsu-switch in character kapag umarte na siya."

Bukod dito, sabi ng 14-year-old actress, "Alam niyo po na napaka-down-to-earth pa rin niya kahit Ms. Bea Alonzo na siya."

Nang ginagawa nila ang pelikula, minsan na rin daw nahingan ni Miles ang Ate Bea niya ng payo tungkol sa pag-arte.

Naalala pa niya, "May time po kasi na parang hindi ko alam kung paano ako aarte.

"Parang kasi, lahat po sila doon, sila Ms. Lorna Tolentino, Ms. Laurice Guillen...magagaling po sila.’

"Ayun po, humihingi po ako sa kanya ng advice.

"Parang, ’Ate, paano po ba yung ganyan?’

"Sabi niya sa akin, ’Basta ilalagay mo lang ’yong sarili mo sa ginagawa mo. ’Yong puso mo at ’yong passion mo, nandoon talaga. ’"

Sa ngayon, hindi pa naiisip ni Miles ang tiyak na uri ng pag-arte na gusto niyang pagtuunan ng pansin.

Pero sabi niya, kumportable siyang gawin pareho ang comedy at drama.

CRUSHING ON ZANJOE MARUDO. Bilang teen star na ang pagpapakilala kay Miles, hindi naiwasan ng press na tanungin siya kung sino ang kanyang celebrity crush.

Nakangiting isinagot ni Miles ang hunk actor na si Zanjoe Marudo.

Nang tanungin namin kung bakit si Zanjoe, dumepensa naman siya na bagamat nagugwapuhan siya sa kanya, hindi lang siya ang maaaring hangaan sa ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi niya, "Marami po talagang gwapo dito na kuya-kuya ko—si Kuya Zanjoe, si Kuya Llodie, si Kuya Coco.

"Ang dami talagang gwapo dito kaya ang hirap maging statement na crush ko si ganyan, di ba po?"

Sa ngayon, hindi pa raw handa si Miles sa mga seryosong manliligaw. Gusto raw muna unahin ng third-year-high-school student ang pag-aaral.

"May nanliligaw na sa akin pero hindi po kasi ako ganun ka-ready pa.

"Parang ine-enjoy ko muna ang pagiging ganito ko. Masaya pa naman po.

"May mga nagbibigay ng chocolates, ganyan. Pero wala po, hanggang dun lang talaga sila," natatawang sabi ni Miles.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN