Pormal nang inendorso ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang tambalan nina Grace Poe at Chiz Escudero sa 2016 elections.
Si Poe ay kumakandito bilang presidente, habang si Chiz ay para sa pagka-bise presidente.
Pahayag ni NPC president at deputy speaker Giorgidi Aggabao hinggil dito, “The tandem of Senators Poe and Escudero are the best candidates.
"They embody the principles we want to see in our president and vice president such as malinis, matapang masipag at matulungin."
Base ito sa ulat ng GMA News Online ngayong Lunes, February 29.
Kumpiyansa rin umano ang bumubuo ng NPC na malalampasan ni Grace ang kasong diskwalipikasyon na hanggang ngayon ay pinagdedebatehan pa sa Korte Suprema.
Ang NPC, na itinatag ng negosyanteng si Danding Cojuangco, ang pangalawa sa pinakamalaking partido sa bansa.
Sa kabilang banda, nilinaw nina Grace at Chiz na mananatili silang independent candidates.
Gayunman, malaki ang pasasalamat ng dalawa dahil malaking tulong ang makinarya ng NPC upang mas lumaki ang presensiya nila sa mga botante para sa nalalapit na May 9 election.
Sabi ni Senator Grace, "Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa tiwala at suportang ibinigay ng NPC.
"Bilang tumatakbong independent, naniniwala akong malaki ang maitutulong ng NPC hindi lamang sa pagsulong sa aking kandidatura, kundi higit sa lahat, sa pagtataguyod ng Gobyernong may Pusong minimithi ng bawat Pilipinong napag-iwanan."