Cherie Mercado on working relationship with TV5: "Kapatid talaga ang turingan sa isa’t isa, kasi dito yung friendship naho-hold, mas masarap magtrabaho. Hindi nagsisiraan ang mga tao."

Cherie Mercado on being a TV5 news correspondent: "Nasa TV5 na ako bago lumaki... parang tumaya na ako dito dati pa. Naniniwala naman ako na hindi ako mawawalan ng trabaho as reporter at forever na yun! Kung sa shows, come and go, ganun naman talaga. Pero naniniwala naman akong hindi naman kami pababayaan."


Makikita kay Cherie Mercado ang simple at maaliwalas na mukha nang siya ay humarap sa press launch ng mga bagong shows ng TV5 noong February 15, Miyerkules, sa NBC Tent ng The Fort.

Masayang isiniwalat ng dating reporter ng ABS-CBN sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang mga bago niyang programa buhat nang lumipat siya sa Kapatid network.

Isa si Cherie sa mga host ng Insider, isang documentary program na pangungunahan ng batikang mamamahayag na si Luchi Cruz-Valdez.

Makakasama rin ni Cherie sa Insider sina Mike Templo at Martin Andanar.

NEW CHALLENGE. Para kay Cherie, isa itong malaking hamon sa kanyang kakayahan at abilidad bilang isang newscaster.

Bukod sa magagaling ang mga makakasama niya sa programa, pinaghandaan din daw niya nang mabuti ang kanyang gagampanan bilang isang host.

Sa kuwento ng lady broadcaster, hindi lang daw ibabahagi ng programang Insider ang mga kuwento sa likod ng mga tao at pangyayari. Papasukin din nila ang "bawat anggulo, pulso, puso, at kabuuan" ng mga istoryang ihahatid ng kanilang programa.

"Maganda yung ano niya e, yung expectation sa kanya dahil iikot siya sa iba’t ibang anchor ng TV5, at susubukan namin yung mga buhay ng tao—hindi lamang trabaho pati mga institusyon.

"Gusto nga nila mag-GRO kami para malaman daw ang buhay ng mga GRO.

"Kaya lang sa ngayon, nahihirapan pa kaming humanap ng club na papayag.

"Yung mga ganun ay talagang susuyurin namin...

"Kahit mag-macho dancer si Martin Andanar ay okey lang, o kaya mag-training bilang pulis, guwardiya, at kung anu-ano pa yung mga iba pang anchor.

"Pinasok na nga ni Mike Templo ang kulungan ng dalawang araw at naranasan niya kung gaano ang hirap ng isang preso.

"Basta, marami kaming nakahandang mga kuwento na siguradong tatama sa panlasa sa manonood sa amin," saad ni Cherie.

DOCUMENTARY WARS. Ang GMA-7 ay kilala sa bagsik sa paggawa ng documentary programs, at maging ang ABS-CBN ay hindi rin naman nagpapahuli.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa tingin ba ni Cherie ay may laban ang kanilang programa sa mga dekalidad at award-winning docu shows ng dalawang higanteng network?

Aniya, "Hindi maikakaila na magaling talaga ang mga documentary programs ng ABS at GMA.

"Pero gusto rin naming ipakita sa Channel 5 na kaya rin namin yung ganung level or more pa, kasi kami rin naman ay galing sa kanila.

"Nasa ABS ako ng ten years at sa GMA ng one year. Iba yung training sa amin ng dalawang network kaya na-apply namin ito ngayon sa TV5."

LAST STOP? Matagal na ring reporter si Cherie, pero marami ang nakakapansin na tanging ang Kapatid Network lang ang nakapagbigay sa kanya ng magandang break.

Sabi naman niya tungkol dito, "Eighteen years na rin ako as reporter, pero dati kasi hindi ako sanay.

"Kasi yung training sa amin dati, iba, yung istorya ang bida, kaya nag-a-adjust din ako. Pero kaya naman.

"Actually, talagang hindi ako sanay lumalabas sa harap ng kamera, lalo na yung mag-host o anchor; feeling ko, pang-reporter lang talaga ako.

"Kaya nagpapasalamat ako at binigyan kami ng importansiya at pinagkatiwalaan ang aming kakayahan na kahit nung simula ay nangangapa pa kami."

Walang kontratang pinirmahan si Cherie sa TV5. Regular employee siya as senior correspondent sa News5 na naging bahagi sa pagsisimula ng istasyon at bago ito lumaki.

"Nasa TV5 na ako bago lumaki... parang tumaya na ako dito dati pa.

"Naniniwala naman ako na hindi ako mawawalan ng trabaho as reporter at forever na yun!" tawa niya.

Dagdag pa ni Cherie, "Kung sa shows, come and go, ganun naman talaga. Pero naniniwala naman akong hindi naman kami pababayaan."

Tumaas ba ang talent fee niya nang lumipat siya sa Kapatid Network?

"Sa talent fee naman, very competitive naman.

"Happy naman ako, pero okey din naman yung talent fee ko dati sa Channel 2.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kumbaga, naging fair naman sila sa mga trabahong ginagawa namin," sagot niya.

WORKING RELATIONSHIPS. Kumusta ang working relationship niya ngayon sa kanyang bagong tahanan, at ano ang pagkakaiba nung nasa Kapamilya Network pa siya?

"Sa ABS kasi, tumagal ako dun ng ten years at ang galing ng training.

"Yung lahat ng pahirapan ay para talagang pagdadaanan mo yung butas ng karayom.

"Hindi ka basta-basta pangangalanang reporter kung hindi ka dumaan at hindi mo mararanasan ang sobrang hirap ng training.

"Grabe talaga at ang tagal. Ang galing nila.

"Pero when it comes to people relationship, mas maganda sa Channel 5.

"Kapatid talaga ang turingan sa isat isa, kasi dito yung friendship, naho-hold, mas masarap magtrabaho.

"Hindi nagsisiraan ang mga tao...

"Hindi ko naman sinasabing ganun ang mga tao sa ABS, mababait din naman ang mga tao dun outside of the work.

"Pero ’pag nilagay mo na dun, sobrang competetive, masyadong naghihilaan...

"Dito sa TV5 , I like the friendship... iba."

Magiging bahagi rin si Cherie ng late-night news program ng Kapatid Network na Pilipinas News, kung saan ang co-anchors niya ay sina Paolo Bediones at Jove Francisco.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN