Erich Gonzales thanks fans for supporting Maria la del Barrio; excited about movie with Thai heartthrob Mario Maurer

"This is very challenging. I make it a point naman po na sa bawat proyekto na gagawin ko, ibang Erich naman ang makikitang atake," says Erich Gonzales about her role in the TV series Maria la del Barrio, which is set to end this Friday.


Personal na binisita ng young actress na si Erich Gonzales ang mga matatandang naninirahan sa Kanlungan ni Maria sa Nayong Silangan, Antipolo City, kagabi, Pebrero 21.

Walang anumang espesyal na okasyon ang dahilan ng pagbisita ni Erich sa nasabing home for the aged. Naisipan lang daw niyang dumalaw dito bilang pasasalamat na rin sa mga biyayang natatanggap niya ngayon.

"Pasasalamat lang din sa mga blessings na dumating na gusto ko lang i-share.

"Kumbaga, I’m paying it forward po para sa lahat ng mga magagandang bagay," sabi ni Erich sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Ayon sa isang tauhan ng Kanlungan ni Maria, masugid na inaabangan ng ilan sa kanilang mga inaalagaan ang teleserye ngayon ni Erich—ang Maria la del Barrio.

Kaya naman lubos ang pasasalamat ng 21-year-old actres at ipinadama niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng salu-salo at ilan pang mga pangunahing pangangailangan ng 21 elderlies na kasalukuyang naninirahan dito.

MARIA LA DEL BARRIO FINALE. Umaasa naman si Erich na mananatiling nakatutok ang mga manonood sa nalalapit na pagtatapos ng soap opera nila ni Enchong Dee.

Aniya, "Sana huwag silang bumitiw at abangan nila ’yong mangyayari.

"Abangan nila ang magiging ending ng lahat ng mga kaganapan sa Maria la del Barrio."

Para sa Star Magic talent, maituturing niyang isa sa mga hindi malilimutang pagganap ang naging karakter niya sa naturang teleserye.

Sabi pa ni Erich, "This is very challenging. I make it a point naman po na sa bawat proyekto na gagawin ko, ibang Erich naman ang makikitang atake.

"Masaya naman po ako na sinuportahan nila, pinanood po nila simula sa umpisa.

"Sana hanggang sa huli samahan po nila kami."

Muli rin siyang nagpasalamat sa mga sumuporta sa programa, na magtatapos ngayong linggo.

"Maraming-maraming salamat po sa mga viewers na talagang nanonood every day, dahil po sa kanila, tumagal kami ng ganito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Walang ending ang pasasalamat namin."

MOVIE PROJECT WITH MARIO MAURER. Pagkatapos ng teleserye, magiging abala naman si Erich sa gagawin niyang pelikula kasama ang Thai heartthrob na si Mario Maurer.

Pagbibidahan nilang dalawa ang Star Cinema project na Suddenly It’s Magic, na magsisimulang gawin sa Abril.

Matatandaan na noong nakaraang taon, pinag-usapan sa Internet kung sino ang dapat makapareha ni Mario sa gagawin niyang pelikula sa Pilipinas.

Isa nga sa mga pangalang lumabas para maging leading lady niya ay si Erich.

Ani Erich, "I’m just very thankful and blessed dahil alam ko na napakalaking project nito.

"I’ll just do my best, ’yon naman po parati."

Nagkita na raw sila ng Thai actor nang minsang bumisita ito sa bansa noong nakaraang taon. At ’tulad ni Erich, sabik na rin daw si Mario na makatrabaho ang Kapamilya actress sa pelikula.

Sabi pa ni Erich, "We’re very excited na gawin ’yong pelikula and sana suportahan ng mga manonood."

Simpleng love story daw ang magiging tema ng Suddenly It’s Magic.

Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang dalagang aktres. Pero inilarawan niya ang magiging buod ng kuwento nito: "Kumbaga, papipiliin ka kung ano ba ang mas mahalaga sa ’yo, ’yong love ba o ’yong career. Basically ’yon, it’s a very nice story."

Ang pelikula ay kukunan daw sa Thailand at dito sa Pilipinas.

Pero bago ang Suddenly It’s Magic, mapapanood muna si Erich na kasama ang kapwa Kapamilya actor na si Derek Ramsay sa pelikulang Corazon: Ang Unang Aswang, na ipapalabas ngayong Marso.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN