Danita Paner on being torn between mom Daisy Romualdez and manager Annabelle Rama: "Mahirap lang maisip."

Danita Paner on an instance where her mom Daisy Romualdez and manager Annabelle Rama were in one place together: "Nate-tense ako, like no’ng storycon. Sabi ko, baka mamaya may nagre-wrestling na sa labas."


Hindi pa rin maiwasang tanungin si Danita Paner tungkol sa kanyang ex-boyfriend na si JC de Vera kahit ilang buwan na rin silang hiwalay.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Danita recently sa mezzanine ng Imperial Palace Suites para sa isang mini-presscon para sa dalaga kaugnay ng kanyang bagong afternoon soap sa TV5 na Isang Dakot Na Luha.

Si Edgar Allan Guzman ang kanyang katambal sa nabanggit na soap, pero nasentro ang pangungumusta sa kanila ni JC.

"Maraming panghuhugutan na. Tumayming," umpisa ni Danita patungkol sa kanyang drama series at nararamdaman pa ring lungkot sa paghihiwalay nila ni JC.

May panghuhugutan siya kumbaga ng malalim na emosyon dala ng hiwalayan nina ni JC.

"Siyempre ilalagay natin yung sarili natin sa character.

"Kasi minsan, ’pag may taping, ’di rin naman enough yung memories, e.

"Kailangan talaga sakto yung emotions mo do’n sa scene," medyo malungkot niyang pahayag.

Kabado ba siya kapag natatanong tungkol sa kanila ni JC?

"Hindi naman. Nag-iingat lang ako.

"Dahil siyempre ayokong maka-offend ng... Hindi naman ako kinakabahan."

Iniiwasan daw niyang makapagsabi ng bagay na baka pagmulan uli ng hindi nila pagkakaunawaan ni JC.

Kumusta na ba sila ngayon?

"Okay kami ngayon. Actually, nag-uusap naman kami kaya okay naman.

"Tsaka ayaw din talaga niya na pinag-uusapan."

May usapan sila na hindi nila sasagutin ang mga tanong tungkol sa kanilang dalawa?

"Hindi naman, pero automatic na lang din siguro.

"Nasa personality ni JC na ayaw niyang sine-share yung privacy..."

I WILL UNFRIEND YOU. Aminado si Danita na siya ang naunang nag-unfriend kay JC sa Twitter.

Ayon sa dalaga, paraan daw niya yun para mabawasan ang sakit dahil hindi niya mababasa ang updates mula kay JC.

Tumatawag na lang ba siya sa mga kaibigan ni JC para kumustahin kung ano na ang nagyayari sa dating boyfriend?

"Actually, marami kaming mutual friends.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"’Tsaka ano naman, e... nagte-text naman kami sa isa’t isa ’pag may mga itatanong..."

Gaano kadalas?

"Hindi naman gano’n kadalas."

Nasa punto pa ba siya na sa sobrang lungkot ay naiiyak pa siya?

"’Wag na nating pag-usapan yun, kundi magagalit yun.

"’Wag na, wala nang drama," nangingiti niyang pakiusap.

Pero dagdag niya, "’Pag nagkikita naman kami, nag-uusap naman kami."

Pero wala nang beso-beso?

"Mero’n," maagap niyang sagot.

LESSONS OF LOVE? Anu-ano ang natutunan niya sa pakikipagrelasyon kay JC?

"Natutunan kong maging strong and pahalagahan yung trabaho ko.

"Dahil si JC sobrang ano... disiplinado pagdating sa work. So, nahawa rin ako do’n."

Kaugnay pa rin ng kanilang seryeng Isang Dakot Na Luha, sa kanilang nakaraang workshop daw ay lubhang nadala si Danita at umabot sa sukdulang pagbi-breakdown.

"Actually yung nervous breakdown, wala sila Ms. Alice [Dixson na gumaganap niyang ina sa serye].

"Si Edgar... siya lang yung nando’n.

"Kasi kailangan sa exercise. Kailangan sumigaw-sigaw. Kailangan umiyak-iyak ako, maglupasay."

Ano ang isinigaw niya, pangalan ni JC?

Nangingiti namang sagot ni Danita, "Sigaw lang. Kailangan daw yun para daw mag-breakdown ka."

ANNABELLE AND DAISY. Sa demandahan ng kanyang manager na si Annabelle Rama at Nadia Montenegro ay nadawit ang pangalan ng kanyang inang si Daisy Romualdez.

Kumampi kasi ang kanyang mommy laban sa kanyang manager sa pamamagitan ng pagiging witness ni Nadia.

Hindi ba siya nahihirapan dahil siya ang naiipit sa isyu?

"E, si Tita Annabelle naman, wala kaming problema no’n.

"Tumatawag siya sa ’kin from time to time and suportado naman kaming lahat na talents niya.

"Like ngayon, sosyal, ako lang mag-isa. May catering pa, o!" sabi ni Danita patungkol sa presscon na ginawa ng kanyang manager para sa kanya bilang pagpapatunay sa pag-aalaga nito sa kanya.

Patuloy niya, "Sabi ko nga, ever since naman no’ng bata pa lang ako, yung relationship nila ni Mommy, away-bati.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, feeling ko naman eventually magkakaayos sila."

Hindi ba nila napag-uusapan ng kanyang inang si Daisy ang tungkol sa mga kaso ng kanyang manager na si Annabelle?

"Wala. Actually, hindi namin pinag-uusapan ni Mommy.

"Wala naman siyang problema kasi alam niya trabaho ’to," sagot ng young actress.

Pero pag-amin ni Danita, hindi niya ring maiwasan ma-tense o nerbiyosin sa mga pagkakataong hindi maiwasang magkita ang kanyang ina at manager.

"Nate-tense ako, like no’ng storycon. Sabi ko, baka mamaya may nagre-wrestling na sa labas."

Ang tinututukoy ni Danita ay ang pagdating ng kanyang ina at manager sa story conference ng Isang Dakot Na Luha.

"Wala naman. Behaved naman yung dalawa!" natatawa niyang sabi.

Mahirap kung tutuusin dahil parang napapagitnaan siya ng dalawang ina niya kumbaga.

"Oo, kaya nalilito ako. E, si Tita Annabelle parang second mom ko na yun, e.

"Mahirap lang maisip. Mahirap lang talaga yung sitwasyon."

Pero ayon kay Danita, masaya siya dahil hindi naman umaabot sa gulo ang sitwasyon niya sa pagitan nina Daisy at Annabelle.

"Masayang-masaya kasi no’ng una, medyo nagkaroon kami ng gap ni Tita Annabelle.

"Siyempre ako yung lumapit talaga kay Tita na sabi ko, ’Sana hindi ako madamay.’

"Siyempre may kontrata ako sa kanya.

"Sana hindi maapektuhan. Okay naman yung usapan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN