Joseph Bitangcol denies turning down Sandara Park’s help when he had an accident

"Ang problema po ay hindi ko naman nasagot yung mga email niya dahil nga sa nangyari sa akin. Gusto ko na rin po linawin na wala pong katotohanan yung lumabas na balita na wala raw pakialam si Sandara sa nangyari sa akin," says Joseph Bitangcol when asked why he turned down Sandara Park’s offer to help when he was hospitalized due to a car accident.


Nakasalubong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa St. Peter Funeral Homes sa Quezon Avenue ang young actor na si Joseph Bitangcol kamakailan mula sa pakikiramay sa isang kasamahan sa showbiz na namatayan.

Kinumusta siya ng PEP kung ano na ba ang kalagayan niya ngayon pagkatapos ng operasyon sa kanya sanhi ng car accident noong isang taon na nagdulot ng malaking pinsala sa kanyang mukha.

Balik na ba sa normal ang lahat o hanggang ngayon ay hindi pa rin siya maka-recover sa nangyaring aksidente?

Sagot ni Joseph, "Eto, okay naman na po. Ilang buwan na rin ang nakalipas at nakakabawi naman.

"Unti-unti nang bumabalik sa normal ang lahat.

"Sa tuwing maaalala ko po yung nangyari, hindi po ako makapaniwala na nalagpasan ko po ang lahat.

"Akala ko po mamamatay na ’ko.

"Salamat naman po sa Diyos at hindi Niya ako pinabayaan.

"Andami kong natutunan ’tsaka ngayon, lalong naging malapit ako sa Diyos.

"Napatunayan ko rin na marami pala ang nagmamahal po sa akin.

"Sobrang nagpapasalamat ako sa kanila kasi nandiyan sila.

"Lalo na nung down ako at naramdaman ko talaga sila. Hindi nila ako iniwan."

GOOD SAMARITANS. Kabilang sa mga tumulong kay Joseph ay ang mga naging kasamahan niya sa Star Circle Quest na sina Joross Gamboa, Melissa Ricks, Raphael Martinez, at Roxanne Guinoo.

Maging ang ex-girlfriend niyang si Sandara Park ay nagpaabot daw ng tulong, pero dinedma lang daw ng aktor. Totoo ba ito?

"Naku po, hindi po!" tanggi ni Joseph.

"Actually nag-offer si Sandara ng tulong.

"Ang problema po ay hindi ko naman nasagot yung mga email niya dahil nga sa nangyari sa akin.

"Gusto ko na rin po linawin na wala pong katotohanan yung lumabas na balita na wala raw pakialam si Sandara sa nangyari sa akin.

"Hindi po totoo yun. Willing po siyang tumulong."

Kabilang din sa mga sumuporta kay Joseph sa kanyang operasyon at iba pang gastusin ay sina Senator Bong Revilla, Willie Revillame, Mayor Herbert Bautista, Malou Choa-Fagar, Eat Bulaga!, TV5, Cristy Fermin, Edgar Allan Guzman, at Noel Ferrer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

’’Andami po talagang tumulong. Yung press din, lalo na nung magka-fundraising... ang dami pa. Yung mga doktor na gumamot sa akin.

"Kung meron man po akong di nabanggit, alam n’yo po kung sinu-sino kayo at maraming salamat."

LESSON LEARNED. Isang malaking leksiyon kay Joseph ang nangyaring aksidente sa kanya.

Lalo raw niya ngayong pinahalagahan ang kanyang buhay at nangangakong itutuwid ang mga naging pagkakamali.

"Natakot ako kasi akala ko, wala na ang lahat.

"Nung gumaling nga ako, hirap ako magsalita at nabubulol ako.

"Akala ko ganun na pagsasalita ko, buti na lang sa simula lang at naging okey din.

"Natakot na rin akong mag-drive at pakiramdam ko ay hindi ko na kaya.

"Pero nung tumagal-tagal na, sumubok pa rin ako. Nag-try pa rin. Kaya ko pa rin po pala.

"Sa ngayon, focus na po sa buhay at wala na yung paliguy-ligoy pa.

"Kasi po, hindi natin alam kung kailan puwede kunin ang buhay natin, e," saad niya.

BACK TO WORK. Samantala, balik trabaho na rin ang binata at kasama siya sa mini-serye na pinagbibidahan ni David Archuleta sa TV5, ang Nandito Ako.

"Sa ngayon, puro guesting po sa TV5 sa iba’t ibang shows.

"Pero yung regular ko po, yung Nandito Ako with David Archuleta.

"Medyo na-miss ko rin ang pag-arte sa ilang buwan ko ring pamamahinga," sabi ni Joseph.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN