Dennis Trillo on rumored girlfriend Bianca King: "Sobrang close kami and at ease sa company ng isa’t isa."

Dennis Trillo refuses to give meaning to his closeness to Bianca King. However, he admits, "Habang tumatagal, mas lumalalim ang samahan namin."



Ikinatutuwa ni Dennis Trillo ang mainit na pagtanggap ng mga manonood sa bagong teleseryeng kinabibilangan niya, ang Biritera.

Kung pagbabasehan ang TV rating ng AGB Nielsen simula nang mag-pilot ang Biritera dalawang linggo na ang nakalilipas, masasabing naging maganda ang takbo ng ratings ng programa.

Ayon kay Dennis, hindi nila inaasahan na magiging ganito ang pagtangkilik ng mga manonood sa kanilang programa.

"Natutuwa kami na maganda ang performance niya, tinatanggap siya ng mga manonood," sabi ni Dennis sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kaninang tanghali, Pebrero 28, sa loob ng GMA Network Center sa Quezon City.

Isa sa mga nakikitang dahilan ni Dennis kung bakit naging maganda ang kinalabasan ng ratings ng Biritera ay ang tema nito, kung saan mga bata ang tumatayong bida.

Dagdag pa ng aktor, "Dahil na rin siguro magaan siyang panoorin.

"Alam mo ’yon, hindi na siya mabigat na makakadagdag pa sa problemang iniisip ng mga manonood."

Para naman kay Dennis, itinuturing din niyang magaan ang ginagampanan niyang karakter sa Biritera.

"Kumpara sa mga nagawa ko dati, isa ito sa mga pinakamagaan, walang pressure in terms of mga obligation mo sa pag-arte.

"Kasi dito, bihira ang eksena na nagbe-breakdown ka, umiiyak, sobrang galit.

"Kasi, siguro nakatulong din na kaeksena ko palagi ’yong bata.

"Hindi siya talaga naka-focus mainly sa love interest lang.

"Nandito ’yong interaction ko sa banda, nandito ang interaction ko kina Gwen [Zamora] at saka interaction ko rin sa mga bata at doon sa manager ko.

"Marami siyang ginagawa. Hindi lang siya naka-based sa isang conflict lang," saad niya.

INSPIRATION. Bukod sa magandang resulta sa ratings ng Biritera, isa pa sa mga nakakapag-motivate kay Dennis na paghusayan ang kanyang trabaho ay ang mga inspirasyon niya sa buhay.

Ayon kay Dennis, "Kailangan lagi kang ginaganahan sa trabaho kaya napakaimportante ng isang inspirasyon sa isang buhay ng tao."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod sa kanyang pamilya at mga kaibigan, inamin ni Dennis na itinuturing din niyang inspirasyon ang "pagkakaibigan" nila ni Bianca King.

Nagkasama ang dalawa sa mga teleseryeng Sinner Or Saint at Legacy.

Bagamat may mga bali-balitang may namumuong romantikong relasyon sa pagitan nila, sinabi ni Dennis sa PEP na hindi pa ito dapat bigyan ng ibang kulay.

Aniya, "Alam mo ’yon, sobrang close kami and at ease sa company ng isa’t isa.

"Habang tumatagal, mas lumalalim ang samahan namin."

Aminado si Dennis na nami-miss na rin niya ang magkaroon ng romantic relationship.

"Siyempre, nami-miss din. Pero marami ka namang pagkakaabalahan ’tulad ng kaibigan ng pamilya.

"Maganda rin ’yong paminsan-minsan napapahinga ka.

"Pero importante rin siyempre na mayroon kang inspirasyon.

"Kung wala kang inspirasyon, hindi gagana ang utak mo, hindi gagana ang utak mo kapag malungkot siya."

Sa mga nakaraang panayam kay Bianca, inamin nito na masaya ang kanyang ina sa magandang samahan nila ngayon ni Dennis.

Ikinatuwa naman ito ng aktor.

Sabi pa niya, "Sino ba naman ang hindi matutuwa na sabihan ka ng gano’n.

"Well, galing ako sa relasyon na nagkaproblema at ’yong sabihan ng ganun ng isang magulang ng isang kaibigan, medyo nakakataba ng puso.

"Medyo masuwerte ako at pinapaboran pa rin ako ng mga magulang despite siguro sa mga narinig nila in the past."

Hindi naman kaila sa publiko ang mga naging relasyon ni Dennis kina Jennylyn Mercado, Cristine Reyes, at Carlene Aguilar, na ina ng kanyang anak na si Calix.

Sa ngayon, bagamat hindi na sila magkasama sa isang proyekto, nagkikita pa rin naman daw sila ni Bianca.

Nang tanungin ng PEP kung kumusta na sila, ngumiti lamang ito at sinabing, "Okay naman. Magkaibigan lang kami na matalik. Tahimik lang kami pareho."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN