Kris Bernal reveals Jolo Revilla has stopped courting her; denies getting back with Jay Perillo

Kris Bernal on Jolo Revilla: "Napagdesisyunan nga namin na mas okay kung maging magkaibigan na lang kami. Yung panliligaw, hindi ko kasi alam kung handa akong ma-in love ulit. Kasi alam n’yo naman, galing lang ako sa isang relationship."


Muli na namang magbibida si Kris Bernal sa pinakabagong afternoon series ng GMA-7, ang Hiram na Puso, na magsisimula nang mapanood sa Lunes, March 5.

Malaki ang pasasalamat ni Kris sa GMA-7 dahil sa patuloy na tiwalang ipinagkakaloob sa kanya, lalo pa nga’t siya talaga ang bida sa mga proyektong ginagawa niya.

Sabi ni Kris, "Oo nga po. Kahit ako nga po nabibigla, e.

"After Time of My Life, after na magkaka-show ako, iniisip ko, naku, ano kaya ang susunod sa akin? Pero binibigyan nila talaga ako.

"Unti-unti talaga kapag nagkaka-show ka, natutupad ang mga dreams mo for your family.

"Kasi ako, I work for my family. Sila talaga ang inspirasyon ko kaya ako nagwu-work ngayon.

"Ang sarap ng feeling na ngayon, may bagong show.

"Umaasa ulit sa akin na pagbutihan ko at super thankful ako sa GMA network."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kris sa grand launch ng Hiram Na Puso kagabi, February 28, sa Studio 7 ng GMA Network.

TEAM-UP WITH MARK. Dito sa Hiram Na Puso ay sila muli ni Mark Herras ang magkatambal. Ano sa palagay ni Kris ang meron sa kanilang dalawa na itinuloy ng network ang team-up nila pagkatapos ng Time of My Life?

Sagot ng young actress, "Siguro sa amin ni Mark Herras, ang ganda rin kasi ng working relationship namin.

"Nakakuha rin kami ng magagandang feedback sa Time of My Life sa loveteam namin. Nabigyan siguro ng chance.

"Sa Time of My Life naman kasi, ang nakatuluyan ko si Rocco [Nacino].

"So, ngayon, ’eto, nakatutok talaga ako sa kanya—kay Mark."

Ano ang kakaibang makikita sa kanya ngayon sa Hiram Na Puso?

"Wala nang sayawan!" natatawang sabi ni Kris, bilang pagtukoy sa dance scenes nila noon sa Time of My Life.

"Alam n’yo naman ang kaba ko sa mga sayawan na yun. Halos mamatay-matay na ’ko!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko alam kung ano ang pinaggagawa ko sa Time of My Life. Parang kaya ko pa ba?

"Kahit ang daming umaaway sa akin, kailangang pagbutihan ko.

"Bakit iba itong Hiram na Puso," patuloy niya, "kasi kailangan kong gumawa ng role na sakit-sakitan, yung batang may sakit.

"Kasi, di ba, yung last show ko, nagko-concentrate sa loveteam, lovelife ng isang character.

"Ngayon, nagko-concentrate ito sa mother-daughter relationship.

"Ang sarap kasi, kung paano ako sa nanay ko, nakikita ko rin dito na ganoon din ang relationship ko kay Miss Gina [Alajar]—na mahal na mahal ko rin ang nanay ko at lahat gagawin ko para sa nanay ko.

"Ang sarap! Ang sarap gawin ng mga eksena kasi totoo.

"Kaya lang, wala akong sakit sa puso. Pero siyempre, huwag naman."

HEARTBREAK. Dahil nabanggit nga niya ang sakit sa puso, hiniritan namin si Kris na ibang "sakit sa puso" naman kasi ang nararanasan niya—na ang ibig naming sabihin ay heartbreak.

"Hindi rin, tapos na," nakangiti niyang sabi.

Bago magtapos ang taong 2011, naging usap-usapan ang diumano’y magandang relasyon o namumuong relasyon sa pagitan nila ni Jolo Revilla.

Nabalita pang sa tahanan ng mga Revilla nag-New Year si Kris.

Pero ano ang nangyari at tila bigla rin itong nawala o hindi na nag-progress pa?

Sagot ni Kris, "Sa amin ni Jolo, ngayon, magkaibigan kami.

"Natigil na yung panliligaw. Napagdesisyunan kasi namin na maging magkaibigan na lang muna.

"Siguro dahil masyadong naging mabilis ang mga bagay-bagay.

"Yung hindi pa namin masyadong nakikilala ang isa’t isa, parang lumalalim na.

"Patagal nang patagal na, ’Teka, ako ba, handa ako?’

"Parang ayoko pang pumasok sa isang relasyon na hawak ko pa ang past."

Itinanggi naman ni Kris ang balitang nagkita raw sila ni Jolo sa Amerika nang magbakasyon doon ang Kapuso young actress kamakailan.

"Nagkasabay kami, alam ko po, pero never kaming nagkita sa US," giit niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kailan nagtapos yung "ligawan" sa kanila ni Jolo?

"Natapos siya mga after New Year," sagot ni Kris.

"Kasi, napagdesisyunan nga namin na mas okay kung maging magkaibigan na lang kami.

"Yung panliligaw, hindi ko kasi alam kung handa akong ma-in love ulit.

"Kasi alam n’yo naman, galing lang ako sa isang relationship."

LOVE ON THE REBOUND. Pakiramdam ba niya ay parang love on the rebound lang kung papasukan niya ang relasyon kay Jolo?

"Parang ganoon kasi hindi ko pa nga siya kilala," pagsang-ayon ng dalaga.

Bakit hindi niya hinayaang magpakilala muna talaga si Jolo sa kanya?

Nangiting sabi ni Kris, "Ewan ko ba, siguro magulo pa ako noon.

"Desisyon ko naman yun at siya naman, nirespeto naman niya ang desisyon ko."

May communication pa ba sila ni Jolo?

"Hindi na. Hindi na rin. Talagang naputol na.

"Pero magkaibigan kami. Kumbaga, kung gusto niya akong i-text, puwedeng magka-text kami."

JAY PERILLO. Bago siya na-link kay Jolo ay si Jay Perillo ang naging boyfriend ni Kris.

Tinanong namin si Kris kung totoong nagkabalikan sila ni Jay.

"Hindi po," tanggi niya.

"Siyempre, nagkaroon kami ng samaan ng loob noon. Pero ngayon, okay kami. Magkabarkada kami.

"Kaya kung nakikita nila kami sa Twitter na nagkakausap, dahil magkaibigan na kami."

Hindi dahil sa nagkabalikan sila?

"Hindi po. Walang ganoon.

"Masaya na siya. Alam ko may bago siyang nililigawan."

Ang Pinoy Idol winner ba na si Gretchen Espina ang bagong nililigawan ni Jay?

"Ayoko naman pong manggaling sa akin kung sino ang nililigawan niya.

"Siguro kapag sinabi na lang niya. Pero ayokong manggaling sa akin kung sino!" natatawa niyang sabi.

Aminado si Kris na hindi ganoon ka-okay ang naging breakup nila ni Jay. Paano sila nagkaayos?

"Napag-usapan namin.

"Ako ang lumapit sa kanya kasi ayoko ng may kaaway. Ayoko ng may kasamaan ng loob.

"Gusto ko at peace ako kung kanino man. Kung matapos man ’to, sabihin natin na natapos tayo nang maayos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"May closure na talaga kaya maganda ang relationship namin."

Nag-o-open sa kanya si Jay sa bago nitong "pag-big"?

"Opo, nagkukuwento siya sa akin.

"Siyempre, nagkukuwento siya tungkol sa lovelife niya ngayon.

"Ako naman, masaya ako para sa kanya na, finally, na-heal na yung broken heart niya.

"Kasi, alam ko rin naman kung gaano kasakit sa kanya ang nangyari kaya masaya ako na nakikita kong masaya siya ngayon."

Sa kaso naman ni Kris, wala raw siyang lovelife ngayon. Hindi rin daw siya naghahanap.

"Mas okay na muna na ganito. Trabaho muna," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN