Gardo Versoza admits going through midlife crisis

Gardo Versoza on feeling lonely for reasons he’s not aware of: "Hindi ko rin alam kung... parang midlife crisis siya, e. Yung parang out of the blue makakaramdam ka ng loneliness na walang explanation."


Para kay Gardo Versoza, parehong may punto ang baguhang filmmaker na si Emerson Reyes at ang dating movie producer na si Robbie Tan hinggil sa isyu ng pagkaka-disqualify ng pelikulang MNL 143 sa gaganaping 8th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival and Competition sa July 2012.

Gusto kasi ni Emerson ay sina Alan Paule at Joy Viado ang siyang gaganap sa kanyang pelikula na hindi inaprubahan ng Cinemalaya Organizing Committee; partikular nina Robbie (monitoring head) at Laurice Guillen (competition chairperson).

"Maaaring nag-commit na agad ang producer at direktor kina Alan at Joy bago ipa-approve ang casting na isa sa mga requirements.

"Ang sa akin, sana ipasa mo muna yung cast, ’wag mo munang i-commit," sabi ni Gardo nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Martes, March 6, sa Sugar House ng Rockwell-Powerplant Mall, Makati City.

On the part of Cinemalaya officials, sabi ni Gardo, "Sila ang nagbibigay ng grant.

"So palagay ko nga, may right sila na i-screen ang material pati ang casting.

"At kahit na sino ang magbibigay ng grant, talagang aalamin siyempre kung saan mapupunta itong investment na ito. Ano ang patutunguhan nito."

Ayon sa balita, ni-require pa umano ng Cinemalaya ang direktor na mag-submit ng test shots ni Alan maging ng makakaparehang si Joy.

Reaksiyon ni Gardo, "Kailangan pa bang i-submit if ever ang test shots ni Alan?

"Siguro kung ang magte-test sa iyo, e, foreign production, maiintindihan mo.

"Pero kung dito sa atin, siyempre... yung body of work niya, more or less, alam na din yun.

"O baka nga naman formality na din lang."

Bilang dating contract talent ng Seiko Films na pag-aari ni Robbie, nagpahayag rin ang aktor ng mga patunay sa pagiging prodyuser nito.

Sa gitna ng kontrobersiya ay inulan ng sari-saring batikos ang dating prodyuser ni Gardo.

"Bukod sa mga commercial movies noon na sex-oriented, may mga napatunayan na rin naman si Robbie, na pagkiling niya kumbaga sa serious quality movies, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Di ba, nag-produce din naman siya ng mga pelikula noon nina [Lino] Brocka, Laurice Guillen, at Chito Roño?

"Not to mention, Robbie Tan also produced some works by new filmmakers, like Jeffrey Jeturian and Brillante Mendoza na nagkaroon ng international acclaim.

"’Tsaka siyempre hindi mo maiaalis sa kanya... negosyante siya, e.

"Bago niya unahin yung pang-award, yung pangkomersiyal muna.

"Kumbaga, hindi rin niya pinersonal yung assessment niya," ani Gardo.

DOING A CINEMALAYA FILM. Kasali sana si Gardo sa cast ng MNL 143, pero hanggang sa nabalitang na-disqualify ito’y wala na raw siyang narinig mula sa producer at kay Emerson.

Gano’n pa man, kasama si Gardo sa isang Cinemalaya entry na Bwakaw na entry para sa Directors’ Showcase mula sa panulat at direksiyon ng Palanca awardee na si Jun Lana.

Nakatakdang magbida rito si Eddie Garcia kung saan sa kuwento ay mayroong alagang aso na tanging kasama niya sa buhay.

Kukunin din ba sa pelikula ang isa sa mga alagang aso ni Gardo?

"Ay, hindi puwede si Bishop!" natawa ang aktor sa pagbanggit sa isa sa mga malalaking aso niya.

Dagdag pa niya, "Askal lang yung alaga nung character sa script, e."

Gaganap na parish priest si Gardo sa Bwakaw na siya’ng wari’y spiritual guide ng karakter ni Eddie.

"Ibang klaseng pari yung character kaya tinanggap namin.

"Okay lang na hindi ako mag-ahit ng bigote kasi kung hindi, masisira ang continuity ng role ko sa Hiram Na Puso," sabi niya.

MID-LIFE CRISIS? Sa kabila ng nakagawiang pagbibiro at masayang pagharap sa panayam, hindi ikinaila ni Gardo ang madalas na nararamdamang matinding kalungkutan.

"Basta dumarating na lang yung ganung moment... sabi nila, midlife crisis daw yun," pagtukoy ni Gardo.

Malamang ay nag-ugat sa pagyao ng kanyang mahal na ina noong 2010 ang kanyang paminsan-minsang kalungkutan.

Madali namang naka-move on sa buhay niya si Gardo at nagtuluy-tuloy uli sa trabaho, pero dumarating ang mga sandali ng lumbay na hindi raw niya maipaliwanag.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I miss my mom very much!" sabi ng 42-year-old actor.

"Maihahalintulad ko ang experience dun sa... may mga scenes kasi kaming nagawa ni Ayen [Munji-Laurel].

"Na ina-accuse niya ako na kung ako raw kasi, ganun ko lang kadaling kalimutan yung nangyari sa anak namin na namatay, siya raw hindi," pagtukoy niya sa kanilang mga ginagampanang papel sa Hiram Na Puso, na nag-premiere noong March 5 sa GMA-7.

"Tapos, sabi ko, ’Ako rin naman, e.’ At kung iniisip niyang ganun lang kadali para sa akin, nagkakamali siya.

"Sabi ko pa, ’Kahit tumanda pa ako, kahit hanggang sa huling hininga, hindi ko makakalimutan yun!’

"So, same feeling dun sa mommy ko, di ba?

"Kumbaga, nakaukit na yun," sa kanyang damdamin ang kanyang ibig tukuyin.

"Hindi ko rin alam kung... parang midlife crisis siya, e.

"Yung parang out of the blue makakaramdam ka ng loneliness na walang explanation.

"Actually, iba-iba naman, e. Parang may times, mapi-feel mo siya minsan, hindi ka naman pumupunta sa isang lugar na konektado sa kanya. Mararamdaman mo lang," patungkol pa rin niya sa yumaong ina.

WORKING WITH DIREK ANDOY RANAY. Samantala, unang pagkakataon na nakatrabaho ni Gardo si Andoy Ranay, ang direktor ng Hiram Na Puso.

Agad daw naging magaan sa isa’t isa ang pagtatrabaho nila at walang katensiyon-tensiyon o anuman.

"Nagkagamayan agad.

"Sabi ko rin nga sa kanya, parang in a way malaking factor din yung ang nagdidirek sa ’yo, e, artista rin," patungkol niya sa kanyang direktor na paminsan-minsan ay lumalabas din bilang artista sa mga pelikula at telebisyon.

"Nararamdaman din niya kung anong emosyon yung kailangang ipakita sa eksena."

ON BELA PADILLA’S FHM COVER PHOTO. Hindi rin nalingid sa kaalaman ni Gardo ang tungkol sa naging issue sa FHM cover pictorial ni Bela Padilla na gumaganap bilang adopted daughter niya sa Hiram Na Puso.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tungkol sa naging unang cover photo ng FHM ni Bela na mayroong mga kasamang "black" female models as background ang nagkaroon ng diumano’y racist issue.

Naging basehan upang palitan ng FHM ang cover ng solo photo na lang ni Bela na nasa magazine stands ngayon.

"Unang-una, sino yung mga nag-complain? Sila ba yung direktang apektado?

"Ano yung grounds nila para mag-complain?

"Wala akong nakitang masama dun sa cover, e.

"Sabi ko nga kay Bela, ’Sana, kinuha mo ako na isa dun sa magre-represent sa blacks!

"Para ako yung nasa Black side,’" biro ni Gardo na moreno ang kulay ng balat.

Dagdag niya, "Halimbawa, baligtarin natin, black female model ang main photo with white female as background, will that also be racist?

"Meron bang ipinakita doon na dini-degrade ang blacks? Ano ba yung caption, ’Coming out of the shadows...’

"Anong masama do’n? I don’t see anything derogatory dun sa concept.

"Sabi ko rin nga kay Bela, ’Isama mo ako minsan, sabihin mo, ilagay naman, ’Stepping Into The Shadows’!" sabi pa ni Gardo na may himig ding pagbibiro.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN