Maja Salvador overwhelmed by nominations of Thelma in Star Awards for Movies and Golden Screen Awards

"Actually, masaya ako ngayon sa career, sa lovelife ko, and sa family ko. Sobrang saya po talaga. Itong 2012, masasabi ko na ito talaga ang pinakamasayang taon talaga na nangyayari sa aking buhay," says Maja Salvador about her Best Actress nominations for the movie Thelma and her relationship with boyfriend Matteo Guidicelli.


Photo by Noel Orsal


Para sa young actress na si Maja Salvador, sulit ang lahat ng mga paghihirap na ginawa ng kanilang grupo dahil sa mga tinatamasang pagkilala ngayon sa pelikulang Thelma.

Bukod sa mga special screenings ng kanyang unang indie film sa iba’t ibang bansa, nakakuha rin ito ng ilang nominasyon sa dalawang local award-giving bodies—ang Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society, Inc. (EnPress) at Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC).

Sa Golden Screen Awards, isa si Maja sa mga nominado sa kategoryang Best Performance by an Actress in a Leading Role-Drama.

Nominado rin ang pelikulang Thelma sa sampu pang kategorya; kabilang na ang Best Motion Picture-Drama, Best Director, Best Original Screenplay, at Best Story.

Nominado rin si Maja sa Star Awards for Movies; bukod pa sa walong nominasyong nakuha ng kanilang pelikula. Kasama na rito ang pagkaka-nominate nina Tetchie Agbayani at Eliza Pineda bilang Movie Supporting Actress of the Year.

"Ang saya lang na ’yong mga pinaghirapan n’yo sa pelikula n’yo ay napansin ng mga tao. Talagang sobrang worth it gawin ’yong pelikula," nakangiting sabi ni Maja nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media sa press conference na inihanda para sa 20th anniversary ng Star Magic.

Ito ay ginanap sa 9501 restaurant sa loob ng ABS-CBN compound sa Quezon City kaninang tanghali, Marso 13.

Inamin ni Maja na habang ginagawa pa lang nila ang pelikula ay umaasa sila na mabigyang pansin ito ng mga manonood.

Paliwanag niya, "Siyempre po, di ba? Kasi binibigay mo ’yong best mo.

"Halos lahat talagang binibigay ang lahat para mapaganda ang pelikula namin—simula sa mga artista, direktor, scriptwriters, sa producers namin.

"Lahat talaga, kung ano ang hilingin namin ni Direk Paul [Soriano] sa aming producer na si Sir Rino [Que], ibibigay niya—as in todo-bigay lahat sa pelikulang Thelma.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya noong nalaman namin na maraming nominations ang Thelma, ang saya-saya talaga namin.

"As in nagse-send ng e-mail sa akin si Direk Paul... si Sir Rino nagte-text.

"’Tapos ang saya lang na nominated ang scriptwriter namin, ’yong direktor ko nominated din, ’tapos ako.

"Nakakatuwa po na napansin ’yong aming pelikula."

Dahil dito, sabi ni Maja, hindi raw malayong masundan pa ang unang indie project niya.

Sa katunayan, hinikayat pa niya ang mga kapwa niya artista na hindi pa nakakagawa ng indie film.

"Sa mga artista po, maganda na nakakagawa ka ng mga independent films, ng indie films, kasi mas natututo ka, e.

"’Yong acting mo, sobrang raw.

"Iba-iba kasi ang pag-arte, e. Iba ang pag-arte mo sa TV, iba ang pag-arte mo sa mainstream na pelikula, iba rin sa indie.

"Depende sa istorya, sa character na ibinibigay sa ’yo.

"Dapat matutunan mo talaga kung papaano ’yong character mo sa bawat pelikula, sa bawat teleseryeng ginagampanan mo."

GOING STRONG WITH MATTEO. Samantala, kinumusta rin ng press kay Maja ang relasyon nila ng boyfriend niyang si Matteo Guidicelli.

"Ganun pa rin, nagniningning pa rin siya.

"Mas tumibay po [ang samahan namin] at mas nakilala namin ang isa’t isa," sagot ng young actress.

Ayon pa kay Maja, abala ngayon ang TV host-actor boyfriend niya sa pag-eensayo para sa triathlon na sasalihan nito sa Sabado, March 17.

"Actually, ang busy-busy niya.

"Siya ang mas busy sa akin kasi busy siya sa triathlon [training] niya. Mayroon siyang competition sa 17.

"After no’n, may mga shoot siya out-of-town, may mga TVCs, may bago siyang show on April, mag-start na rin."

Bagamat subsob sa training at trabaho si Matteo, siniguro naman ni Maja na, "May communication pa rin naman. Ang technology, iba na talaga ngayon."

Hindi rin daw problema sa kanila ang pagkakaroon ng quality time para sa isa’t isa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ani Maja, "Magaling mag-manage ng time si Matteo. As in kahit one hour or 30 minutes, nakakadaan si Matteo."

Sa ngayon, masasabi ni Maja na tahimik na ang relasyon nila ni Matteo.

Pabiro pa niyang sabi, "Actually, ang saya namin ngayon kasi wala kaming issues, e.

"Actually, masaya ako ngayon sa career, sa lovelife ko, and sa family ko. Sobrang saya po talaga.

"Itong 2012, masasabi ko na ito talaga ang pinakamasayang taon talaga na nangyayari sa aking buhay."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN