Phenomenal Diva Jessa Zaragoza resumes recording career; reunites with hitmaker Vehnee Saturno

Jessa Zaragoza on her new album under GMA Records: "Ngayon at natapos na siya, paplanuhin na lang ang promo nito. Alam naman ng lahat na una kong hilig ang kumanta at balik ako sa pagkanta ng mga songs na nagustuhan nila sa akin noon."


Pumirma rin ng exclusive contract para sa GMA Records noong March 12 sa 17th floor ng GMA Network Center ang Phenomenal Diva na si Jessa Zaragoza.

Ire-release ng GMA Records ang natapos nang album ni Jessa. Ang magiging carrier single nito ay ang "Nasaan" na ginamit na theme song sa defunct GMA-7 afternoon soap na Kung Aagawin Mo Ang Langit.

Noong 2009 pa raw ang huling album ni Jessa na Jessa Sings The Great Musical Icons kaya excited siyang muling makapag-promote ng bagong album.

Sabi ni Jessa sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Yung last album ko was an all-English album.

"Hindi ko siya masyadong na-promote kasi nga wala naman kami dito sa Pilipinas noong i-release iyon noong 2009.

"Kaya itong tinapos kong album, inabot din ng mga two years dahil pabiyahe-biyahe kami ni Dingdong [Avanzado, her husband].

"Minsan nandito kami, minsan naman nasa U.S. kami. Kaya natitigil yung recording ko.

"Ngayon at natapos na siya, paplanuhin na lang ang promo nito.

"Alam naman ng lahat na una kong hilig ang kumanta at balik ako sa pagkanta ng mga songs na nagustuhan nila sa akin noon."

PHENOMENAL DIVA. Babalik nga raw si Jessa sa mga dating kanta na nagpasikat sa kanya noon kaya siya natawag na "Phenomenal Diva."

Sumikat bilang recording artist si Jessa noong 1997 dahil sa kanyang debut album under OctoArts-EMI na Just Can’t Help Feelin’ kunsaan nanggaling ang kanyang biggest hit single na "Bakit Pa?"

Ginawa pa itong pelikula ng OctoArts Films kunsaan nakapareha ni Jessa sina Diether Ocampo at Troy Montero.

Nasundan ito ng iba pang singles na "Paano Kaya?" at "Di Ba’t Ikaw?" Ang huli ay ginawa pang title ng isang drama series sa GMA-7 noong 1999 kunsaan bida si Jessa at katambal sina Jao Mapa at Jomari Yllana.

Umabot sa eight-times Platinum ang debut album ni Jessa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nasundan ito ng iba pang albums na Phenomenal, Siya Ba Ang Dahilan?, Ibigay Mo Na, at Kahit Na Ilang Umaga.

Galing sa mga album na ito ang hit singles na "Baliw Na Puso," "Siya Ba Ang Dahilan?," "Ikakasal Ka Na," at "Ibigay Mo Na."

VEHNEE SATURNO. Sa bagong album ni Jessa, muli silang magsasama ng award-winning hit composer na si Vehnee Saturno na nakasamaan niya ng loob noon.

Ayon kay Jessa, "Matagal na kaming nagkaayos ni Tito Vehnee. Tapos na ’yon kaya magkasama ulit kami sa bagong album.

"Si Tito Vehnee ang dahilan ng mga hit songs ko noon, di ba? Kaya tama lang na magkasama ulit kami para mabalik yung dating collaboration namin.

"Kasama rin si Dingdong sa pagbuo ng album ko. May isinulat din kami ni Dingdong na song titled ’Ayoko Na.’

"Bago nila isipin kung ano ang ibig sabihin ng title, pakinggan muna nila ang song para malaman nila kung bakit gano’n ang title!" tawa pa ni Jessa.

ANNIVERSARY. Tamang-tama lang daw ang nalalapit na pag-release ng kanyang bagong album dahil magse-celebrate sila ni Dingdong ng kanilang 11th wedding anniversary sa March 18.

Sabi ni Jessa, "Magandang anniversary gift ito para sa amin ni Dingdong.

"We’ve been together for 11 years at hanggang ngayon, kami pa rin.

"Dumaan na kami sa maraming intriga at problema, yet still, solid ang samahan namin.

"Kapag tunay kayong nagmamahalan, walang makakasira sa samahan ninyo, di ba?"

Malaki na nga ang anak nina Jessa at Dingdong na si Jayda. Wala pa raw silang planong sundan ang anak kahit seven years old na ito.

"Hindi pa naman siya naghahanap ng kapatid. Parang gusto ni Jayda na siya na lang talaga!" natatawang sabi ni Jessa.

"Pero siyempre, kami ni Dingdong, gusto namin may isa pa.

"Pero dapat pagplanuhan nang mabuti dahil pareho kaming busy ng mister ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siguro kapag sure na kami, mangyayari naman.

"Marami pa namang time tsaka enjoy pa kami na si Jayda muna ang baby namin."

ACTING. Kakatapos lang ni Jessa sa afternoon series ng GMA-7 na Kokak. Nag-enjoy siya sa pag-arte ulit kaya ready siya sa anumang next drama series na gagawin niya.

"Kung may ibibigay ba sila sa akin, why not?

"Masarap umarte ulit at makatrabaho ang mga bagong artista.

"Basta kaya ng schedule natin at may time pa ako for my family, okey lang sa akin," sabi ni Jessa.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN