Governor ER Ejercito on being snubbed by Golden Screen Awards: "Sana naisama [kahit nomination]. Pero kung ayaw nila, maybe next time."

Governor ER Ejercito on his P100,000 sponsorhip donation to the Entertainment Press Society (EnPress) last year: "Hindi ko naman pinapabalik, e, donation ko yun. Lahat naman halos ng award-giving bodies, e, kapag humihingi ng sponsorship sa akin, binibigyan ko naman. Galing sa puso yun, hindi ko naman kailangan ipabalik pa."


Lumikha ng maraming kontrobersiya ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story bago pa man ang nakatakdang pagpapalabas ng pelikulang ito ni Governor ER Ejercito noong Metro Manila Film Festival (MMFF) 2011.

Nagkaroon kasi ng gusot sa pagitan ng produksiyon at sa direktor ng pelikula na si Tikoy Aguiluz.

Noong Gabi ng Parangal ng MMFF ay nagkaroon din ng kaunting tensiyon nang tanghaling Best Actor si Dingdong Dantes para sa pagganap nito sa Segunda Mano.

Umalma ang kampo ni Governor ER at inakusahan nila na naimpluwensiyahan ng naunang pahayag ni Kris Aquino ang resulta ng Best Actor category.

Si Kris, co-star ni Dingdong sa Segunda Mano, ay nagsabing nais niyang manalo ang kapareha dahil sa ipinakita nitong husay sa pelikula nila.

Umaasa rin ang mga tagasuporta ni Governor ER na ito ang magwawagi dahil sa paniniwala nilang napakagaling ng actor-politician sa pagganap nito bilang Asiong Salonga.

THE CONTROVERSY. Ngayong taon ay nagsimula nang mimigay ng mga parangal ang iba’t ibang award-giving bodies sa mga katangi-tanging pelikula at pagganap para sa mga pelikulang nagawa noong nakaraang taon.

Nauna nang nagbigay ng parangal ang Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC) na ginanap noong March 15 sa Meralco Theater.

Parehong nominado rito sina Governor ER at Dingdong, pero ang nagwagi ay ang actor-politician ka-tie si Aga Muhlach para sa In The Name of Love.

Sa March 24, Sabado, ay gaganapin naman ang Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society (EnPress).

Dito ay nominado si Dingdong sa kategoryang Best Actor, pero nabigong makakuha ng nominasyon si Governor ER.

Dahil dito ay umalma ang kampo ng Laguna governor, partikular na ang publicist nito na si Jobert Sucaldito.

Sa pamamagitan ng personal Facebook account niya at maging sa columns niya sa tabloid at programa sa radyo, maaanghang na salita ang binitawan ni Jobert laban sa EnPress dahil sa hindi pagkakasama sa listahan ng nominado si Governor ER.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Rason ng publicist, ang tangi lamang daw hangad ng kanilang kampo ay ang ma-recognize ang acting ni Governor ER sa pamamagitan ng nominasyon pero hindi nga ito nakasama sa kanilang talaan.

Sinabi rin ni Jobert sa kanyang Facebook account na dapat ibalik na ng EnPress ang P100 thousand sponsorship na ibinigay ng gobernador noong nakaraang taon para sa Golden Screen TV Awards.

Bilang sagot sa mga paratang ng kampo ni Governor ER ay naglabas ng official statement ang EnPress kung saan ipinaliwanag nila ang proseso ng nominasyon para sa Golden Screen Awards.

Napagdesisyunan din ng organisasyon na isauli ang halagang ibinigay ni Governor ER.

(CLICK HERE to read related story.)

GOVERNOR ER EJERCITO’S REACTION. Sa 10th Gawad Tanglaw awards night noong Huwebes, March 15, ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Governor ER.

Kinuha namin ang kanyang reaksiyon sa hindi niya pagkakasama sa listahan ng mga nominado bilang Best Actor sa Golden Screen Awards ngayong taon.

Aniya, "Well... may kanya-kanyang hurado ’yan, e.

"Siguro may mga dahilan sila na hindi ako isama sa kanilang nomination, pero nakakapagtaka lang kasi halos lahat ng mga award-giving bodies ay nominated ako for best actor.

"Sana naisama [kahit nomination]. Pero kung ayaw nila, maybe next time."

Nagpahayag na ang EnPress na ibabalik nila ang halagang ibinigay niya noong nakaraang taon. Ano ang reaksiyon niya rito?

Sagot ng actor-politician, "Hindi ko naman pinapabalik, e, donation ko yun.

"Lahat naman halos ng award-giving bodies, e, kapag humihingi ng sponsorship sa akin, binibigyan ko naman.

"Galing sa puso yun, hindi ko naman kailangan ipabalik pa."

THE PUBLICIST. Kung naging mahinahon si Governor ER sa pagbibigay ng kanyang pahayag tungkol sa isyu, taliwas naman ito sa panibagong pahayag ng kanyang publicist na si Jobert Sucaldito.

Nanggagalaiti pa rin sa galit ang columnist-radio host nang magbigay siya ng pahayag sa pamamagitan ng text messaging.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinagot niya ang inilabas na pahayag ng EnPress tungkol sa proseso ng kanilang nominasyon.

Ayon kay Jobert, "Simple lang ang gusto kong iparating sa kanila. Yung sinabi nilang di umabot sa minimum 110-120 points si Gov. ER Ejercito sa kanilang final scoring of the 15-voting members.

"To reach a 110 points, someone must get an average of at least 7.5 score each judge para makapasok sa minimum points requirement nila.

"With a 1-10 point system, mabigyan lang ng dalawang anti-gov E.R. ng below 5 na score si ER, kahit mataas pa siya sa iba, malalaglag talaga siya."

Kinuwestiyon din ni Jobert ang partisipasyon ng EnPress member na si Rose Garcia sa pagboto sa Best Actor category dahil sa pagiging publicist nito ni Dingdong Dantes.

Isa sa mga nominadong aktor si Dingdong.

Ayon sa kanya, "She [Rose] could have abstained from voting for this category or was forced or ruled out to vote for best actor."

Bilang publicist naman ni Governor ER, todo rin sa pagtatanggol si Jobert kay Governor ER.

Sa paniniwala ni Jobert ay umaayon sa kanya ang karamihan ng mga Pinoy sa kanyang opinyon na deserving ang gobernador na makakuha ng nominasyon.

Nagbigay rin ng reaksiyon si Jobert tungkol sa pagsosoli ng EnPress sa P100,000 sponsorship donation na ibinigay ni Governor ER noong isang taon.

"Re the P100K sponsorship na balak nilang ibalik kay Gov. ER, di pumayag si Gov. ER siyempre, dahil bukas sa kalooban niya ang pagtulong sa kanila.

"Pero kung ipipilit nilang ibalik thru me, baka kunin ko at itutulong ko na lang sa mga kasamahan nating mga manunulat who need medical assistance kaysa mapunta sa isang walang utang na loob at walang kakuwenta-kuwentang organisasyon."

ENPRESS. Samantala, nakausap ng associate editor ng PEP na si Erwin Santiago ang EnPress member na si Rose Garcia ngayong hapon, March 19. Kinuha namin ang kanyang reaksiyon sa patuloy na pag-aakusa sa kanya ni Jobert.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Rose, hangga’t maaari ay ayaw na niyang palakihin pa ang isyung ito at maging mistulang sabong ang pagpapalitan nila ng salita.

Iginiit niya na bilang isang voting member ng EnPress ay may karapatan siyang iboto ang sa palagay niya ay karapat-dapat makakuha ng nominasyon.

Ngunit bilang isang publicist, alinsunod na rin sa patakaran ng kanilang samahan, hindi siya maaaring makisali sa deliberasyon ng mga kandidato para sa kategoryang kinabibilangan ng mga artistang hinahawakan nila; gaya rin ng iba pang miyembro ng Enpress na publicist din ng ibang mga artista.

Nakausap din ni Erwin ang pangulo ng Enpress na si Jun Nardo ngayong hapon upang kunin ang kanyang reaksiyon sa matatalim na salita na binitawan ni Jobert laban sa kanilang organisasyon.

Ayon kay Jun, hindi na nila sasagutin ang anumang pahayag laban sa kanila ni Jobert dahil ayaw nilang palakihin pa ang isyung ito.

Nauunawaan din daw niya ang nararamdaman ni Jobert bilang publicist ni Governor ER, pero naninindigan sila sa kinalabasan ng kanilang nominasyon.

Sa huli, sinabi nitong maliit lamang ang showbiz industry at ayaw nila ng away.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN