Mike Tan on his dream leading lady: "Parang hindi rin buo ang pagiging Kapuso actor mo kung hindi mo makakapareha si Marian—bilang siya yung reyna talaga, di ba?"

Mike Tan is considered one of GMA-7’s versatile actors having honed his talents as he waited for good breaks after being an ultimate male winner of StarStruck Batch 2.


Si Mike Tan ay maituturing na isang matiyagang artistang naghintay para mapansin at mabigyan ng oportunidad ng GMA-7 pagkatapos niyang manalo bilang ultimate male winner ng StarStruck Batch 2.

Magkaganoon man, puro pasasalamat pa rin siya nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong isang linggo sa isang restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Aniya, "Thankful ako, nagpapasalamat ako sa network dahil magaganda ang mga projects na napupunta sa akin.

"Simula pa last year, masasabi ko na sunud-sunod naman yung mga projects—at magaganda lahat!"

Regular na napapanood ngayon si Mike sa primetime series ng Kapuso network na Legacy.

"Ngayon, itong Legacy, ibang atake naman, ibang karakter naman ang ginagampanan ko.

"At bukod pa sa maganda yung istorya talaga at sa mga kasamahan ko, ang dami kong natutunan sa kanila.

"Lahat halos magagaling talaga," sabi ng young actor.

MARIAN RIVERA. Sa puntong ito ng kanyang career, naniniwala si Mike na okay naman ang wala siyang permanenteng ka-loveteam.

Dahil nga dito, nabibigyan siya ng pagkakataon na makapareha ang ibang mga leading ladies ng Kapuso.

Si Marian Rivera ang unang binanggit ni Mike na pakiramdam niya ay mas matsa-challenge pa siya kapag nakatrabaho niya.

"Si Marian kasi, siguro aminin na natin, she’s really the biggest star of GMA.

"So, kahit sinong actor, parang privilege na makatrabaho siya o makapareha, di ba?

"At saka, parang hindi rin buo ang pagiging Kapuso actor mo kung hindi mo makakapareha si Marian—bilang siya yung reyna talaga, di ba?

"Bukod sa sobrang ganda... magaling!" saad ni Mike.

Patuloy niya, "Pero bilang actor, mas gusto ko na rin na walang ka-loveteam.

"Kasi, in a way, mas nae-explore ko ang kakayahan ko.

"Mas nakakapag-experiment ako sa iba’t ibang ka-partner.

"Saka siguro nandoon na rin ako sa mas more matured roles na talaga."

OTHER PARTNERS. Bukod kay Marian, gusto rin daw ni Mike na makapareha si Sarah Lahbati.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakikita ko kasi, marami pa siyang magagawa at nakakatuwang makapag-experiment din sa mas mga bago.

"Pero marami rin kasi akong gustong makapareha o makasama noon na nakakasama ko na ngayon, ’tulad ni Heart Evangelista, na nakasama ko na sa Legacy.

"Then si Lovi Poe, si Alessandra de Rossi... so, lahat yun, gusto kong makatrabaho—parang ibinigay na agad lahat ngayon sa Legacy."

NO LIMITATIONS. Ang isa pang maaaring maipupuri kay Mike ay wala siyang masyadong limitasyon.

Nakahanda rin siya kung kailangang magpakita ng kaseksihan mapa-eksena man sa serye o sa pagrampa.

Rarampa ba siyang muli sa Cosmo Bachelor Bash ngayong taon?

"Kung may imbitasyon ulit, bakit naman hindi?

"I think naman, I’m old enough para bigyan ko pa ng limitasyon ang sarili ko," sagot ni Mike.

NOT A PHONE FREAK. Pagkatapos nito ay hindi na kami nagpaliguy-ligoy pa kay Mike. Tinanong namin siya tungkol sa usap-usapan na may isang bading na diumano’y gustung-gusto siyang bigyan ng kung ano-anong bagay, ’tulad ng iPhone 4S.

"Ang alam ko, naka-iPhone 4S ako ngayon at, alam ko, pinaghirapan ko ’to!" natatawang sabi niya.

"Actually, retention plan ’to, e, so free phone at saka siguro, lalo na ang mga taong nakakakilala talaga sa akin, alam nila na ako yung taong hindi naman maarte sa phone.

"At saka, ugali ko, hangga’t hindi ko kayang bilhin ang isang bagay, hindi ko binibili.

"Gusto ko kasi, kung ano yung meron ako, pinagsikapan ko, pinaghirapan ko at ako talaga yung bumibili."

INDECENT PROPOSAL. Hindi naman itinanggi ni Mike na naka-encounter na rin siya na parang indecent proposal. Paano siya nagre-react sa mga ganito?

"Alam ninyo ako, sa totoo lang, sa mga ganoong sitwasyon, nagpapasalamat ako.

"Pero kung kaya ko naman, bakit hindi na lang ako ang bumili?

"Kasi, naniniwala ako, kapag nagsimula kang mag-entertain, nasa ’yo rin yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ako kasi, StarStruck days pa, minsan may magte-text na lang, amount lang ang nakalagay.

"Minsan, may tatawag, ’Punta ka naman sa hotel na ’to, kunin mo lang ang allowance mo.’

"Ako naman, ’Pasensiya na po, bakit po may allowance? Hindi po ako ganyan.’"

Kilala ba niya ang mga nagte-text o tumatawag?

"Hindi—yung iba. Pero meron akong mga nakilala ko."

Kapag may ganoong parang may ibang motibo, nakikipagkaibigan pa rin ba siya sa mga ito o lumalayo na siya?

"Hindi naman. Kasi once na sinabi kong ayoko, nirerespeto naman nila ang desisyon ko.

"So, ibig sabihin, naiintindihan nila na hindi ganoon si Mike."

Dugtong pa niya, "Kilala ko rin kasi ang sarili ko.

"Wala akong against sa iba, nirerespeto ko sila.

"Malaki rin ang paghanga ko sa kanila dahil, sa totoo lang, ang dami sa kanilang successful.

"Kaya alam ko, nirerespeto rin nila kapag nalaman nila kung paano rin ako."

GAY BENEFACTOR? Sa huli, tinanong namin si Mike kung bakit tila hindi namamatay ang isyung may gay benefactor siya?

"Hindi ko alam. Baka lahat ng artista may isyu yatang ganoon.

"So, hindi ko alam. Baka part talaga yun ng showbiz.

"Sa akin, importante pa rin, basta kilala mo ang sarili mo," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN