Julia Montes celebrates 17th birthday at her newly-purchased home in Antipolo

"Masaya ako kasi noon pa lang talaga, hindi ko ine-expect na magkakabahay ako. Iniisip ko na baka sa age na 25 pa ako magkakaroon ng bahay," saad ni Julia Montes na ngayon ay nakapagpundar na ng bahay sa edad na 17.


Malaki na ang nagbago sa buhay ni Julia Montes mula nang pumasok siya sa showbiz bilang cast member ng kiddie gag show na Goin’ Bulilit noong 2004.

Nitong Martes, Marso 20, ay pinasinayaan ang kauna-unahang property investment ni Julia—isang bahay sa isang private subdivision sa Antipolo.

Ayon sa young actress, malaking tulong para sa kanyang pamilya ang naging break niya sa teleseryeng Mara Clara noong 2010, kung saan nag-umpisa siyang makilala.

"Nagbago ngayon [ang buhay ko] kasi parang ngayon, hindi na ’ko namomroblema [sa pera]," pag-amin ng dalaga nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa bago niyang tahanan kung saan sabay na naganap ang house warming at 17th birthday party niya.

Patuloy niya, "Kasi before, talagang namomroblema ako sa pag-aaral ng mga kapatid ko.

"Umabot ako sa point na parang [sinsabi ko], "Ma, hindi ko kayang tumigil ako kasi kawawa ’yong mga kapatid ko.’

"Ayun, masaya ako na secured na rin sila ngayon."

Si Julia ang tumatayong breadwinner ng kanyang pamilya.

THANKFUL TO HER SUPPORTERS. Malaki ang utang na loob ni Julia sa kanyang mga fans na naging malaking bahagi ng kanyang pagsikat.

Kaya naman heto ang ibinigay niyang mensahe para sa mga taong naniwala at sumuporta sa kanyang talento:

"Sa lahat, maraming-maraming salamat kasi kung wala talaga kayo, wala rin ako dito.

"Hindi ko alam kung paano ko ie-express iyong pagmamahal ko sa inyo, pero thankful ako sa inyo.

"Kung ano iyong nakikita ninyo sa akin na achievements ko, para din sa inyo ito hindi lang para sa family ko."

Maliban sa kanyang fans, nagpapasalamat din si Julia na nagkaroon siya ng mabubuting kaibigan sa showbiz; gaya nina Kathryn Bernardo, Sam Concepcion, Enrique Gil, Melissa Ricks, Janus del Prado, at Ms. Susan Roces na pawang naglaan ng panahaon upang makadalo sa kanyang party.

Sabi ni Julia, "Ayun, kaya rin ako naiyak kanina kasi alam ko galing pa sila [Kathryn at Enrique] sa airport, ’tapos dumiretso na sila dito para lang maka-attend."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sina Kathryn at Enrique ay bagong dating lamang mula sa Bhutan noong araw na iyon. (CLICK HERE to read related article.)

HER NEW HOME. Hindi pangkaraniwan sa mga batang kasing-edad ni Julia ang nakakapagpundar ng sarili nilang tahanan.

Kaya naman ibang kaligayahan ang nararamdaman niya ngayon na natupad ang pangarap niyang maibili ng bahay ang kanyang pamilya.

Ayon kay Julia, "Masaya ako kasi noon pa lang talaga, hindi ko ine-expect na magkakabahay ako.

"Iniisip ko na baka sa age na 25 pa ako magkakaroon ng bahay. And sabi ko pa nga sa lola ko, baka matagalan pa.

"Sabi ko, ’Mukhang bubunuin ko pa ito,’ and hindi ko ine-expect na magkakaroon ako ng gift para sa kanila na, ito na nga, bahay na."

Noong March 15 lumipat ang pamilya ni Julia sa bagong tahanan na ito—isang corner lot property na may dalawang palapag.

Buo na ang country-style na tahanan nang makita nila ito ng kanyang Mommy Gemma habang nag-iikot sa iba’t ibang at tumitingin ng mabibiling property.

Agad daw nagustuhan ni Julia ang bahay na animo’y perpekto para sa kanyang pamilya.

Ayon sa dalagang aktres, "Matagal ko nang plano [bumili]. Noon pa lang, nag-iikot ikot na kami kahit wala pa akong pang-down [payment].

"Pero may mga endorsements na dumating so naghanap na kami talaga ng kung ano iyong pipiliin.

"And then, iyon nga, noong nakakita na kami, heto, another blessing."

Matapos ang bahay ay balak namang isunod ni Julia ang pagpundar ng isang negosyo para sa kanyang Lola Flory, na siyang halos nagpalaki na sa kanya.

"Uunahin ko muna iyong sa salon ng lola ko, ’tapos kung ano iyong maisipang business, iyon na iyong susunod."

CHANGES AT 17. Bukod sa bumubuting pamumuhay ng kanyang pamilya ay ilang pagbabago rin ang inaasahang mangyari kay Julia ngayong 17-anyos na siya.

"Awkward kasi iyong kilos ko gano’n pa rin, pero sabi nila, ’Uy, umayos ka ng tayo!’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Uhm, okay, ’di ko alam kung paanong ayos kasi parang feeling ko, okay naman ako.

"Mas matured na nila ako tini-treat kasi 17 na daw ako, dapat daw hindi na ako... [dapat] ladylike na ako kumilos.

"Pero iyon, at least merong mga sumusuporta sa ’kin na umayos ako ng kilos."

WALANG HANGGAN. Samantala, tuluy-tuloy naman ang pasok ng blessings para kay Julia dahil nananatiling maganda ang takbo ng kanyang teleseryeng Walang Hanggan.

Ayon sa kanya, "Masaya kasi marami nang naaapektuhan na napunta ako kay Nathan [Paulo Avelino].

"Marami na rin nagsasabi na ’Dapat ma-realize mo na si Daniel [Coco Martin] ang para sa’yo.’

"So, at least, nakikita ko na click din iyong Daniel-Katarina na loveteam, so masaya."

Dahil sa tagumpay ng tambalan nila ni Coco, may tsansa kayang masundan ito ng isa pang proyekto?

"As of now, wala pa namang nababanggit. Pero as soon na meron, balitaan namin kayo," nakangiting sabi ni Julia.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN