Lucky Mercado talks about his experiences on The Biggest Game Show In The World Asia

After spending time on the set of The Biggest Game Show In The World Asia in Malaysia, Lucky Mercado reveals that many of the contenders became romantically involved with one another. Including him? “Um…meron silang dapat abangan,” he says.


Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang aktor at commercial model na si Lucky Mercado sa trade show ng TV5 noong Pebrero 15 sa NBC Tent.

Kabilang siya sa 30 Filipino contenders ng The Biggest Game Show In The World Asia, ang international game show ng Kapatid network na nag-umpisang umeere noong Pebrero 12.

Naikuwento niya ang pinagdaanan niyang audition process upang mapabilang sa naturang programa.

“Iyong roster ng show, iyong mga contenders, lahat kami nag-undergo ng audition.

“Lahat talaga—may mga models, mga athletes, pati kami mga taga-TV5—talagang nag-audition. Kahit iyong mga staff, mga segment producers, mga writers, nag-try silang mag-audition.

“Lahat nag-undergo ng circuit training, cardio exercises, lahat; as in ang daming nag-back out, ang daming hindi tumagal.

“Tapos nabuo iyong 30, so lahat kami, kami iyong sabihin na nating…hindi naman lahat malalakas, pero lahat kami physically fit at nakapasa doon sa audition.

“Hindi iyong ‘Uy, ikaw puwede ka dito,’ hindi gano’n. Lahat talaga dito nag-audition.”

Sina Richard Gomez at Joey de Leon ang nagsisilbing hosts ng naturang programa.

Si Joey ang local studio host na nagbibigay aliw sa mga manonood sa pamamagitan ng kanyang mga nakakaaliw na komento.

Samantalang si Richard naman ay kasa-kasama ng mga manlalaro sa Kuala Lumpur, Malaysia, kung saan naroon ang studio na sadyang ipinatayo para sa mga palaro.

Ayon kay Lucky, ito raw ang isa sa kaibahan ng kanilang programa sa ibang mga game shows na napapanood sa telebisyon ngayon.

COMPETITION AMONG COUNTRIES. “Iyong Biggest Game Show po kasi iba siya dahil unang-una, competition siya ng bawat countries.

“Hindi lang iyong bawat tao iyong nagco-compete sa isa’t-isa, ito pride ng bawat country, pride ng Pilipinas, pride ng ibang bansa na makuha nila iyiong medal, na makuha nila iyong first prize.

“Hindi siya iyong regular game, e, hindi siya iyong regular sport [katulad ng] basketball na ipa-practice mo iyan, gagaling ka magbasketball, tira ka ng tira, shoot ka ng shoot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ito kasi, iyong games dito, hindi siya iyong the usual. Hindi mo siya mapa-practice so hindi mo masasabi na ‘A, basketball player ako, athlete ako, kayang kaya ko ‘yan.’

“Ang daming athlete na na-injury agad kasi masyado nilang prin-essure [pressure] iyong sarili nila, masyado silang tiwala sa physical ability nila na hindi nila nagamit dahil nakalimutan nilang mag-enjoy, nakalimutan nila iyong teamwork.

“So, parang dito sa game show na ‘to, hindi lang siya basta game show, hindi lang siya puro katatawanan. Marami dito iyong reality part na nagsisisihan.

“Marami dito iyong naaaway dahil hindi nagawa iyong ganito, hindi nagawa iyong ganyan.

“Marami ditong nagkagustuhan, marami iyong na-injury. Sa Pilipinas ang daming na-injury talaga—may nabalian ng buto.

“So, hindi lang siya talaga game na nakakatuwa, e. Game siya na nakakatakot at the same time.

“Masayang panoorin pero pag ikaw iyong nandoon, talagang nakakatakot. Pero enjoy siya, sobra.”

LIKE TAKESHI’S CASTLE ONLY BIGGER. Base sa paglalarawan sa programa, hindi maiwasang maikumpara ito sa ’80s Japanese game show na Takeshi’s Castle.

Sumikat ito sa Pilipinas taong 1990 nang iere ito ng IBC-13 at pinangungunahan nina Anjo Yllana at Smokey Manaloto bilang hosts.

Kalaunan ay ipinalabas ng GMA-7 taong 2006 ang revival ng naturang programa kung saan sina Joey de Leon at Ryan Yllana naman ang naging hosts.

Ano nga ba ang pagkakaiba o pagkakatulad ng The Biggest Game Show In The World Asia sa Takeshi’s Castle?

“Parang Takeshi’s Castle na mas pinalaki,” saad ni Lucky.

“Countries siya na magkakalaban, hindi iyong, iyon na nga, iyong isa-isa kayo, naglalaban-laban kayo para manalo.

“Ito magtutulung-tulong kayo para manalo—may teamwork, you play as a group.

“Meron ding game na solo-solo [katulad] iyong naka-mascot pero kailangan mo pa rin iyong teammates na nag-a-assist sa’yo para magawa mo iyong game na iyon.

“Kasi hindi ka naman nakakakkita, e, naka-mascot [costume] ka so may mga sumisigaw ‘Left, right,’ mga gano’n.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkuwento din si Lucky tungkol sa isang challenge na hindi niya malilimutang ginawa niya para sa programa.

HUMAN OCEAN. “Iyong nilaro ko iyong Human Ocean. Ang laro niya meron kang dalawang timba na hawak na punung-puno ng water.

“Tapos tatawid ka, merong isang diretso na super dulas, sobrang daming sabon, at may tao sa ilalim na sinisipa [iyong daanan]. So kapag tumatakbo ka, may sumisipa, so madudulas ka, mahuhulog ka.

“So, kailangan makatawid ka doon na puno iyong tubig or kailangan may laman iyon para kapag sinalin mo siya doon sa sukatan niyo, para malaman kung pang-first ka pang-second o third kung marami kang nakuhang tubig.

“So, nakakatawa iyong game pag napanood mo kasi tumatalbog-talbog iyong tao doon sa gitna, tapos hindi na makatayo, tapos pagdating doon wala pang natirang tubig, so nakakatawa siya sobra.”

Tatlumpung katao ang bumubuo sa Team Philippines. Ilan sa mga ito ay artista, atleta, modelo, mang-aawit, at ordinaryong mamamayan.

Kumusta naman ang bonding nila sa set ng programa?

“Karamihan kasi sa teammates ko first time ko silang na-meet. May mga isa o dalawa na kakilala ko na pero karamihan doon ko na lang sila nakilala.

“Si Alizon [Andres, commercial model and actor] saka si Patani [Daño, dating castaway ng Survivor Philippines], iyon iyong mga nakilala ko na before, tapos sa team ko pa sila so parang kaming tatlo talaga iyong magkakausap.

“So, parang ang hirap pa ng bonding namin sa grupo kasi lahat ng mga kasama ko sa grupo puro tahimik. Ako lang iyong makulit na, ‘Uy, uy, ganito,’ ganyan.

“Ako ang nag-a-assign ng mga lider, ‘O, ikaw leader,’ ganyan. Pero sabi naman nila kung hindi ko raw ginawa iyon hindi mabubuo iyong grupo namin kasi may kanya-kanyang mundo.”

SHOW OF FORCE. Kumusta naman ang pakikitungo nila sa mga kalahok mula sa ibang bansa?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pagdating pa lang namin doon ano na, e, showdown na kaagad, e.

“Meron namang [chance na magkakilala] pero iyong unang, unang araw namin doon, pagdating namin doon, nagkakitaan ng teams, showdown—pagalingan.

“May nagsayaw, nag-tumbling-an, pakitaan ng mga muscles, talagang showdown.

“Then after that, habang nag-ge-game, habang nagchi-cheer kami on the side, doon na iyong chance na, ‘Hi, I’m from the Philippines. Kumusta ka?’

“Ganyan, tinatanong namin kung ano iyong meron iyong bansa nila na wala kami, kung ano iyong mga specialty ng bansa nila na wala kami, gano’n.”

ROMANCING THE GAMES. May mga nabuo bang romantic relationships sa pagitan ng mga contenders?

“Meron, meron. Sobrang dami. Iyong mga taga-ibang countries sa Pilipinas, sobrang dami, panoorin ninyo.”

May nakagaanan din ba ng loob si Lucky sa mga babaeng manlalaro?

“Um…meron silang dapat abangan,” nangingiting sagot ng aktor.

Sa palagay ni Lucky, alin sa Thailand, Vietnam, at Indonesia ang naging pinakamahigpit na kalaban ng Pilipinas?

“Vietnam, kasi lahat sila athletes. Iyon nga sabi ng kasama ko, ‘Ultimo babae nila mukhang lalake,’ kasi talagang ang lalaki [nila], iyong fit na fit talaga iyong mga muscles.

“Tapos ang tatangkad, ang hahaba ng legs, parang lahat sila talaga ready to play the game, talagang physically fit.

“At the same time, iyong isip nila nakatutok doon sa championship, e. Iyong talagang goal nila is manalo, super.

“Kaya nakikita namin sa kanila, hindi sila nag-e-enjoy, which is baliktad namin.

“Kumbaga bonus na kapag manalo tayo, basta nag-enjoy tayo. So iyon-iyong ano namin ng mga ka-team ko, lalo iyong ka-team ko, kasi parang balewala din siya na nagpunta kami ng Malaysia at paglaro mo ng The Biggest Game Show kung hindi ka nag-enjoy.”

Kasalukuyang mapapanood ang The Biggest Game Show In The World Asia tuwing Linggo, 9:00 ng gabi sa TV5.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN