Direk Joey Reyes on first indie film: “Lahat tayo iisa lang ang layunin, ang makagawa ng mga magagandang pelikulang Pilipino.”

Known or infamous for his being strict on the set, Direk Joey Javier Reyes emphatically declares: “Nagpapatunay lamang na kahit pala ganito ako kataray ay marami pa ring tao ang nagmamahal sa akin!”


Isa sa mga hinahangaan at ginagalang na direktor sa industriya si Jose Javier Reyes.

Sa loob ng kanyang pagtatrabaho sa film industry, marami nang blockbuster movies ang kanyang nagawa, pero lahat ng yun ay pawang mga mainstream films.

Sa ngayon, inaamin ni Direk Joey na first time niyang gagawa ng "indie" film sa pamamagitan ng Mga Mumunting Lihim, entry niya sa Cinemalaya 2012 Directors’ Showcase.

“Ito ang una kung indie movie,” sabi ni Direk Joey sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

“Matagal ko nang gustong gumawa ng indie, pero natatakot ako.

“Pero sa pagkakataong ito, sobrang enjoy.

"Bago mag-shooting, hindi ako makatulog sa excitement na makapunta sa set.

“Hindi ito ang huli kong indie movie," deklara pa niya.

THE PLOT. Masayang ikinuwento ni Direk Joey sa PEP ang takbo ng istorya ng kanyang pelikula.

“Kuwento ito ng apat na magkakaibigan na napakaraming taon na ang pinagsasamahan, at kung ano ang naganap matapos mamatay ang isa sa kanila.

“At sa kanyang pagkamatay, meron siyang mga iniwan na ebidensiya, na nagpakita ng kung anu-ano ang mga sikreto na itinatago ng magkakaibigan sa isa’t isa.”

Masasabing hindi “normal” na indie film ang ginagawa ni Direk Joey dahil madalas ay theater actors ang gumaganap at limitado ang budget.

Sa Mga Mumunting Lihim, ‘stellar cast’ ang mga artistang kasali—sina Judy Ann Santos, Iza Calzado, Agot Isidro, at Janice de Belen.

Ayon kay Direk Joey, “Alam mo, suwerte ako, tatlong punto…

"Una ay siguro inalalayan ako ng Panginoon para sa sa proyektong ito dahil nakuha ko ang mga cast na talagang gusto kong gumanap.

“Ikalawa, itong pelikulang ito ay alay ko sa aking kaibigan na yumao na si Don Escudero.

“Siguro si Don, tinutulungan din ako.

“Ikatlo, kahit man mayroon mang kaunting aberya sa schedule ng ibang cast members na kailangang mapalitan, ay nakuha ko pa rin yung mga mas favorable na mga kondisyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagpapatunay lamang na kahit pala ganito ako kataray ay marami pa ring tao ang nagmamahal sa akin!”

Kasama rin dapat sa cast si Eugene Domingo pero dahil sa conflict sa schedule ay hindi siya nakasama. Si Janice ang pumalit sa kanyang role.

Sa mga naunang panayam noon kay Janice, inamin nitong kahit sobrang busy ang kanyang schedule ay hindi nito mahindian ang isang Joey Javier Reyes.

“Totoo ’yan!" sambit naman ni Direk Joey.

"Ang tagal na naman ng pinagsamahan namin.

“Huling beses kaming nagsama ni Janice bago nito ay yung pelikula namin with Richard Gomez, Maricel Laxa, and si Janice—yung Ikaw Ang Lahat Sa Akin.

“Dyusko, kailan yun? Ikaapat na pelikula ko yun, ito na yung aking ika-63 pelikula ko!

“So, ang dami ko nang pelikulang nagawa at takam na takam na akong makatrabaho ulit si Janice!”

CINEMALAYA. Ang Mga Mumunting Lihim din ang unang Cinemalaya entry ni Direk Joey.

Paano kaya niya nabuo ang malalaking artista para sa isang pelikulang hindi ganun kalaki ang budget?

Nagpaka-totoo naman si Direk sa pagsasabing, “Kasi marami kaming ka-TY-an dito."

Ang ibig niyang sabihan ay "thank you" o walang bayad.

“Maraming gumagawa dito dahil gusto namin itong ginagawa namin.

“At napatunayan naming iba yung nagtatrabaho ka lamang, sa gusto mo yung ginagawa mong trabaho—ibang-iba.

“Sabi nga, kung tutuusin itong pelikulang ito, palugi, e.

“Uhm, ilang buwan na wala akong kikitain? Ilang buwan na hindi ko nakuha ang oras ko?

“Pero ginagawa ko ito dahil sa pagmamahal ko sa pelikula at alam ko ang mga taong nandito ay alam ko naniniwala sila sa proyektong ito at yun ay nakakataba ng puso.”

Dugtong pa ni Direk Joey, “Nandidito ang producers na nag-invest ng pera sa akin…

“Nandidito ang mga artista na ginagawa nila ito dahil mahal nila ako at naniniwala sila sa proyekto…

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Iba ito kaysa sa pumupunta ka lang dahil gusto mo kunin ang talent fee mo.”

Sa huli, masaya si Direk Joey na muling gagawa ng pelikulang gustung-gusto niya.

“Ito lang ang pagpapatunay na ito ang Cinemalaya. Ito ang mga indie movies, ito ang mga mainstream movies!

“Lahat tayo iisa lang ang layunin, ang makakagawa ng mga magagandang pelikulang Pilipino.

“Maging ako man, o bata na kakasimula pa lamang gumawa ng pelikula…

“Maaring isang Joel Lamangan, maaring isang Marilou Diaz-Abaya, maaring isang Emerson Reyes…

“Iisa lamang ang gusto namin, makagawa ng pelikulang gusto namin at magandang pelikulang Pilipino.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN