Janine Gutierrez on joining beauty pageants: "Hindi ko lang po ma-imagine ang sarili ko na lumalaban doon. Parang hindi ko po siya hilig.”

Newcomer Janine Gutierrez will have a special guest appearance on GMA-7 primetime series My Beloved.


Sanay na si Janine Gutierrez na palagi siyang tinatanong kung hindi ba siya sasali sa Binibining Pilipinas sa tuwing mai-interview siya ng press.

Sa ganito rin umikot ang mga tanong kay Janine nang huli siyang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press sa taping ng My Beloved bago mag-Holy Week.

May special guest appearance si Janine sa primetime series na pinagbibidahan nina Marian Rivera at Dingdong Dantes.

Sa obserbasyon kasi ng marami, malaki ang pag-asang manalo ni Janine kung sakaling sumali nga siya sa beauty contest.

Ayon naman kay Janine, “Hindi ko po alam... Hindi ko lang po ma-imagine ang sarili ko na lumalaban doon. Parang hindi ko po siya hilig.”

Talagang wala raw sa puso at isip niya ang pagsali sa beauty contest kahit na ang mommy niya na si Lotlot de Leon ay nabanggit na rin ito sa kanya.

“Si Mama po, sinasabi na sumali raw po,” sabi ng baguhang aktres.

Kahit daw ang auntie niyang si Ruffa Gutierrez ay supportive kung magdedesisyon siyang sumali sa beauty contest.

“Si Tita Ruffa, dati po sinasabi kung gusto ko raw, siya raw po ang mag-aasikaso,” aniya.

Si Ruffa ay half-sister ng ama ni Janine na si Ramon Christopher.

Hindi ba siya napi-pressure kapag marami ang nagsasabi sa kanya na puwedeng-puwede siya at malaki ang chance niya?

“Hindi naman po. Naiisip ko po kasi kamag-anak ko kasi si Tita Ruffa!” natatawang sabi ng dalaga.

Nababaduyan ba siya sa mga beauty pageant?

“Hindi po!” mabilis niyang tugon.

“Mahilig din po akong manood lalo na po ang Miss Universe. Kasi, gandang-ganda po ako sa mga taga-Mexico… Latina.”

Naiisip ba niya na baka hindi siya manalo?

“Hindi naman po. I think, kahit hindi po ako manalo, good experience po yun.

“Hindi ko lang po talaga naisip na sumali.”

FIRST DRAMA SERIES. Unang serye ni Janine ang My Beloved simula nang nagdesisyon siyang mag-artista at maging isang Kapuso.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Janine, “Nakakatuwa po.

“Sobrang gaan po ng pakiramdam kasi lahat po ng staff, mga nakasama po ni Mama sa iba niyang soap dati—yung Gumapang Ka Sa Lusak, ‘tapos Nita Negrita.

“Nakakatuwa po kasi ang tawag po nilang lahat sa akin, ’Lotlot.’

“Kapag pack-up po, ‘O, pack-up na yung double ni Lotlot!’

“So, ang bait po nilang lahat. Ang sarap po ng pakiramdam.”

Sa palagay ba ni Janine ay ang My Beloved ang magandang vehicle sa kanya para sa una niyang karanasan sa pag-arte o mas maganda kung bida agad ang launching niya?

“Wish din po,” nakangiti niyang sabi.

Medyo na-disappoint ba siya?

“Hindi naman po disappointed.

“Nagpapasalamat naman po ako sa opportunity na binibigay ng GMA sa akin, so pagbutihin ko na lang pong lahat.”

Sa My Beloved ay gagampanan ni Janine ang papel ni Johanna, na engaged na sana sa kasintahang si Frank Magalona bago siya bawian ng buhay sa serye.

Twenty-two years old na si Janine at graduate na ng kolehiyo sa Ateneo de Manila. Pero ayon sa dalaga, hindi pa raw siya nagkakaroon ng boyfriend.

Posible ba na hindi pa siya papayag sa kissing scene?

“Yes po, ayaw rin po yata ni Mama,” sabi ni Janine.

MARIAN RIVERA. Ayon kay Janine, kilala na raw niya ang female lead ng My Beloved na si Marian Rivera noon pa man.

Kuwento niya, “Magkakilala na po kami kasi sa Dyesebel po, si Mama, mommy niya. So, nagkakilala po kami.

“Beach po kasi ang taping ni Mama kaya sumasama po ako.”

Ano naman ang naging impression niya kay Marian?

“Idol ko po yun, e. Kasi ano po, gandang-ganda po ako sa kanya ‘tapos gusto ko po ang pag-arte niya.

“Hinahangaan ko po talaga siya kaya natutuwa rin po ako na dito ako nilagay,” sabi ni Janine.

DREAM PARTNER. Sa ngayon, wala pang ka-loveteam si Janine. Pero sino ang nakikita niyang puwedeng ipareha sa kanya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Si Alden [Richards] po. Masaya pong kasama,” mabilis niyang sagot.

Pero may isang Kapuso actor ang hindi puwedeng ipareha sa kanya—si Richard Gutierrez bilang uncle niya ito.

Pero ano ang reaksiyon ng mga tito at tita niya sa pagpasok niya sa showbiz?

“Nakikita ko po sila sa Party P [Pilipinas]. Supportive naman po sila.

“Pati si Tita Ruffa, kapag may kailangan daw po ako, magsabi lang daw po ako.”

May pressure ba na isa siyang Gutierrez?

“Meron po, pero napaka-supportive naman po nilang lahat.

“Kung may pressure man po, galing na lang sa sarili ko na kailangan, maayos po ang ginagawa ko.”

Kumusta naman sila ng maternal grandmother niyang si Nora Aunor?

“Niloloko niya po kami. Kasi, lahat po kami, pati po ang bunso naming kapatid, mas matangkad na sa kanya.

“Niloloko niya po kami na ‘Ayan ang mga apo kong tisay na nagmana sa akin!’ Ganoon po ang sabi niya sa amin,” kuwento ni Janine tungkol sa kanyang Superstar lola.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN