Gwen Garci on "betrayal" issue with Andrea del Rosario: "Siguro ’wag na kami mag-usap."

Gwen Garci admits breakup with her Italian boyfriend of four years and becoming a single mom to baby Naima.


Isa ang PEP.ph. (Philippine Entertainment Portal) sa ilang naimbitahan sa mini-presscon para sa dating Viva Hot Babe na si Gwen Garci sa opisina ng Viva Films, Tektite Towers, Ortigas, Pasig City kaninang hapon, April 24.

Hudyat ito ng muling pagbabalik-showbiz ni Gwen na nasa Pilipinas noon pang Abril ng nakaraang taon.

Nang bumalik si Gwen last year ay tumanggap daw siya ng trabaho sa labas ng bansa gaya ng pagmomodelo sa Singapore at naging cover pa raw siya ng isang magazine sa Dubai.

Ilang taon ding nawala ang sexy actress nang mabuntis at nakisama ng apat na taon sa Italyanong boyfriend na si Nicola Coccia.

Nagkaroon sila ng isang baby girl, si Naima, na magdadalawang taong gulang na.

Nagkakilala raw sila dito sa Pilipinas nang nakadestino pa si Nicola sa Shangri-La Hotel, Edsa.

Ayon kay Gwen, labis siyang nalungkot sa kanilang pagtira sa China noong malipat ang kanyang boyfriend sa Shangri-LaHotel, Beijing.

Mula sa magulo at masayang mundo ng showbiz, nanibago si Gwen sa tahimik at bagong papel na ginagampanan sa kinasamang si Nicola at bilang ina ni Naima. .

“Kaya ako bumalik dito!” tumatawa niyang pahayag.

“Kasi nalungkot ako do’n, e. Sobrang nalungkot ako do’n."

Makulay at maintriga ang showbiz kaya nanibago ang sexy actress sa kanyang bagong mundong inikutan.

“’Tapos do’n, nag-iisa ka na lang. Wala kang kaibigan,” pag-alala pa niya.

Dumadalaw naman daw ang kanyang mommy sa kanya.

“Once a year… o kaya siyempre kahit papa’no malulungkot ka."

SEPARATION FROM HER DAUGHTER’S DAD. Inamin ni Gwen na hiwalay na sila ng ama ng kanyang anak kaya siya bumalik na rin ng Pilipinas, maliban pa sa talagang na-miss niya ang buhay-showbiz.

O baka daw na-miss lang ni Gwen Garci si Andrew Wolff na “love of her life” kaya siya bumalik ng Pilipinas, biro pa ng kasamahang manunulat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngiti lang ang naging tugon ni Gwen ‘tsaka nagpaliwanag sa totoong dahilan ng hiwalayan nila ni Nicola.

“Long-distance relationship…Hindi, yung mga guys kasi, ‘pag nalaman nila na love mo sila, nagiging kampante na sila.

“Na… iisipin na nila na puwede na nilang gawin lahat. Kasi alam nila na nandiyan ka lang.”

Sa tanong na, Was she taken for granted? “Yes” ang mabilis na sagot ni Gwen.

Mabuti naman at pumayag ang kanyang boyfriend na iuwi ni Gwen ang anak nila rito sa Pilipinas?

“Hindi… not intentional na… inisip niya kasi bakasyon lang, e. Hindi niya alam na ‘di na ako babalik," sabi ni Gwen.

Hindi raw matanggap ng kanyang boyfriend ang pag-alis niya sa kanilang bahay noong una.

“No’ng una siyempre inaaway niya ’ko. Pero ngayon, wala na siyang magawa."

Pero nag-uusap naman na raw sila alang-alang sa kanilang anak.

Nasa pangangalaga ng ina ni Gwen, na nakatira sa Baguio, ang kanyang anak na si Naima.

Halos hindi nga raw niya mahiram ang anak dahil mahal na mahal siya ng kanyang lola at idagdag na rin na napakaganda ng bata.

FEUD WITH ANDREA DEL ROSARIO. Sa nasabing presscon, naungkat ang isyu sa pagitan nila ng kapwa dating Hot Babe na si Andrea del Rosario.

Nag-ugat daw ito nang pangunahan ni Andrea na ibulgar na may anak na si Gwen. Kaibigan diumano ni Andrea ang may-ari ng produktong iniendorso ni Gwen noon.

Naging sanhi ito para umurong ang advertiser ng ineendorso niyang produkto at tanggalin ang billboard niya halos dalawang taon na rin ang nakararaan.

So, kumusta na sila ni Andrea ngayon?

“A, hindi pa kami nag-uusap,” matipid niyang sagot kahit balitang nagkita na sila sa isang pagtitipon, pero umiwas daw siyang makausap pa si Andrea.

“Siguro ’wag na kami mag-usap,” madiin niyang sambit.

“’Wag muna, o huwag na?” balik-tanong ng PEP.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Huwag na,” medyo nangiti niyang tugon.

Kapwa na sila mga ina ni Andrea.

Bukas sa tao ang mga pinagdaanan ng kanyang dating kaibigan dahil sa ang anak ni Andrea na si Beatrice Anne ay ipinanganak na may congenital condition, sanhi upang dumaan ang bata sa apat na operasyon.

“Siyempre naman kahit papa’no, kawawa naman yung baby," medyo malungkot na tugon ni Gwen.

“Mahirap magsalita, e. Mahirap na kasi magsalita,” ang paulit-ulit naman niyang sagot sa isyu sa kanila ni Andrea.

“Mahirap magsalita, friend,” pakiusap niya bilang pagtatapos na ng aming panayam.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN