Garrie Concepcion denies report that mom Grace Ibuna is running for congressional post in Bacolod

Garrie Concepcion on how the people of Bacolod regard her mom Grace Ibuna: “Nagulat nga rin po kami sa napaka-ovewhelming no’ng pagtanggap sa kanya. Talagang nilalapitan siya ng mga tao, niyayakap siya, hinahalikan siya. Ever since naman talagang minahal na nila si Mommy. Siguro nung time na ‘yon, lahat sila dumating to greet her, to be there for her.”


Bumabalik sa showbiz ang nakababatang kapatid sa ama ni KC Concepcion na si Garrie Concepcion.

Magkapatid sina KC at Garrie sa ama nilang si Gabby Concepcion.

WHY SHE LEFT. Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Garrie kamakailan sa press launch ng pinakabagong beauty and medical clinic na Aesthetic Institute of the Philippines sa Eisenhower St., Greenhills, San Juan, ipinaliwanag nito ang bigla niyang pagkawala noong nagsisimula na siyang pumalaot sa mundo ng recording.

Matapos ang presscon nito para sa self-titled debut album niya noong November 2011 ay bigla na lang nawala si Garrie.

“Nagbakasyon kami [ng] December-January," simula niyang kuwento.

“January bumalik kami kasi may pasok yung mga kapatid ko.

"‘Tapos, January 26, nakatanggap ako ng tawag from my mom tungkol kay Dad.

“So, I took the flight no’ng gabi after nga malaman ko from my mom yung kundisyon ni Dad.”

Ang tinutukoy na "Dad" ni Garrie ay ang yumaong kongresista na si Iggy Arroyo na binawian ng buhay sa London.

Ibig sabihin, iniwan niya talaga ang kanyang career para samahan ang kanyang ina at ang maysakit niyang ama-amahan?

“Yes,” pagsang-ayon niya. “Siyempre, nandiyan sa akin ang mommy… she’s been supporting me all my life.

“Ngayon kailangan niya [ako] kaya iniwan ko muna kung ano yung naumpisahan ko sa showbiz.”

HER STEPDAD. Proud si Garie sa pagsasabing malapit siya kay Congressman Iggy.

“Sobra!” pagpapatunay niya.

“Sabi ko nga kay Ms. Karen Davila [ABS-CBN news anchor] na he was really a father to me and my siblings.

“Talagang naging tatay siya sa amin. Hindi niya pinaramdam sa amin na hindi niya kami tunay na anak.

“Ipinaramdam niya na parang anak niya kaming anak na totoo.”

Namimighati pa rin ngayon ang ina niya, ayon pa rin kay Garie.

“Umiiyak pa rin siya. Siyempre, ang dami pa rin niyang tanong kasi nga biglaan yung nangyari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero gusto kong maniwala na one day she’ll get better.”

ABOUT HER MOM’S "CANDIDACY." Hindi makapagbigay ng kumpirmasyon si Garrie sa balitang tatakbo raw ang kanyang ina sa Bacolod, kung saan naglingkod si Congressman Iggy para ipagpatuloy ang mga naiwan nitong mga proyekto.

Wala pa raw kasing sinasabi sa kanya ang ina tungkol dito.

Pero kung sakali mang tumakbo raw ang ina para sa posisyon, susuportahan raw niya ito nang todo.

Sumasang-ayon si Garrie sa mga kuwento tungkol sa mainit na pagtanggap sa mommy niya ng mga tao sa Bacolod noong nagpunta ito doon.

“Nagulat nga rin po kami sa napaka-ovewhelming no’ng pagtanggap sa kanya.

“Talagang nilalapitan siya ng mga tao, niyayakap siya, hinahalikan siya.

“Ever since naman, talagang minahal na nila si Mommy.

"Siguro nung time na ‘yon, lahat sila dumating to greet her, to be there for her," saad ni Garrie.

IGGY’S KIDS? Taliwas sa mga naglalabasang balita na may gap ang mga anak ni Iggy sa tunay niyang asawa at sa mga anak ni Grace, kung ang pagbabasehan ay ang mga sinabi sa amin ni Garie.

Ayon sa dalaga, wala raw silang problema ng mga anak ni Iggy.

“Si Ate Dina [anak ni Iggy] kabi-BBM [BlackBerry Messaging] ko lang kahapon, kasi birthday ng anak niya.

“’Tapos, sa Facebook, si Ate Bianca din. Okay naman kami.

“Hindi totoong nag-iisnaban kami. Of course not!

"Ang nakakatuwa nga rin kasi, yung pagmamahal na ipinakita nila sa amin ay parang totoong kapatid din.

“So, natutuwa naman kami. Saka accepted naman namin ng mga kapatid ko, at accepted rin naman nila.

“Okay naman, never naman kaming nagkaroon ng isyu."

Anim na taon raw nagsama ang kanyang ina at si Congressman Iggy. Walang naging bunga ang pagsasama ng dalawa.

“Gusto nga naming magkaroon sila ng baby, e. Gusto ko ngang magkaroon pa ng kapatid. Pero wala, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nanghinayang talaga kami na hindi sila nagka-baby. Kasi gusto naming lahat na magka-baby sila. E, wala, hindi pinagpala.”

HER DEBUT ALBUM. Mabuti na lang daw at patuloy na pinapatugtog ang kanta ni Garrie sa airplay na pinamagatang "Relaks Lang Tayo."

Ang Backroom Inc., na siyang co-manager ng talent manager niyang si Vivian Recio, ay tumutulong na makapag-promote siya sa mga TV shows at radio programs.

Naalala ni Garie noong nabubuhay pa ang kanyang stepdad na si Iggy, napaka-supportive daw nito sa kanyang singing career.

“Napakinggan niya yung album ko at he was very proud.

"In fact, siya nga po yung napaka-proud na, ‘Halika na! Concert na diyan!’ Grabe naman, wala pang launching!

“’Tapos si Tita Vivian, tinatawagan niya kahit nasa London siya, ‘Vivian, ano na ba? Kelan na ba? Uuwi na kami diyan para mapanood yung launching.’ Gusto talaga niya.”

Ilan sa qualities nami-miss ni Garie kay Congressman Iggy ay ang pagiging malambing nito sa kanilang lahat.

“Hindi naman niya kami ini-spoil, pero marunong siyang mag-pamper na para talagang daddy namin siya.

“And he knows how to make you… kunwari, nakikita niyang bad mood ka? Kahit gaano kakorni yung mga jokes niya, mapapatawa ka. May karinyo, e,” pagbabalik-tanaw ni Garrie sa mga masasayang moment nila ng namayapang congressman.

Inisip ba niya na sana si Iggy Arroyo na lang ang naging tunay niyang ama?

“Ay, blessed ako na ama si Papa [Gabby Concepcion]. And I’m blessed that I have two dads,” sagot niya.

Sa muling pagpasok niya sa showbiz, hindi lang pagkanta ang nais niyang subukan. Gusto rin daw ni Garie na subukan ang hosting o acting.

“Sabi ko nga, ever since before, na singing lang ang gusto kong gawin.

“Pero I’m open to anything. Gusto ko talagang mag-host actually. Yung acting okey lang din.”

THREE SISTERS. Gusto nga raw ni Garie na makita silang tatlo ng ate niyang si KC at ang nakababata nilang kapatid na si Cloie sa isang TV project o TV commercial.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Cloie ay anak ni Gabby sa dating commercial model-actress na si Jenny Syquia.

“Why not? Ang saya nun, di ba?

"Saka siguro kung mangyari man yun, yun na ang time naming mag-bond na magkakapatid.

“Kasi nung si Cloie nandito, yun nga yung nangyari kay Dad [Iggy]. Siguro nakita ko lang siya, tatlong beses, dalawang beses,” paliwanag ni Garrie.

Nililinaw ni Garrie na hindi siya ang nagsilbing tulay para magkita-kita silang magkakapatid. Ang Ate KC raw nila ang naging tulay.

“Si Ate at si Cloie, nag-uusap na talaga before. Hindi ko alam kung ano ang nangyari at biglang nag-stop na lang.

“’Tapos, nakita kami ni Cloie sa Facebook. Tapos, pumunta nga dIto si Cloie at nagkita-kita na lang kami.

“No’ng nakita namin finally si Cloie, nakaka-overwhelm kasi first time ko rin siyang ma-meet.

“Nakakausap ko siya sa Facebook pero first time ko siya sa harap-harapan.

“Pero as a baby, hindi ko siya nakilala. Pero si Ate nakilala niya si Cloie nong baby pa.”

Hindi raw nagkaroon ng pagkakataong makapag-bonding nang todo sina Garrie si Cloie dahil sa kakulangan ng panahon at oras.

“Not as close as I wanted to be. Kasi nga twice or thrice ko lang siyang nakita, dahil kinailangan kong umalis.

“Noong nakita ko siya, niyakap ko siya nang sobrang higpit at hindi ko alam kung maiiyak ako.

“Parang yung na-feel ko kay Papa [Gabby] no’ng nakita ko siya for the first time.

“Mixed emotions, e. Na alam mong kapatid mo, pero first time mong makilala.

“Nakakausap mo lang, pero first [time n’yong mag-meet],” nakangiti niyang kuwento.

Walang mai-share na kuwento o opinyon si Garrie tungkol sa napabalitang tampo o sama ng loob ni Cloie sa kanilang ama.

Baun-baon daw ni Cloie sa pag-alis niya papuntang China ang tampo niya kay Gabby.

“Hindi kami nakadating sa ganung usapan. Mero’n ba? Parang wala,” iiling-iling na sabi ni Garrie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagsalita na si KC tungkol dito at sinabi niya sa interview na hinahayaan na lang niya ang tungkol dito kay Cloie at sa kanilang ama.

“A, kung nagkausap sila Ate at si Cloie kasi sila yung madalas magkita at nagkakasama,” saad niya.

Naniniwala si Garrie na darating din ang panahong magkikita at magkakausap nang masinsinan ang Papa Gabby nila at si Cloie.

“Siguro in God’s time na rin ‘pag meant na silang magkita. Parang yung sa amin ni Papa, after 14 years dun lang kami nag-meet.”

Sila ba nina KC ang madalas mag-reach out sa papa nila para lang makausap at makita nila ito?

“A, si Papa naman may sariling paraan.

"Kunwari, tahimik siya, di ba? ’Tapos biglang tatawag na lang siya na, ‘Baby, where are you? I’m here at home, dalawin mo naman ako.’

“Or, ‘Samahan mo naman ako. Let’s go to the beach.’ May effort naman siya,” pagtatanggol nito sa ama.

Kung sa dalas daw ng pagkikita, mas madalas daw silang mag-bonding ni KC kaysa sa kanilang tatlo ng kanilang ama.

“Yung magkita kaming tatlo, wala pa. Darating rin tayo diyan in God’s time,” ayon kay Garrie.

Tungkol naman sa kanyang Ate KC, madalas pa rin daw silang magkita at ibinalita nga ni Garrie na okey na ito kung ang pag-uusapan ay ang nangyari sa kanila ni Piolo Pascual

“Okay na siya. Strong yun, e! Sobra!

“And I think, concentrated muna siya sa kanyang career. Okay na yun at yung utak niya, naaliw-aliw.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN