Annabelle Rama to Nadia Montenegro: "Nagkamali ka. Ako ang kalaban mo. Hindi puwedeng ganunin mo ako."

Annabelle Rama on Nadia Montenegro: "Puro kayabangan! Alam mo, Nadia, ikaw ang maghihirap ngayon sa mga kasalanang ginagawa mo. Kung buburahin mo ako sa mundong ito, unahin mo munang burahin ang may mga utang sa ’yo. Unahin mo yun, ’Day. Kasi hanggang ngayon, hinahabol-habol ka nila. Yun ang burahin mo. Huwag ako. At yung kayabangan mong buburahin mo ako, tama na ’yan."


Isang linggo pagkatapos ng interview niya kay Nadia Montenegro, si Annabelle Rama naman ang nakausap ni Boy Abunda sa The Buzz kahapon, April 29.

Dito ay sinagot ni Annabelle ang mga naging pahayag ni Nadia tungkol sa kanilang alitan na humantong na sa pagsasampa nila ng reklamo laban sa isa’t isa.

Sinimulan ni Boy ang tanong kay Annabelle sa unang tanong niya rin noon kay Nadia: Paano nagsimula ang kanilang hidwaan gayong masasabing malapit na magkaibigan sila?

Pero paglilinaw agad ni Annabelle, "Actually, Boy, hindi ko siya close. Nami-meet ko siya through her friends."

Si Nadia at ang anak ni Annabelle na si Ruffa Gutierrez ba ang talagang magkaibigan?

"Siguro noong ano pa, That’s Entertainment time pa. Hindi yung ngayon lang kasi naging busy na rin si Ruffa," sabi ng talent manager.

Ayon kay Annabelle, isang malapit na kaibigan niya ang tumira sa bahay ni Nadia at siyang dahilan kung bakit sila nagkalapit.

Ito rin daw ang dahilan kung bakit madalas magpunta si Annabelle sa bahay ni Nadia.

"Kapag pumupunta ako sa bahay niya, yung kailangan ko ang hinahanap ko—yung bisita niya.

"Siya [Nadia] ang humaharap sa akin. Siyempre siya ang may-ari ng bahay.

"Habang tumatagal, nagiging close kami. "

MANAGING NADIA’S CHILDREN. Inilahad din ni Annabelle ang kanyang bersiyon kung paano napunta sa kanya ang pagma-manage sa mga anak ni Nadia na sina Ynna, Anykka, at Alyanna.

Ayon kay Annabelle, "Banggit siya nang banggit sa akin na ’Tulungan mo naman ang mga anak ko makapasok man lang sa showbiz.’

"Hanggang sa naawa naman ako sa pamilya niya. Kasi, nakikita ko talaga sa dalawang mata ko, Boy, na hirap talaga sila sa pera.

"Sa madaling salita, na-convince niya ko.

"Yung sinasabi niya na ako nagmakaawa na hawakan ko ang mga anak niya, hindi talaga totoo, sa totoo lang."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Itinanggi rin niya ang pahayag ni Nadia na siya ang nangulit na i-manage ang mga anak nito.

Sabi pa ni Annabelle, milagro raw na nakakuha siya ng kontrata para sa mga anak ni Nadia.

"Milagro talaga na nakakuha ako ng kontrata sa mga anak niya. Napakaganda talaga ng kontrata."

Sa bersiyon ni Nadia, sinabi nitong ang panganay niyang anak na si si Ynna Asistio ay mina-manage noon ng namayapang talent manager na si Douglas Quijano. Nag-co-manage daw sina Annabelle at Douglas kay Ynna.

Mariing pinabulaanan ni Annabelle ang bersiyon na yun ni Nadia.

"Lahat kasinungalingan!" bulalas niya.

"Buhay pa si Douglas, bago siya mamatay, nagkita kami sa Greenhills. Ang pinapakiusap sa akin ni Douglas, dalawa lang...

"’Tapos, sabi niya, kung gusto ko lang, ’Tulungan mo rin si Ynna dahil naghihirap ang parents niya.’

"Walang co-manage. Hanggang sa namatay na si Douglas, hindi ko tinatawagan si Nadia. Never!"

Pero hindi ba’t mina-manage niya si Ynna?

"Ngayon lang," sagot ni Annabelle.

Ipinaliwanag din ni Annabelle kung bakit siya nagdesisyon na tulungan ang mga anak ni Nadia na sina Ynna, Anykka, at Alyanna.

"Kaya ko tinutulungan si Nadia kasi palagi siyang nangungutang sa akin.

"Sabi ko naman, kesa uutang nang uutang sa akin... Nag-away na kami niyan, e. Nag-away na kami for a while.

"So, sabi ko, para hindi ako uutangan, tutulungan ko na lang siya.

"Sabi ko pa nga sa kanya, ’Kung gusto mo, yung 10 percent bigay ko na lang sa ’yo para happy ka na rin.’

"’Hindi Tita, hindi, sa ’yo ’yan. Paaral mo rin ang mga anak ko.’ Kasi, pinaparaal ko rin ang mga anak niya ng acting workshop."

Si Annabelle ang gumagastos?

"Sa akin lahat.

"Tayo namang mga manager, mga suplada rin tayo. Marami akong tinanggihan, e.

"Pero itong si Ynna, pinagsisihan ko talaga.

"Parang pinapalabas ni Nadia na ako ang patay na patay sa mga anak niya. Na nakatutok lang ako do’n. Na kawawa ang mga anak ko sa ginawa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Bakit, ano ba ang ginawa ko? Wala akong ginawa.

"Alam ng Nasa Itaas, wala akong ginawang masama sa mga anak niya.

"Kaya masakit ang loob ko, Boy, natulungan mo na, idedemanda ka pa.

"Maliban sa dinemanda ka na, puro pa pang-insulto. Puro pang-insulto kaya ako nagka-libel-libel."

NO BOY ASISTIO IN THE PICTURE. Sinabi ni Boy kay Annabelle na sa pag-uusap nila ni Nadia, sinabi ng huli na bago nagkapirmahan ng kontrata sa kanyang mga anak ay nagkausap muna ang talent manager at ang ama ng mga anak ni Nadia na si Boy Asistio. May mga pinakiusap din daw si Boy kay Annabelle.

Pero ayon kay Annabelle, "Wala akong nakitang Boy Asistio. Kasi, dumating si Nadia, dala-dala ang kontrata, nakapirma na siya."

Ang exact quote daw ni Nadia nang makausap ni Boy ay ito: "He pointed out, Boy, lahat ng alam ko from the past, na kinakatakutan ko na hindi ko puwedeng tanungin."

Sabi naman daw ni Annabelle kay Boy Asistio: ’Oo, pare, huwag kang mag-alala."

Pero tanggi ni Annabelle, "Hindi. Nakausap ko si Boy noong nakakontrata ang anak nila, nakakuha kami ng malaking advance. Advance ha, advance.

"Boy, kaharap ka ngayon ha, pinapanood mo ako. Hindi mo ako kinakausap ng ganyan.

"Noong nakakuha ako ng advance sa mga anak mo, ikaw ang tumawag sa akin sa telepono, Boy.

"Ang sabi mo, ’Mare, maraming-maraming salamat.’ Panay ang pasasalamat n’yo sa akin ni Nadia, pero hindi mo ako kinakausap."

STUDIES OVER WORK. Sinabi rin daw ni Nadia na ang usapan nila ay priority ng mga bata ang pag-aaral at weekend lang magtatrabaho ang mga ito. Yun nga ba ang naging usapan nila?

"Hindi totoo ’yan. Nagte-taping ang mga bata, enjoy na enjoy siya.

"After one year, sabi niya sa akin, ’Tita, hindi puwedeng hindi mag-aral ang mga anak ko. Kung puwede lang sana, kausapin mo muna ang production. Every weekend na lang siya mag-taping.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko, ’Nadia, ang anak mo, hindi superstar. Ang soap talaga, M-W-F ang taping.’

"Totoo yung pinamimili ko siya: ’Mag-showbiz o mag-aral yung mga anak mo.’

"Hindi puwedeng weekend, Boy. Yung bida puwede; itong extra, hindi puwede.

"Sabi ko, ’Hindi ko kayang kausapin ang production. Mamili ka na lang,’ sabi ko.

"Sabi ko, namili siya. So, stop na kami do’n."

Dugtong pa ni Annabelle, "Tumawag siya kay Jun Lalin [publicist of Royale Era], ’Jun, ibalik mo na ang mga anak ko. Tatanggapin ko na ulit ang show. ’

"O siya, sige. Ito na naman... ’’Bakit ganoon, umaga na umuwi?’

"Sabi ko, ’Nads, ang anak mo, minor,’ sabi ko. ’Magbantay ka sa taping para alam mo.’

"Ang manager, magbibigay ng trabaho sa talent. Trabaho ng nanay ’yan [pagbabantay]."

Ano raw ang sabi ni Nadia sa bagay na yun?

"Sabi niya sa akin, kung ganoon lang daw, sabi niya, tanggalin na lang sa show. Huwag na lang yung si Ynna. Yung dalawa [Anykka and Alyanna].

"So, right there and then, tinawagan ko yung TV5. Ipu-pull out yung dalawang anak ni Nadia.

"Sabi niya, ’Bakit mo pinapatanggal agad, nagte-taping pa?’

"’E, ire-request mo sa akin mag-aral yung mga bata.’ Sabi ko sa kanya, ’Madali akong kausap, e.’

"Kasi hinahamon niya ako. Akala niya, magmakaawa ako dahil sa income.

"Hindi, sabi ko, tanggalin, tanggalin!"

WORKING SCHEDULE. Nagsimula raw ang problema dahil sa haba ng working schedule ng mga bata. Ayon pa kay Nadia, nagagalit daw si Annabelle at walang pakialam kapag sinasabi niyang ayusin naman ang schedule ng mga bata.

Ang direct quote nga raw ni Nadia: "Kada magrereklamo ako, ’Tita, hindi na kaya ng mga bata. Hindi na kayang bumangon.’ Ang sasabihin niya, ’Hay naku!’ May mura pang kasama. ’Hindi sisikat ’yang mga anak mo!’ Ganoon, Tito Boy, to the point na ayoko na siyang kausapin kasi puro mura."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon naman kay Annabelle, "Boy, hindi totoo yun. Bakit ko naman siya mumurahin? Anong point?

"Unang-una, yung mga anak nga niya, hindi superstar.

"Bakit ko naman siya mumurahin, e, wala namang offer pa?

"Yung dalawang anak niya, may dalawang assistant pa ang mga anak niya. Ako ang nagsu-suweldo.

"Ang kausap ko palagi, yung assistant nila. Direct to the staff ako, hindi sa artista ko."

Nasabi pa raw ni Nadia: "Tita Annabelle, nag-usap na po kami ni Boy. Baka pupuwede namang patigilan na lang natin ang mga bata, mag-aral na lang. Hindi raw puwede kasi package deal sila ng mga talents niya. Hindi raw puwede kasi, masisira raw ang pangalan nito."

Sabi naman ni Annabelle tungkol dito, "Sabi ko nga, mag-scriptwriter na lang siya. Ang galing gumawa ng kuwento.

"Walang ganyan, Boy. Isang tawag lang niya sa akin, i-pull out ang mga anak niya, i-pull out."

ANNABELLE VS. NADIA. Sa naging panayam din ni Boy kay Nadia, sinabi ng dating aktres na hindi nila alam kung ano ang masakit—ang araw-araw na pagtira sa Twitter na ’baboy, kirat, patay-gutom, pinulot lang sa lupa...’ kahit daw ito ay kasinungalingan.

Ayon naman kay Annabelle, "Alam mo, Boy, kung inamin niya sa ’yo na siya ’yon, walang magsasabi na, ’Nadia, kirat ka. Nadia, baboy ka. Nadia, patay-gutom ka...’ Walang magsasabi ng ganoon."

E, yung walang luha siyang palalabasin sa mata?

Sagot naman ni Annabelle: "Mabuti wala kang luhang ipapatak. Kung galing sa puso mo ang sinasabi mo, papatak ang luha mo, ’Day. "

Sa interview pa rin ni Boy kay Nadia, sinabi raw nito na: "Patawarin na ako ng Diyos, pero kung hindi lang si ako, si ako at siya sa ibang laban, sabi ko, Tito Boy, matagal nang burado sa mundong ito ang taong ito, Tito Boy. Pero hindi gano’n, e, hindi gano’n. Gusto kong makitang naghihirap siya sa mga kasalanan niya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot naman dito ni Annabelle: "Puro kayabangan!

"Alam mo, Nadia, ikaw ang maghihirap ngayon sa mga kasalanang ginagawa mo.

"Kung buburahin mo ako sa mundong ito, unahin mo munang burahin ang may mga utang sa ’yo. Unahin mo yun, ’Day.

"Kasi hanggang ngayon, hinahabol-habol ka nila. Yun ang burahin mo. Huwag ako.

"At yung kayabangan mong buburahin mo ako, tama na ’yan.

"Wala ka nang power, ’Day. Tapos na ang power mo. Tapos na.

"Thirty years ago pa yun. Wala na."

Sinabi rin daw ni Nadia nang tanungin ni Boy na kung may pagkakamali raw na nagawa ito kay Annabelle ay wala raw. Ang pagkakamali lang daw niya, nagtiwala siya sa maling tao.

Ayon naman kay Annabelle, "Ako ang walang ginawang pagkakamali sa kanya.

"Kung hindi pa ako nag-manage sa anak niya, bigla siyang pumapasok.

"Hindi, ipinaglalaban ko talaga. Hindi ko ibibigay sa kanya.

"Hindi sa pera, Boy. Ang sa akin lang, ayoko ng ginaganito ako.

"Kung hindi niya ako dinaan sa harassment, kung hindi niya ako dinaan sa demandahan, baka ngayon, magkaibigan pa kami. Nasa kanya ang anak niya.

"Dinaan niya ako sa paganyan, ay, Bisaya ako!

"Ang Bisaya, huwag mong umpisahan. Hindi kita uurungan."

NO HOPE FOR RECONCILIATION. May pag-asa pa bang makukuha ito sa maayos na usapan?

"Wala na," sabi naman ni Annabelle.

"Siya naman ang nag-umpisa. Ako naman, nanahimik na.

"Araw-araw raw akong nagsisimba, araw-araw rin akong may inaaway.

"Sino ba ang inaaway ko? Sira-ulo ba ’ko, Boy? Inaaway niya ako."

Sa huli ay hiningan ni Boy si Annabelle ng mensahe.

"Sa lahat ng mga fans ko, maraming-maraming salamat sa pagtitiwala n’yo sa akin. Maraming-maraming salamat sa suporta niyo.

"Ikaw naman, Nadia, message ko sa ’yo, sa totoo lang ang sabihin mo. Tigilan mo ang pagsisinungaling.

"Tigilan mo na ang pag-iimbento ng kuwento nang hindi maganda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nagkamali ka. Ako ang kalaban mo. Hindi puwedeng ganunin mo ako.

"Sana Nadia, matuto ka na.

"Sabi mo ako makakarma. Ikaw ang makakarma.

"Ako, hindi ako nagsisinungaling. Tingnan ko kung hindi ka makakarma sa ginagawa mo sa akin.

"Iba ang gaganti sa ’yo, hindi ako."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN