Nora Aunor on clamor for her National Artist award: “Para sa akin siguro, mas marami pang karapat-dapat”

Nora Aunor on shooting Thy Womb in Tawi-Tawi: “Kakaiba kasi ito sa mga ginawa ko dahil iba ang eksperiyensiya ko dito. Unang-una, naging negro ako. Natuto rin akong magpa-anak, magsagwan, mangisda… yung mga gawain ng karaniwang tao.”


Kaninang mga alas-diyes ng umaga ay dumating si Nora Aunor sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (Naia), mula sa mahigit sampung araw na pamamalagi sa Tawi-Tawi.

Ito ay para sa shooting ng Thy Womb, ang bago niyang pelikula na idinidirek ni Dante Mendoza.

Magkasabay na dumating sa airport ang Superstar at si Direk Dante. Masaya nilang sinalubong ang press na naghintay sa kanilang pagdating.

Unang naitanong kay Nora, kilala rin bilang Ate Guy, ang isyu ng National Artist award na nais umanong ibigay sa kanya ng ilang mga mambabatas at kapwa artista.

Para kay Ate Guy, isang malaking karangalan ang naturang award, ngunit mayroon siyang pag-aalinlangan.

“Para sa akin siguro, mas marami pang karapat-dapat na maging National Artist,” ang maikli niyang sagot.

Ayon sa kanya ay kahit nasa Amerika pa siya, o kaya ay nasa shooting, ay naririnig niya ang mga sumusuporta sa hakbanging ito.

“Nagpapasalamat ako kay Erap [Joseph Estrada] at kay Gloria Diaz, lahat ng mga sumusuporta na maging National Artist ako.

"Pero ang sinabi ko kanina, mas marami pang nararapat,” dagdag niya.

THY WOMB. Mabilis namang napaling sa pelikulang Thy Womb ang pagtatanong ng press.

Pahayag ni Ate Guy, hindi niya inasahang magkakapelikula siya ngayong taon.

“Actually, noong nasa United States ako, hindi ko akalain na magkakaroon ako ng pelikula ngayong taon na ito, pero nagulat ako ng tinawagan nga ako ng TV5 at ni Direk," sabi niya.

Gayunpaman ay pumayag agad siyang gawin ang pelikula dahil kakaiba umano ito. Hindi man niya nais magbigay ng detalye, kahit pa synopsis lamang ng pelikula, ay nagbigay siya ng ilang patikim.

“Kakaiba kasi ito sa mga ginawa ko dahil iba ang eksperiyensiya ko dito.

"Unang-una, naging negro ako. Natuto rin akong magpa-anak, magsagwan, mangisda… yung mga gawain ng karaniwang tao,” sabi niya.

Natuwa rin si Ate Guy sa location nila sa Tawi-Tawi dahil mababait umano ang mga tao, at maganda ang lugar.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tila hindi raw totoo ang mga nababalitang karahasan sa lugar na ito.

“Walang problema. May kaibahan sa mga nababalitaan mo talaga. Kailangang magpunta ka talaga doon para makita mo kung gaano kababait ang mga tao,” saad niya.

Dahil sa karanasang ito ay nagnanais pa muli si Ate Guy na makatrabaho ang award-winning director.

“Ako, umaasa pa ako na magkakaroon pa kami ng pangalawa, pangatlo, pang-apat,” pahayag niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN