Alma Moreno hints at her political plans: "Baliktarin na lang ninyo ‘yong Ness [palayaw niya].”

Alma Moreno, Parañaque Councilor and president of the Philippine Councilor’s League, reveals her dream: She wants her kids to finish college. “Si Yeoj [her eldest with Joey Marquez], graduate na rin siya. Si BJ [third child with Joey], graduate na ng high school. Si MM [youngest] graduate na ng elementary."


Halos magmukhang stage mother na si Alma Moreno para sa anak niyang si Wynwyn Marquez na nagkaroon ng birthday celebration sa Party Pilipinas noong Linggo, April 29.

Panay ang sigaw niya habang pinapanood ang anak na nagpi-perform ng dance number nito.

“Actually, excited ako,” nakangiting sabi ng Konsehala ng Parañaque nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

“Proud mom ako dahil si Wynwyn [tinupad] niya ‘yong promise niya na bago siya mag-concentrate sa showbiz, tatapusin niya ang pag-aaral niya.


“E, tapos na siya ng college ngayon. Kaya talagang… congratulations sa kanya. And happy, happy birthday!

“Kaya naman ‘yong time ko, ibinigay ko talaga sa kanya ngayon," sabi ni Alma.

Pinagpaliban ni Alma ang mga commitments niya bilang presidente ng Philippine Councilor’s League.

“And thank you sa GMA-7 sa support kay Wynwyn. Sana patuloy nilang alagaan ang anak ko.”

Pangarap daw talaga niya na lahat ng anak niya ay makatapos ng pag-aaral.

“Si Yeoj [panganay nila ni Joey], graduate na rin siya. Si BJ [pangatlo nila ni Joey], graduate na ng high school. Si MM [ang bunso] graduate na ng elementary.


“So ibig kong sabihin… sunod-sunod sila.

“Si Yeoj, business na ang pinagkakaabalahan ngayon.

“Kaya wala na akong mahihingi kundi ‘yong dream ni Wynwyn, na matupad niya lahat.

BE STRONG. "Ang paalala ko lang sa kanya, maging matibay siya pagpasok sa showbiz. Dahil sa dami ng intriga, talagang… iyon ‘yun.

“Ang nakakatuwa kay Wynwyn kapag meron siyang kita, manlilibre siya sa mga kapatid niya.

"Pero ang advice ko sa kanya hangga’t maaari, ipunin niya kung ano ‘yong kinikita niya.

“Suwerte nga ‘ika ko, dahil ‘yong dinadanas niya, bata pa lang natupad na lahat ‘yon. At wala siyang sinusuportahan kundi sarili niya. So… go lang nang go.”

Si Wynwyn, aminadong na-tense daw at ninerbiyos sa dalawang dance numbers na ginawa nito dahil naroon ang kanyang ina at ang ingay-ingay daw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


“First time ko lang manood tapos ninerbiyos siya?” sabay tawa ni Alma.

Pero in fairness, namana ni Wynwyn ang husay niya sa pagsayaw sa kanyang ina na nung araw ay may sariling musical variety show.

“Actually, hindi ko maipaliwanag. Gusto kong umiyak sa tuwa," ang sabi ni Alma.

“Basta ‘yong… sobra! Sobrang thank you sa Panginoon dahil sa naabot ni Wynwyn ngayon. Hindi ko akalain, noong bata siya, pinag-aral, sumayaw.

“At least kumakanta siya. Hindi katulad ko, pinilit kumanta! Ha-ha-ha!

“’Yong dream ko na hindi ko nagawa, si Wynwyn ngayon ang gumagawa.”

FORMER TANGA QUEEN. Nai-imagine ba niya si Wynwyn na maging Tanga Queen? Ito ang titulong naikabit kay Alma Moreno noon dahil sa walang takot niyang pagsusuot ng tanga sa kanyang mga dance numbers.

“Ay, nasa kanya na ‘yon!” tawa ulit ni Alma.

“Kasi parang mahirap yatang anuhin ‘yong Tanga Queen! Ha-ha-ha-ha!

“At saka iba na ang panahon ngayon. Kaya… iba naman. Iba naman.”

Papayagan ba niya si Wynwyn sakaling may mag-offer na mag-pose ito ng sexy sa men’s magazine?

“Ah… sa ngayon, hindi siguro. Sinabi ko naman sa kanya iyon, e. Na… tama na muna ‘yong ganyan. Na minsan kontrabida, minsan bida.

“’Yong mga suot niyang sexy, hanggang do’n lang. Kasi, hindi kailangan.”

Maraming mga nanliligaw ngayon kay Wynwyn at hindi raw siya nakikialam dito.

“Nasa edad na naman siya. Ako, hanggang advice na lang.

“Kasi… ako, hindi ako nagkukulang ng advice sa mga anak ko. Pero para diktahan ko sila, hindi. Ayoko. Kasi ayokong sakalin ang mga anak ko, e.”

SEPARATED ONLY BY DISTANCE. Ilang beses nang napabalita dati na naghiwalay na sila ng asawa niyang si Marawi City Mayor Fahad Salic. Lately, may ganitong isyu na naman.

“Hindi na natapos ‘yon, e. Lagi na lang may isyung ganyan. Kahit sinagot ko na noon na hindi totoo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi po.

“Hiwalay kami dahil nasa Marawi siya and nandito naman ako sa Parañaque [kung saan nanunungkulan siya bilang councilor].

“And… ngayon kasi, umiikot ako sa Pilipinas dahil ako po ang Presidente ng Philippine Councilor’s League. Seventeen thousand po ang bumubuo ng ligang ito. At ito po ang iniikot ko. Ito po ang trabaho ko bilang konsehal.

“Basta sa akin, natutuwa ako dahil sa mga anak ko. Ang tanging kayamanan ko ay ang mga anak ko.”

NESS SPELLED BACKWARDS. Ano ang susunod niyang political plan?

“Kung saan po ako dinadala ngayon, siguro nakikita ninyo. Basta ako po ay umiikot ngayon. Baliktarin na lang ninyo ‘yong Ness [palayaw niya].”

So, Senator ang susunod niyang tatakbuhin?

Ngiti na lang ang naging sagot niya sa tanong.

Hindi rin maiwasang mausisa siya ng media tungkol sa anak niya kay Dolphy na si Vandolph. Napapabalita kasing parang nagkakaproblema ang marital life nito ngayon.

“Okey naman siya sa family niya. Pero ako kasi, hanggang advice lang.

“May soap siya ngayon. At natutuwa ako. Pero siyempre minsan sa mag-asawa, hindi mo maiiwasan ‘yong tampuhan.

‘Yong age pa nila na ano… bata pa sila.

“Pero at least, sila pa rin.

“’Yong away-bati, away-bati… normal ‘yon. Basta ang importante, sabi ko… alagaan nila ang apo ko. Iyon ang importante.

“Kung hindi, ay… kukunin ko talaga ‘yong apo ko sa kanila!” sabay tawa ulit ni Alma.

“Si Vandolph at si Jenny, lagi naming nakakasama. Magkapitbahay kasi kami.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN