QC councilor Roderick Paulate accused of keeping "ghost employees"

Nahaharap ngayon sa criminal at administrative charges si Roderick Paulate dahil sa pagkakaroon niya umano ng ghost employees.


Sinampahan ng reklamo si Roderick Paulate—pati na rin ang isa pang Quezon City councilor na si Francisco A. Calalay, Jr.—ng Office of the Ombudsman dahil nagpapasuweldo umano sila ng mga “ghost employees.”

Ayon sa report ng ABS-CBN, bukod sa Violation of Section 3 (e) of Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, sinampahan din ng Malversation of Public Funds through Falsification of Public Documents, administrative charges for Grave Misconduct, Serious Dishonesty, at Falsification of Official Documents ang dalawang pulitiko ngayong araw, May 9.

Isang nagngangalang Jimmy Lee Davis, na residente rin ng lungsod, ang sinasabing whistleblower na humingi ng tulong mula sa dating senador na si Aquilino “Nene” Pimentel.

Ayon sa imbestigasyon ng Ombudsman, nagkaroon umano si Paulate ng 30 ghost employees mula Enero hanggang Nobyembre 2010.

Sa parehong panahon, nagkaroon din daw si Calalay ng 29 ghost employees.

Kaugnay pa rin sa imbestigasyon, pinapasuweldo umano ang mga ghost employees ng mula P2,500 hanggang P5,000 bawat buwan.

Kung susumahin, nakapagbigay umano si Paulate ng P1.1M at si Calalay ng P2.2M sa mga ghost employees.

Napag-alaman din na ang mga nasabing empleyado ay walang birth records mula sa National Statistics Office, hindi rehistradong botante sa Quezon City, walang clearance mula sa National Bureau of Investigation, at hindi kilala sa mga address kung saan umano sila nakatira.

Si Roderick ay kilala bilang magaling na character actor.

Nanalo siya sa pagka-konsehal ng Quezon City noong 2010 National Elections.

Bukas ang Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa magiging pahayag ng dalawang konsehal tungkol sa usaping ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN