Former child actor Jiro Manio turns 20: "Ito yung bagong simula."

Direk Maryo J. de los Reyes (left, in white shirt) on Jiro Manio (middle) after his rehabilitation from drug addiction: "Okay siya. Mas nakakapag-relate… hindi na siya parang isolated. Tingnan mo, nagbabarkada na. Outspoken siya ngayon. Madaldal siya. Before, he was introvert, e. He never spoke."


Nag-imbita ng ilang entertainment press si Direk Maryo J. de los Reyes noong Martes, May 8, para sa asalto ng mina-manage niyang young actor na si Jiro Manio.

Ginanap ito sa resort na pag-aari ng direktor, ang Studio 56, sa may Pansol, Laguna.

Nang sumunod na araw, kahapon, May 9, ay ipinagdiwang ni Jiro ang kanyang ika-20 kaarawan.

Dumating sa nasabing asalto ang iba pang talents ni Direk Maryo ‘tulad nina Romano Vasquez, ang newcomer na si Celio Aquino, at si Manila Councilor Yul Servo.

Maraming mga kabataang bisita si Jiro na maaga pa lang ay nagkakasayahan at nakiki-jamming sa bandang Maya Band.

JIRO TURNS 20. Bago maghatinggabi ay sandali munang nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jiro.

Aniya, "Ang wish ko sa sarili ko yung hindi ako magbago. Lagi akong sumunod dun sa mga tao na nagturo sa akin.

"Nagpapasalamat ako… mga maliliit na bagay na natatanggap ko sa mga taong nagmamahal sa akin."

Masaya ba si Jiro sa pagsapit ng ika-20 taong kaarawan niya?

"Oo, masaya ako," nakangiti niyang wika.

"Kasi, pinagbigyan ako ni Direk Maryo. Sinunod niya yung gusto ko na magkaroon ng munting salu-salo.

"’Tsaka talagang usapan na namin, sabi ko, ’Direk...’ humiling ako sa kanya ng konting ganito,” pagtukoy niya sa selebrasyon.

“Baka po siguro mapalitan natin [ang gastos] ’pag nagkaroon na ng maraming projects.’

"Ito yung parang... ito yung bagong simula."

TURBULENT PAST. Hindi nagbago ang mukha ng dating child actor. Medyo tumaba lang siya matapos ang halos dalawang taong pamamahinga sa showbiz.

Batid ng publiko na nagkaroon ng personal na problema si Jiro nang siya’y nalulong sa droga at kailangan niyang sumailalim sa isang rehab program.

Nabalita rin ang pagkakaroon ni Jiro ng magulong lovelife at siya’y isa na ngayong binatang ama.

Pero positibo rin ang ulat na nakatapos na ng high school si Jiro at naghahandang pumasok sa kolehiyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngayong handa na uli siyang maging active sa showbiz, ano ang project na nakalaan sa kanya?

"Mero’n kaming... yung I Dare You," banggit ni Jiro hinggil sa ABS-CBN reality show, hosted by Jericho Rosales.

Magiging bahagi si Jiro Manio ng second season ng programa.

"Sa ngayon, meron din kaming iniisip na more upcoming projects. Sana matuloy," hiling pa niya.

DIREK MARYO ON JIRO. Bilang manager, minabuti ni Direk Maryo na siya rin ang mamahala ng pagbabalik ni Jiro sa showbiz.

"Oo, meron na siyang I Dare You Season 2 sa ABS-CBN," pag-inform uli ng direktor at talent manager.

"’Yun muna ang project. Huwang munang taping [ng regular teleserye], kasi sa puyat, ayaw ng doktor."

Kumusta na si Jiro matapos magpa-rehab?

"Okay siya. Mas nakakapag-relate… hindi na siya parang isolated.

"Tingnan mo, nagbabarkada na.

"Outspoken siya ngayon. Madaldal siya. Before, he was introvert, e. He never spoke."

INTERNATIONAL ACCOLADES. Noong 2003 ay pinag-usapan ang indie film na Magnifico na pinagbidahan ni Jiro, kung saan maraming international film festivals ang nasalihan ng pelikula.

Sa mga ’yon ay nanalo ng awards abroad ang pelikula, si Direk Maryo J., at mismong si Jiro ay naghakot din ng karangalan dito sa bansa.

"Oo, pumunta rin siya [sa mga festivals abroad]. Kasama ko siya sa Czech Republic, ’tapos nagpunta siya sa Rome—nanalo siyang Best Actor sa Rome,” kuwento ni Direk Maryo.

Dagdag niya, "One year siyang na-rehab sa Antipolo.

"Ngayon, may offer siyang telenovela, pero sabi ng doktor niya, huwag muna siyang pagpuyatin.

"Meron siyang offer, sa Singko, sa Seven ... may indie din, kaya lang ayoko pang i-reveal hanggang hindi pa sigurado."

Ikukontrata ba uli ni Direk Maryo si Jiro ‘tulad ng dati nitong pagkakakontrata sa Star Magic ng ABS-CBN?

"Huwag na. Okay naman siya," sagot niya.

ON JIRO’S EX-GIRLFRIEND AND DAUGHTERS. Nang magkuwento si Direk Maryo about Jiro’s more personal concerns, ay niyaya niya ang mga taga-media sa kanyang private quarters.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Direk Maryo ay nakilala niya ang ex-girlfriend ni Jiro na naging ina ng kanyang anak.

Tinutulungan din daw niya ang dating girlfriend at nanay ng "mga anak" ni Jiro.

"Daughters, actually... dalawa na ang naging anak niya,” pagtukoy niya kay Jiro.

“Isang four-year old and one-year old. Same mother.

Isa raw si Direk Maryo J. sa nilapitan ni Jiro at nag-request dito na tulungan siyang magpa-rehab.

Ang mga alaga raw niyang actor-politicians na sina Councilor Yul Servo and Vice Mayor Isko Moreno ang aktwual na tumulong sa pagpapa-rehab ni Jiro.

"Then, before that, he asked me na maging kumpare niya sa binyag ng anak niya.

"Hindi sila… they’re not married—separated sila. Hindi sila nagsasama,” pagtukoy ng direktor kay Jiro at ex-girlfriend nito.

"Naanakan lang niya yung girl, but Jiro is allowed to visit his daughters.

"I hope okey siya."

Kapwa sumakabilang-buhay na ang biological parents ni Jiro.

Ayon kay Direk Maryo, "The father is dead, the mother is also dead, e.

"But he seems to have adjusted himself. Mukhang ano naman siya... cool.

"Mabuti nga siya, he has risen above it, e. Di ba, yung iba, hindi na nakabangon? Palaging may angst over it?"

At naalala pa ni Direk Maryo J. ang naging hirap at pagtitiyaga rin ni Jiro para makabangon.

"Nag-aral siya habang nasa rehab.

"Matatapos yung rehab ng six months, pero tinuluy-tuloy niya para matapos siya ng high school ng one year.

"Kasi, nasa 4th year na siya, e.

"Last year ’yon. So, he’s allowed to get out, in and out.

"Hinahatid siya at sinusundo para mag-aral.

"Which was good," nakangiting sambit pa ni Direk Maryo J.

MESSAGES. Pagsapit ng 12 midnight, na eksaktong kaarawan ni Jiro (on May 9), muling tinugtog ng Maya Band ang "Happy Birthday" song para sa may kaarawan.

Masaya ang mga ngiti ni Jiro, na sinamahan patungo sa may stage ni Direk Maryo J. at Yul.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matapos hipan ni Jiro ang kandila sa kanyang birthday cake ay nagbigay ito ng mensahe.

"Sa inyong lahat, kay Direk Maryo J, kay Yul Servo, at sa lahat ng mga press, salamat sa lahat ng ibinibigay ninyong suporta.

“Lahat ng pagpapagod, lahat ng efforts... pipilitin kong ibalik sa inyong lahat.

"Enjoy! Good evening. Maraming salamat. I love you all!" masayang pahayag ni Jiro.

Naghandog din ng awitin si Jiro sa kanyang mga bisita.

Matapos ni Jiro kumanta ay si Direk Maryo J. naman ang hiningan ng mensahe.

Sabi ni Direk Maryo, "Anyway, wala na akong masasabi kundi mahal ka namin, Jiro.

"At saka ito yung, kumbaga, meron kang unang pamilya, sa iyong pamilya.

"Nandito yung pamilya mo… ng mga kaibigan na laging sumusuporta sa iyo.

“So we hope you will always do the best. We always wish you the best.

"Happy birthday!" pagbati ni Direk Maryo.

Makahulugan din ang naging mensehe ni Yul para kay Jiro:

"Congrats sa ’yo. Sana tibayan mo ang iyong sarili sa mga pagsubok pang haharapin mo.

"Tibayan mo, ha? At good luck sa ’yo.

"At sana, talagang makabalik ka na sa iyong mahal na career. God bless, ha.

"Good luck! Happy birthday!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN