Janice de Belen has new soap; says sister Gelli is not leaving showbiz

Fresh from her success in the teleserye, Budoy, Janice de Belen gets another soap in Ina, Kapatid, Anak. She says, "Makakasama ko rito sina Kim Chiu, Enchong Dee, Maja Salvador, Xian Lim, Tito Ronaldo [Valdez], at marami pa. Yung iba, hindi ko pa alam dahil inaayos pa."


Naging matagumpay ang pagbabalik sa Kapamilya network ng magaling na aktres na si Janice de Belen. Nagustuhan ng mga tao at pinuri ng mga kritiko ang pagganap ng aktres sa programang Budoy na naging dahilan nang muli niyang pagiging aktibo sa paggawa ng teleserye na minsan din niyang pinagreynahan.
Sa katunayan, isa siya sa mga sinasabing puwedeng mag-uwi ng karangalan sa naipamalas niyang galing sa pag-arte sa naturang palabas.
Pero para kay Janice ang mapansin lang at magustuhan ang kaniyang performance ng mga award-giving body ay karangalan na sa kaniya.
"Palagi ko ngang sinasabi na yung mapansin lang ako at magustuhan yung ginawa ko ay isa ng karangalan para sa akin," pahayag ng aktres nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kamakailan sa taping ng kaniyang programang Spoon sa studio ng Net 25.
"Pero sa totoo lang, ang daming magagaling talaga. Andiyan si Miss Nora Aunor para sa Sa Ngalan ng Ina, Tita Susan [Roces], Dawn [Zulueta] and Tita Helen [Gamboa] for Walang Hanggan, Zsa-Zsa [Padilla] for Budoy and Tita Connie [Reyes] for 100 Days.
"I’m sure marami pang magagandang palabas na darating at siguradong marami pang artistang magsa-shine sa kani-kanilang roles na gagampanan.
"Kung ma-nominate man at kung sakaling palarin, wow, sobra-sobra na talaga ang blessings pag nagkataon."
NEW SOAP. Pagkatapos ng Budoy ay isa na namang mahalagang proyekto ang ipinagkatiwala sa kaniya ng ABS-CBN at ito ay sa pamamagitang ng bagong teleseryeng Ina, Kapatid, Anak. Hindi pa idinetalye ni Janice kung ano ang magiging takbo ng kaniyang karakter sa bagong soap, pero siniguro naman niyang maganda rin ito at magugustuhan ng mga tao gaya ng Budoy.
"Malapit na akong mag-taping and siyempre excited ako sa bagong project na ito at iba na naman ang mga makakatrabaho ko.
"Makakasama ko rito sina Kim Chiu, Enchong Dee, Maja Salvador, Xian Lim, Tito Ronaldo [Valdez], at marami pa. Yung iba, hindi ko pa alam dahil inaayos pa.
"Sobrang thankful talaga ako sa ABS sa pagbibigay sa akin ng mga ganitong projects and sabi ko nga sa mga interviews ko, lalo talaga akong ginanahan sa pagtatrabaho at nage-enjoy ako pag nasa taping na ako."
NEWS ABOUT GELLI. Siyempre pa, kapag usaping Janice ay hindi puwedeng hindi rin mabanggit ang pangalan ng nakakabata niyang kapatid na si Gelli de Belen. May mga balita kasing lumalabas na magku-quit na raw ito sa showbiz at maninirahan na lang daw sa Canada kasama ang kaniyang asawa na si Ariel Rivera at mga anak.
Gaano ba katotoo ito?
"No. It’s not true. Totoong nasa Canada siya pero hind siya magku-quit sa showbiz.
"In fact, pagbalik niya ay uumpisahan na yung game show niya with Edu [Manzano] at bukod doon ay may show pa siyang iba sa TV5, tsaka sa pagkakaalam ko si Ariel ay kasama rin sa bagong teleserye namin," aniya.
Usung-uso ngayon ang awayan sa showbiz ng magkakaibigan, business partners at kahit magkakapatid ay nagbabangayan din. Sina Janice at Gelli ay sinasabing isa sa mga magkapatid sa showbiz na hindi nag-aaway.
Mas lutang sa magkapatid ang nagdadamayan at nagmamalasakitan na naoobserbahan ng mga taga-showbiz at ng publiko na rin.
SISTERS FOREVER. Ano ba ang sikreto ng mag-sis at bakit napapanatili nila ang magandang imahe at samahan nila?
"Bakit naman kami mag-aaway e, magkapatid kami?
"May mga pagkakataon na nagkakatampuhan kami ni Gelli pero hanggang doon lang at sa pagkakaalam ko, wala pa kaming super-grabeng pinag-awayan na magkapatid.
"Kung meron mang mga magkakapatid na taga-showbiz na nag-aaway, siguro me mga matitinding dahilan yan at naniniwala ako na siguradong may pinanggagalingan ang lahat at hindi lang sila basta nag-aaway," sabi pa ni Janice sa aming panayam.
Kabilang sa mga magkakapatid na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan, iringan at humantong sa awayan ang ending ay ang mga magkakapatid na Barretto na sina Gretchen, Marjorie at Claudine.
Nasa listahan din sina Nova Villa at Tiya Pusit, Assunta at Alessandra de Rossi at ang latest ay sina Ara Mina at Cristine Reyes.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN