Mayor Herbert Bautista on rumors claiming Vic Sotto will run against him next election: "Bossing, huwag naman!”

Mayor Herbert Bautista on why he believes that Vic Sotto will not also run for mayor in Quezon City next year: “Ummm, parang narinig ko si Senator [Tito] Sotto na [sinabing] one is enough in politics, e.”


Ang kakatapos lang na birthday party ni Quezon City Mayor Herbert Bautista noong Sabado, May 12, na ginanap sa Isla Ballroom ng Shangri-La Hotel, Edsa ang maituturing niyang pinakamalaking selebrasyon ng kanyang kaarawan sa buong showbiz at political career daw niya.

Kilala si Mayor Herbert sa simpleng selebrasyon lang sa tuwing magbi-birthday.

Karaniwan niyang ginagawa ang party sa mismong opisina niya sa Quezon City Hall at kinagabihan ay salu-salo lang kasama ang ilan niyang malalapit na kaibigan, kapatid, at pamilya.

May temang pampelikula ang konsepto ng kanyang nakaraang kaarawan, kung saan ang bulwagang pinagganapan ay tinawag pang "Bistekwood," mula sa pinagsamang palayaw niya na "Bistek" at showbiz capital ng U.S. na Hollywood.

Noong una, umiiwas pa si Herbert na sagutin ang tanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kung ang movie theme sa kanyang party ay pahiwatig ba sa pagbabalik niya sa showbiz.

Pero nang makorner siya uli ng PEP, sinabi niyang hangga’t maaari ayaw na niyang magsalita tungkol sa kanyang pabugsu-bugsong showbiz career.

“E, kasi pag sinabi kong oo, ‘tapos hindi naman ako nakabalik, nakakahiya,” paliwanag ng kapo-44 pa lang na mayor.

Gustung-gusto na raw ni Mayor Herbert na sumalang uli sa kamera, pero laging natataong marami siyang trabaho bilang mayor kaya nasasakripisyo ang kanyang pagbabalik-showbiz.

Ayon sa kanya ay may mga natanggihan na siyang offer dahil may conflict sa kanyang pagiging alkalde ng Quezon City.

ONE BIG CELEBRATION. Nilinaw ng alkalde na isahang selebrasyon na lang para sa lahat ng mga kaibigan at kasamahan niya sa pulitika at showbiz ang nasabing party.

“Hindi ako nagpa-party talaga, e. Pero sabi ko, ‘Sige, ikaw ang bahala,’” sabi raw niya sa long-time girlfriend at ina ng kanyang dalawang anak na sina Athena, 15, at Harvey, 8, na si Tates Gana.

“Silang dalawa actually ni Harlene [kapatid ni Herbert na asawa ni Romnick Sarmenta] ang nag-organize nito.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala bang kinalaman sa pagkandidato niyang muli sa pagiging mayor ng Quezon City ang magarbong selebrasyon ng kanyang kaarawan?

“Wala. Walang kinalaman ito doon. Kainan lang ito. Walang announcement,” saad niya.

Pero nagpahayag na rin si Mayor Herbert ng intensyon na tumakbong muli para sa parehong posisyon.

VIC SOTTO FOR MAYOR? Ano naman ang reaksiyon niya sa bali-balitang tatakbo rin daw si Vic Sotto sa pagka-mayor sa Quezon City?

“Hindi tatakbo yun!” mabilis na sagot ni Herbert.

Paano nga kung totoo ang balita?

“I don’t think he’ll do that… Pero, bossing, huwag naman!” nangingiti niyang mensahe para kay Vic.

Paano ba siya nakakasigurado na hindi nga tatakbo bilang mayor ng Quezon City si Bossing Vic?

“Ummm, parang narinig ko si Senator [Tito] Sotto na [sinabing] one is enough in politics, e,” pagtukoy niya sa senador na kapatid ni Vic.

"GHOST EMPLOYEES" OF RODERICK PAULATE? May reaksyon din si Herbert sa balitang sinampahan na ng Office of the Ombudsman ng mga kasong administratibo at kriminal ang isa niyang konsehal at kaibigan sa showbiz na si Roderick Paulate, kaugnay sa diumano’y pagkakaroon nito ng “ghost employees."

“Wala pa akong nakukuhang documents, e. So, kailangang mabasa ko muna yung mga yun,” pahayag ni Mayor Bistek.

Nagdaan na rin daw sa ganitong isyu si Mayor Herbert noon, pero magkaiba naman sila ng grounds ni Roderick.

“Oo, nagdaan na rin ako sa ganyan, pero malalagpasan niya rin ‘yan” positibo pang komento ng alkalde tungkol sa situwasyon ngayon ni Konsehal Paulate.

Ano ang naramdaman niya nung masangkot si Roderick sa isyu?

“Ay, hindi ako naniniwala sa gano’n,” mabilis niyang sagot.

“E, kuya ko yun, e. Bata pa lang kami, magkakilala at magkasama na kami,” pagtatanggol niya sa kaibigan.

Itinanggi rin ni Mayor Herbert na may “ghost employees” sa opisina ni Roderick.

“Wala namang ’ghost employees’," deklara niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa palagay ba niya’y politically-motivated lang ang mga akusasyon kay Roderick?

“Hindi ko lang alam. Malamang politically-motivated, baka ganun nga lang talaga.”

Nagkausap na ba sila nito?

“Oo, araw-araw kaming nag-uusap.

“Sabi ko, we have to get the documents para mabasa natin. And then, kung anuman yung mabasa natin dun, huwag siyang mawawalan ng loob.”

Gaano kalaki ang suporta niya kay Coun. Roderick?

“A, full support ako sa kanila…sa lahat. Sa lahat ng members ng council.”

FOREVER YOUNG. Samantala, kapansin-pansin ang di-gaanong pagbabago sa hitsura ni Herbert.

Kahit dumaan na ang maraming taon at nabugbog na ng santambak na trabaho sa City Hall, wala raw sa hitsura ni Herbert ang edad niyang 44.

“Lahat naman tayo mukhang bata, a!” bulalas niya habang napapangiti.

ANOTHER CHILD OF HIS ENTERING SHOWBIZ. Nagmistula ring party ng anak niyang si Athena ang kanyang birthday celebration dahil sa pagpapakilala niya rito sa lahat ng mga bisita.

Naghandog pa ito ng isang song number.

Papasukin din ba ni Athena ang showbiz?

“Oo. Parang si Harvey," patungkol sa bunso niyang anak na napapanood sa Goin’ Bulilit.

Biro pa ng mayor tungkol sa pagso-showbiz na ng kanyang bunsong anak.

“E, kailangan na niyang kumita. Nahihirapan na ako, ‘no! Lakas kumain!”

Para kay Herbert, mas magandang magsimula muna sa maliliit na roles si Harvey, parang katulad din daw niya noong nagsisimula siya bilang isang child actor.

“Okay naman siya. Sabi ko nga, pa-extra-extra na muna siya. E, nagsimula ako sa [pagiging] extra, e. Di ekstra muna siya.

“Yung pag-aaral niya, priority yun. Maganda naman kasi, Sabado lang ang taping nila.

“Bahala siya sa buhay niya, basta huwag niyang pababayaan ang pag-aaral niya,” natatawang sabi ni Herbert.

Bago matapos ang panayam ng PEP, ano nga ba birthday wish niya?

“Good health lang for everybody, my family, my friends, my post…everybody,” sagot ni Mayor Herbert.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN