Rocco Nacino dismisses rumors of budget problems in production of Lam-ang

Hindi totoong natigil ang shooting ng pelikulang Lam-ang dahil sa problema sa budget. Ito ang nilinaw ni Rocco Nacino na siyang gumaganap sa title role. Sa katunayan, nakatakdang bumalik ang aktor sa Ilocos Sur sa Hunyo 28 upang ipagpatuloy ang proyekto.


Pinabulaanan ni Rocco Nacino ang usap-usapang nasuspinde ang shooting ng pelikulang Lam-ang dahil sa diumano’y pagkakaroon ng problema sa budget.

Nagbalik kasi sa Maynila kamakailan ang karamihan sa cast at crew, kabilang si Rocco, mula sa set ng pelikula sa San Ildefonso, Ilocos Sur kaya naisip tuloy ng ilan na natigil na ang paggawa sa pelikula.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang press sa aktor sa anniversary party ng Cosmopolitan Philippines Magazine sa NBC Tent sa The Fort, Taguig, noong May 17, nilinaw niya na matagal nang naka-schedule ang shooting break na ito.

“Ay hindi, hindi ito dahil sa budget kung bakit matagal magre-resume [ang shooting].

“Dahil si Alchris [Galura] has a stage play and iyong ibang characters may mga nauna nang work.

"So doon talaga nagkakaroon ng problema,” sabi niya.

Sa katunayan, nakatakdang bumalik si Rocco at mga kasamahan sa Ilocos Sur sa darating na Hunyo 28.

“Yes, June 28 Ilocos ulit. Sa highlands na so may konting hike pa iyan so dapat mag-prepare.”

Dagdag pa ng aktor, tila hindi naman daw magiging isyu ang kakapusan sa budget dahil talagang pinghahandaan ng production team ang lahat ng aspeto ng proyekto.

“Malaki talaga [ang budget].

"Sa treehouse pa lang, Php100,000 na daw [ang halaga]. Nagulat nga ako, e.

“’Tapos doon namin ginawa iyong fight scene namin ni Rochelle [Pangilinan], so ‘di namin alam na gano’n pala kamahal iyong set namin.

“What more iyong buong village na ginawa nila na kung saan lumaki si Lam-ang?

“So, excited na akong makita iyon.”

MARTIAL ARTS TRAINING. Sa ikalawang bahagi ng shooting ng pelikula ay nakatakda raw gumawa si Rocco ng mas marami pang fight scenes.

Kaya naman habang narito siya sa Maynila ay ipinagpapatuloy niya ang kanyang physical training.

Naikuwento niya na bagamat nagtamo na siya ng ilang injuries dahil sa shooting ay hindi naman daw siya pinanghihinaan ng loob na ipagpatuloy ang proyekto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Injured iyong dalawang paa ko, iyong dalawang shoulders ko injured din, pero masaya kasi I have learned a lot of martials arts.

“I have learned to appreciate the Filipino martial arts—kali, arnis, sibat.

“And na-experience ko iyong mountain ants ng Ilocos, na-allergy nga ako doon.”

BAHAG COSTUME. Samantala, naging mas kumportable na raw ngayon si Rocco sa pagsuot ng kanyang bahag costume para sa pelikula.

Kuwento niya, “Na-try na namin iyong first scene namin with the bahag.

“Noong una nahihiya ako, pero pagkatapos sumasayaw-sayaw na ako.

“So, sa next leg [ng shooting], ’pag suot ko iyong bahag ko , igurado tumatakbo-takbo na ako.”

THE GOOD DAUGHTER. Sa pagpapatuloy ng panayam kay Rocco ay kinumusta rin ang taping ng GMA-7 teleserye na The Good Daughter, kung saan siya ang leading man ni Kylie Padilla.

Nag-last taping day na raw ang programa noong nakaraang Sabado at kuwento ni Rocco ay dinapuan pa siya ng sakit sa mga huling araw ng trabaho.

“I [was] down with the flu kasi ang dami naming ginawa like rain effect, me diving into a pool…

“Ang daming stunts na ginawa, ang daming fight scenes kasi it’s needed in the story, so medyo masama iyong boses ko ngayon.

"Pero I’m having fun at talagang napakaganda ng ending.”

Nakatakdang magtapos ang The Good Daughter sa loob ng dalawang linggo.

ON SHEENA HALILI. Sa dami ng pinagkakaabalahan ni Rocco, hindi pa ba siya nauubusan ng oras para sa rumored girlfriend niyang si Sheena Halili?

“Hindi naman. Kaya iyan. Kapag gusto talaga [magkita], may paraan.

“Kapag may time talaga, e, araw-araw din ang trabaho niya, e, ako araw-araw din.

“Pero on the side, kapag kaya naming mag-dinner, mag-lunch [together], ayon nagkikita kami." saad ni Rocco.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN