Rocco Nacino not nominated for Urian: "Pero hindi po masama ang loob ko."

One thing Rocco Nacino learned from Lam-Ang: “Doon ko natutunan ang culture ng Ilocano.”


Hindi raw masama ang loob ni Rocco Nacino kahit hindi siya nominado sa acting category—Best Actor o Best Supporting Actor— ng 35th Gawad Urian.
May mga umasang kasama siya sa listahan dahil dalawang beses nang nanalo ang Starstruck alumnus ng award ngayong taon para sa pelikulang Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa.
Tinanghal siyang New Movie Actor of the Year sa Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC) at Breakthrough Artist of the Year sa Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society (EnPress).
Ang bungad ng binata, “Ganun po talaga, hindi mo naman makukuha lahat. Merong makakapansin sa iyo, merong hindi. Pero hindi po masama ang loob ko.
"Mas pagbubutihan ko na lang ang trabaho ko.
"Basta ako po, nagpapasalamat po ako doon sa mga nakapansin at nagbigay sa akin ng award, sa PMPC po at sa EnPress, maraming salamat po ulit,” sabi ni Rocco.
Nakausap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Rocco sa pocket press conference na ibinigay ng GMA Artist Center para sa kanya kahapon, May 24, sa Kitchen of Cakes and Coffee restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.
Hindi man nominado ay suportado pa rin ni Rocco ang iba niyang kasamahan— Paulo Avelino para sa Best Actor, Jean Garcia para sa Best Supporting Actress, Alvin Yapan para sa Best Director, at ang pelikula mismo para sa Best Film— sa naturang indie film na nominado sa Gawad Urian.
Bukod pa ito sa iba pang nominasyon sa ilang technical at minor categories.
ANOTHER CINEMALAYA MOVIE. Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ay naging kalahok sa Cinemalaya New Breed Section noong isang taon.
Malaki ang nagawa ng pelikulang ito para sa career ni Rocco dahil ito raw ang nagbukas ng iba pang opportunities para sa kanya.
Kaya naman natutuwa si Rocco na may bagong indie movie siyang mapapanood ulit sa Cinemalaya ngayong taon, ang Madaling Araw Mahabang Gabi, sa direksyon ni Dante Nico Garcia.
Sa Puerto Princesa, Palawan pa raw nila kinunan ang kabuuan ng pelikula.
Miyembro raw ng isang banda ang role na ginagampanan ni Rocco.
Kasama niya sa cast sina Angelica Panganiban, Glaiza de Castro, Edgar Allan Guzman, Kean Cipriano, Dominic Roco, Alchris Galura, Tutti Caringal, Eric Tai at Buboy Garovillo.
Ang kaibahan nga lang daw ngayong taon, ang pagkakaalam ni Rocco hindi kasama sa competition category ang bago niyang indie movie.
“Baka po kasi yun ang mag-open sa Cinemalaya this year. Hindi po yata siya for competition.”
Bilang isang Kapuso, kinumusta ng PEP kay Rocco ang pakikipagtrabaho niya sa Kapamilya actress na si Angelica Panganiban.
“Makulit, masaya siyang kasama. At saka masaya siyang kainuman,” natawang sabi ni Rocco, pero agad din niyang nilinaw na, “Hindi, sa isang eksena namin yun sa Palawan noon.”
LAM-ANG. Bukod sa Madaling Araw Mahabang Gabi, isa pang pelikulang aabangan kay Rocco ay ang pinagbibidahan niya mismong epic movie, ang Lam-Ang.
Nilinaw niyang muli ang lumabas na isyu na diumano’y nahinto ang shooting nila dahil nagkakaproblema raw sa budget.
“Wala naman po talagang problemang ganun. Kinausap ko naman po yung producer namin, wala namang problema. Wala raw naman pong problema sa budget. Schedule lang naman po ang problema. Ang totoo po kasi, naka-schedule talaga itong break namin for May. ’Tapos sa June 28 na po ang balik namin ng Ilocos para mag-resume ng shooting.”
Hindi ba siya nag-aalala na pagkatapos ng magagandang write-ups tungkol sa pagsisimula ng shooting nila ng Lam-Ang, biglang magkakaroon ng ganitong isyu?
“Hindi naman ako nagwo-worry kasi alam ko naman kung ano ang totoo. Sabi naman sa akin ni Sir Dennis [Evangelista], there’s no problem na dapat ika-worry.”
Natapos na raw nilang i-shoot ang lahat ng mga eksenang kasama ang kanyang leading lady na si Rochelle Pangilinan. Ang susunod daw na leg ng shooting ay magpo-focus sa mas maraming action scenes ng pelikula.
Naiilang pa rin ba si Rocco sa pagsusuot ng bahag?
“Siyempre, noong una naninibago ako, medyo nakakahiya. Pero pagtagal-tagal, parang nakasanayan ko na rin.
"At saka hindi naman all throughout the movie ay nakabahag ako. Bandang first part at saka sa last part ng movie... Kasi doon ako sa tribu lumaki.
"Pero noong nag-venture ako outside my village, doon ako nagsuot ng pants para mag-blend ako sa mga tao. Pero babalik rin siya sa bahag sa last part.”
Dahil daw sa Lam-Ang, nadiskubre ni Rocco ang kanilang family roots.
“Doon ko lang nalaman nung first week namin na ang mga Nacino pala ay taga-Ilocos. Nung pauwi na kami, may mga lumapit sa akin na mga Nacino. Sabi nga, taga-Ilocos talaga. Doon talaga nag-start,” ang nakangiti niyang kuwento.
THE GOOD DAUGHTER’S ENDING. Magkahalong tuwa at lungkot naman ang nararamdaman ni Rocco sa nalalapit na pagtatapos ng afternoon drama series nila ni Kylie Padilla sa GMA-7, ang The Good Daughter. Last week na nga nito sa susunod na linggo.
“Malungkot po na magtatapos na yung show namin. Siyempre mami-miss ko po si Kylie.
"Yung buong cast at production, mami-miss ko rin kasi naging close po kaming lahat nung ginagawa namin ito, e.
“Pero masaya rin kaming lahat dahil magtatapos naman na maganda at mataas ang ratings namin. Consistent number one nga raw kami sa hapon, so nakakatuwa. Masayang-masaya kami. Sana sa last week, humataw pa rin.”
Kinuha na rin niya ang pagkakataon para pasalamatan ang lahat ng sumusubaybay sa show nila.
“Mga Kapuso, salamat po sa suporta n’yo sa The Good Daughter. We hope, sana itong final week ay tutukan n’yo at abangan n’yo ang malulupit na mga eksena lalo na sa last episode.”
Magkakaroon pa ba ng another project ang tambalan nila ni Kylie?
“Sana, sana. Marami namang natutuwa sa team-up namin. Since mataas ang ratings, sana masundan pa ng another project. I gained a new friend in Kylie sa show na ito.”
LEADING LADIES. Sa mga naging leading ladies na niya, kanino siya naging pinaka-close at nagkaroon siya ng magandang friendship?
“Siguro… si Kris (Bernal). Kasi nakadalawang shows kami, yung Time of My Life at saka Koreana. So, siya yung pinakamatagal na nakatrabaho ko.”
Pero ano naman ang masasabi niya kay Kylie?
“Naging close din kami ni Kylie. Natutuwa ako sa kanya kasi lagi kong nakikita sa kanya yung enthusiasm niya pagdating sa pag-arte. Lagi siyang nagtatanong kay Direk, lagi siyang nakikipag-throw lines sa akin para maging smooth lahat.
Aminado naman siya nasa learning phase pa siya ng pag-arte kaya it’s nice na she’s very humble when it comes to work. Maganda yung naging chemistry namin.”
SHEENA HALILI. Hindi ba nagselos kahit once kay Kylie ang rumored girlfriend niyang si Sheena Halili?
“Hindi naman. Busy rin si Sheena sa work e.”
Dahil nga may trabaho rin si Sheena, hindi raw nito nagawang bisitahin si Rocco sa Ilocos sa shooting ng Lam-Ang. Nagandahan daw si Rocco sa Ilocos kaya kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto niya sanang isama roon si Sheena.
“Kung pwede, why not? Para ma-experience niya rin yung magha-hike sa kagubatan at saka ang daming magagandang tanawin doon. Kaya lang kasi may trabaho rin siya e. Syempre work comes first.”
Kung may pagkakataon naman daw sila ay nagagawa nilang magkita ni Sheena.
“Kung gugustuhin mo talaga may paraan naman. Kahit yung tipong sabay lang kaming mag-lunch o mag-dinner, ganun. May communication naman kami pag magkalayo kami.”
Gusto niya bang maging leading lady sa isang teleserye si Sheena?
“Why not? Yun naman ang sinasabi ko e, kahit kanino pwede akong i-pair lalo na kay Sheena pa, di ba? Pero syempre GMA pa rin ang magde-decide pagdating sa ganyan. Pero sana, gusto ko rin.”
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN