Francine Prieto to document her weight loss in indie film

Francine Prieto has a new project—an indie film documenting her weight loss. "Ang target namin talaga mag-lose ako ng 40 pounds sa loob ng 3 months. So, unang-una, malaki ang maitutulong sa akin no’n. Para rin mapakita nila na pag ikaw ay kumain ng healthy food, tapos ikaw ay nag-exercise, heto yung mangyayari sa’yo. Plus, para maibabaik yung dating buhay ko rin—yung dating Francine Prieto na nakilala nila noon,” she says.


Matagal ngang hindi napanood si Francine Prieto sa telebisyon. Huli nga siyang napanood ay sa pelikulang My Househusband noong 2011 at huling nabalitaan na lang sa dating sexy star ay nag-DJ na lang ito sa radio.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
Dati siyang naghu-host ng radio show sa DZMM TeleRadyo’s Ka-Date kunsaan nakasama niya si Bobby Yan at ngayon ay nasa 103.5 WOW FM siya.
Ngayon ay biglang may balitang gagawa ng isang indie film-documentary si Francine tungkol sa kanyang pagpapapayat.
Wala pa nga raw final title ang naturang project na sinimulan na ni Francine. Tinatawag pa lang daw nila itong “Hunger Games” dahil ang goal ng indie film-docu ay ang ibalik ang dating seksing katawan ni Francine.
“The indie film-docu is all about my weight loss. Ang target namin talaga mag-lose ako ng 40 pounds sa loob ng 3 months.
“So, unang-una, malaki ang maitutulong sa akin no’n. Para rin mapakita nila na pag ikaw ay kumain ng healthy food, tapos ikaw ay nag-exercise, heto yung mangyayari sa’yo.
“Plus para maibabaik yung dating buhay ko rin—yung dating Francine Prieto na nakilala nila noon,” sabi ni Francine nang makapanayam namin siya sa Symphony Tower in Quezon City nuong June 2.
Dahil nga sa pagkawala ng kaseksihan ni Francine, unti-unting nawala ang mga projects na noo’y sunud-sunod na dumarating sa kanya.
Huli niyang naging project sa television ay ang Imortal, Alyna at Kung Tayo’y Magkakakayo sa ABS-CBN 2 noong 2010 pa. Sa bakuran naman ng GMA-7 ay noong 2009 pa niya nagawa ang Darna, Sana Ngayong Pasko at Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang.
“Lagi namang complain sa akin ay yung weight ko.
“Lagi naman akong nag-o-audition at wala namang problema sa kakayahan ko umarte. Laging weight ko yung complain sa akin.
“Ngayon may mga tao na alam mo na nagtitiwala ulit sa akin. Para mapatunayan ko na kaya kong bumalik sa dati.
LAST CHANCE. “Sabi ko nga last chance ko na siguro na para at least mabalik ko yung dati kong weight.
“Kasi lagi na lang nila hinahanap yung Francine noon. Yung Francine na nakilala nila since 2003, e. So ako sige, go! Gawin na natin yan!” diin pa niya.
Nagsimula na nga noong June 4 si Francine sa kanyang pag-iwas sa mga pagkain na gusto niyang kainin tulad ng pizza, fried chicken at mga sweets. Huling kinain niya ang mga iyon noong nakaraang June 2 and 3.
“Binusog ko na ang sarili ko for the past two days. Parang yun na ang huling kain ko ng mga gusto ko dahil sa mga susunod na araw ay mga healthy food na ang ibibigay nila sa akin.
“Every day ay may ibibigay silang mga healthy food sa akin. Malaking challenge iyon para sa akin kasi hindi talaga ako kumakain ng gulay. E, kasama sa healthy food ang vegetables, ‘di ba?
“Pero mind over matter lang naman siguro ‘yan. Isipin ko lang na masarap ang gulay, makakain ko siya.
“Tapos six times a week, meron akong workout routine na gagawin. Mga 2 to 3 hours na workout yun six times a week. E, tamad din akong mag-workout kahit na noong payat ako.
“Gagawin ko ang mga ito habang ginagawa ko pa rin ang everyday routine ko. Susundan ako ng camera at ipapakita kung mag-cheat ba ako sa pagkain? Or susunod ba ako sa workout ko?
“So tingnan natin kung anong magiging resulta in three months. May mag-measure sa akin at mag-check ng weight ko. Just to see kung may improvement.
"Goal nga namin is for me to lose 40 pounds or more,” sabi ni Francine.
SECRET. Nang tanungin namin ang current weight niya, nahiyang aminin ni Francine dahil kitang-kita naman daw na malaki ang tinaba niya kumpara sa katawan niya noon.
“Secret! Ayokong sabihin!” tawa pa ni Francine.
“Ilang years ng issue ‘yan, ‘di ba? Hindi ko na siguro kailangang sabihin pa.
“Dati pa nga sinasabi na obese nga ako. So siguro, this year, matatapos na siya.
"Positive naman ako na magagawa ko ito. Alam kong mahirap pero kelan ko pa ito magagawa? It’s now or never.”
EMOTIONAL EATING DISORDER. Isang dahilan nga raw ng biglang paglaki ng katawan ni Francine ay dahil nagkaroon siya ng emotional stress. Dinaan na lang niya sa pagkain ang nararamdaman niyang depression sa kanyang career at sa sarili niyang pamilya.
“Nagkaroon ako ng emotional eating disorder.
“Dahil iyon sa stress at pressure. Nawalan ako ng work, nawalan ako ng show. Since breadwinner ako ng family ko, parang ang dami kong iniisip noon.
“Tapos parang walang sumusuporta sa akin. May best friend ako na kung anu-ano pa ang sinasabi sa akin kapag nakatalikod ako.
"Maraming tao sa buhay ko noon na inaasahan ko at hindi naging supportive sa akin.
“Imbes na tulungan ako para sana makapag-lose ako ng weight, hindi sila nag-effort na tulungan ako.
FAMILY PROBLEMS. “So ang naging best friend ko noon talaga ay food. Dun ko nailalabas ang frustrations ko. Yung mga lungkot ko sa buhay, sa pagkain ko binaling kaya ganito ang nangyari sa akin.”
Nabanggit nga ni Francine ang naging problema niya sa kanyang pamilya. Breadwinner siya at nagpaaral sa kanyang mga kapatid. Pero nauwi nga raw sa wala ang mga naging sakripisyo niya para sa mga half-siblings niya.
Noong sumakabilang-buhay nga ang ina ni Francine na si Mrs. Amy Falcon, doon na nagkaroon ng matinding alitan sa pagitan ni Francine at mga kapatid niya sa ina. Tungkol sa pera ang naging away nila.
Umabot pa nga sa pag-blotter ni Francine sa isa niyang kapatid dahil sa death threat nito sa kanya.
“Tinapos ko na lahat ‘yan last year.
“Simula nung September of 2011 noong mabenta ko na yung bahay at nabigay ko na yung share nila, tinapos ko na rin yung para sa family ko.
“Last December napagdesisyunan ko na na ultimo sa puso ko, wala na, tapos na. Period na. Pagod na ako kasi.
“Ayoko nang isipin pa sila. Kasi siguro naman, sa ilang years na pagsasakripisyo ko para sa kanila, kahit papa’no naman, hindi ko naman sila napabayaan.
“So siguro tapos na yun. Kaya itong year na ito, ito na yung panahon para sa sarili ko naman, ‘di ba?
“Wala namang problema kung kelan ka mag-start para sa sarili mo, e. Kasi kung hindi ko ihihinto ang pagsuporta sa mga kapatid ko, hanggang kailan ko iyon gagawin?
“Kailangan magtrabaho naman na sila para sa sarili nila. I gave up so much of my personal life para sa kanila. It’s time na ako naman—sarili ko na ang intindihin ko this time.”
NO COMMUNICATION. Matagal na ngang walang communication si Francine sa kanyang mga kapatid sa ina.
“Wala na akong balita sa kanila. Wala na kaming communication. Ang kino-consider ko na lang na kapatid ko ay yung half sister ko sa biological father ko.
"Siya yung nasa Norway. Plus yung kuya ko rin sa first husband ng mommy ko.
“Noong September pa nga last year ay nagkahiwa-hiwalay na kami, wala na kaming pag-uusap.
“Pero noong December nga, I tried, kahit paano, makibalita sa kanila. So nag-check ako sa timeline ng isang kapatid ko sa Facebook.
“Sa kakabasa ko ng timeline, may mga nabasa ako na hindi kanais-nais. Yun yung time na pina-blotter ko na yung youngest na kapatid ko.
“Kasi nga may usapan kami tapos hindi tumutupad. Parang ang gulo-gulo na. Nung nabasa ko yun, doon ako lalong nagdesisyon na tama na.
“Wala nang kamustahin. Huwag ko nang malaman kung anong mangyayari sa kanila. Tama na. Tapos na.”
Totally na sinarado na ba ni Francine ang kanyang puso sa kanyang mga kapatid? Paano kung mga kapatid niya ang mismong humiling na magkaayos sila?
“Hindi ko pa masasagot ‘yan, e. Masyado lang akong nasaktan sa mga nangyari sa amin.
“Mga kapatid ko sila at alam nila ang naging suporta ko sa kanila sa mahabang panahon.
“Kung mangyari ang araw na iyon, ewan ko… bahala na si Lord. Basta ngayon, ang sarili ko muna ang iniisip ko.
“Ang nasa tabi ko ngayon ay ang mga tunay kong mga kaibigan. Tried and tested na ang friendship ko sa mga taong ito. Kaya tine-treasure ko ang parating pag-save nila sa akin kapag malungkot ako.”
LOVELIFE. Wala nga rin daw lovelife si Francine.
“Wala. Kalokohan na lang ang lovelife!” malakas na tawa niya.
“Uso nga raw ngayon ay MU. Malanding Ugnayan!
“Pero ayoko namang maglandi, ‘di ba? Minsan siguro ta-try ko! Joke lang yon!
“Siguro kapag naging maayos na ulit ako, baka mag-start ulit ako sa dating. After three months na lang, kapag okey na ako.”
Gusto din maibalik ni Francine ang kanyang self-confidence na nawala noong magkaroon siya ng problema sa kanyang pisikal na kaanyuhan.
“Love ko ang pag-arte talaga. Bata pa lang ako, showbiz na ako. Yun ang gusto rin ng mommy ko. Mapanood niya ako ay masayang-masaya na siya.
“Wish ko lang talaga ay magkaron ako ulit ng projects. Mabalik lang ang confidence ko, wala akong tatanggihan na talaga.
"Noong lumaki kasi ako, every time na lalabas ako, nahihiya ako kasi sabi ko, naku pipintasan na naman ako. Kaya may times talaga na ayoko nang lumabas.
“Dati kasi ang gusto kong mangyari, sana matanggap ako ng mga tao kahit mag-gain ako ng weight. Sana matanggap ako ng mga tao. Kaya nga sabi ko pa, ‘I love my curves.’
“Kaso hindi talaga, e. Feeling ko hindi pa sila handa na makita akong gano’n. Ako na lang mag-a-adjust at gagawin ko ang best ko para bumalik ang dating figure ko.”
MISSING FHM. Miss nga ni Francine ang rumampa tuwing may FHM event dahil lagi siya noon napapasama sa Top 10 na sexiest.
“Yun ang mga nawala sa akin. Naging endorser din ako ng Bench Body at may mga billboards pa ako noon sa EDSA.
“Yung last na pagrampa ko sa Bench fashion show at sa FHM, ang dami kong natanggap na pintas kasi lumaki na ako that time. Kaya doon nag-start na mawala ang confidence ko.
"Kaya I want to gain that back and I am praying kay Lord na kabayan niya ako sa mga gagawin ko. Na ma-achieve ko ang aking goal at maayos na ulit ang buhay ko.
“Kapag okey na ako sa sarili ko, siguro sunod na maaayos ko ang relasyon ko sa mga kapatid ko. Isa-isa lang muna,” pagtapos pa ni Francine Prieto.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN